Isaias
Kabanata 63
Sino ito na nanggagaling sa Edom, na may mga kasuutang tinina mula sa Bosra? itong maluwalhati sa kaniyang suot, na lumalakad sa di kawasang lakas? Ako na nagsasalita ng katuwiran, makapangyarihang magligtas.
2 Bakit ka mapula sa iyong kasuutan, at ang iyong damit ay gaya niyaong yumayapak sa alilisan ng alak?
3 Aking niyapakang magisa ang alilisan ng alak; at sa mga bayan ay walang isang sumasa akin: oo, aking niyapakan siya sa aking galit, at aking niyurakan sila sa aking kapusukan; at ang kanilang dugong buhay ay pumilansik sa aking mga suot, at natigmak ang buong suot ko.
4 Sapagka't ang kaarawan ng panghihiganti ay nasa aking puso, at ang taon ng aking mga tinubos ay dumating.
5 At ako'y lumingap, at walang tumulong; at ako'y namangha na walang umalalay: kaya't iniligtas ako ng aking sariling kamay; at ang aking kapusukan, ay umalalay sa akin.
6 At aking niyapakan ang mga bayan sa aking galit, at nilango ko sila sa aking kapusukan, at ibinubo sa lupa ang kanilang dugong buhay.
7 Aking babanggitin ang mga kagandahang-loob ng Panginoon, at ang mga kapurihan ng Panginoon, ayon sa lahat na ipinagkaloob ng Panginoon sa amin, at ang malaking kabutihan na kaniyang ginawa sa sangbahayan ni Israel na kaniyang ginawa sa kanila ayon sa kaniyang mga kaawaan, at ayon sa karamihan ng kaniyang mga kagandahang-loob.
8 Sapagka't kaniyang sinabi, Tunay, sila'y aking bayan, mga anak na hindi magsisigawang may kasinungalingan: sa gayo'y siya'y naging Tagapagligtas sa kanila.
9 Sa lahat nilang kadalamhatian ay nagdadalamhati siya, at iniligtas sila ng anghel na nasa kaniyang harapan: sa kaniyang pagibig at sa kaniyang pagkaawa ay tinubos niya sila; at kaniyang kinilik sila at kinalong silang lahat noong araw.
10 Nguni't sila'y nanganghimagsik, at namanglaw ang kaniyang banal na Espiritu: kaya't siya'y naging kaaway nila, at siya rin ang nakipaglaban sa kanila.
11 Nang magkagayo'y inalaala niya ang mga araw nang una, si Moises at ang kaniyang bayan, na sinasabi, Saan nandoon siya na nagahon sa kanila mula sa dagat, na kasama ng mga pastor ng kaniyang kawan? saan nandoon siya na kumakasi ng kaniyang banal na Espiritu sa kanila?
12 Na inaakbayan ng kaniyang maluwalhating bisig ang kanang kamay ni Moises? na humawi ng tubig sa harap nila, upang gawan ang kaniyang sarili ng walang hanggang pangalan?
13 Na pumatnubay sa kanila sa mga kalaliman, na parang isang kabayo sa ilang, upang sila'y huwag mangatisod?
14 Kung paanong ang kawan na bumababa sa libis, ay pinapagpapahinga ng Espiritu ng Panginoon: gayon mo pinatnubayan ang iyong bayan, upang gawan mo ang iyong sarili ng maluwalhating pangalan.
15 Tumungo ka mula sa langit, at tumingin ka, mula sa tahanan ng iyong kabanalan at ng iyong kaluwalhatian: saan nandoon ang iyong sikap at ang iyong mga makapangyarihang gawa? ang iyong pagmamagandang-loob at ang iyong mga habag ay iniurong mo sa akin.
16 Sapagka't ikaw ay aming Ama, bagaman hindi kami kinilala ni Abraham, at hindi kami kilala ng Israel: ikaw, Oh Panginoon, ay aming Ama, aming Manunubos na mula sa walang pasimula ay siya mong pangalan.
17 Oh Panginoon; bakit mo kami iniligaw na inihiwalay sa iyong mga daan, at pinapagmatigas mo ang aming puso na inihiwalay sa takot sa iyo? Ikaw ay magbalik dahil sa iyong mga lingkod, na mga lipi ng iyong mana.
18 Inaring sangdali lamang ng iyong banal na bayan: niyapakan ng aming mga kaaway ang iyong santuario.
19 Kami ay naging gaya ng hindi mga pinagpunuan kailan man, gaya ng hindi nangatawag sa iyong pangalan.