Isaias
Kabanata 57
Ang matuwid na namamatay, at walang taong nagdadamdam; at mga taong mahabagin ay pumapanaw, walang gumugunita na ang matuwid ay naalis sa kasamaan na darating.
2 Siya'y nanasok sa kapayapaan; sila'y nagpapahinga sa kanilang mga higaan bawa't lumalakad sa kaniyang katuwiran.
3 Nguni't magsilapit kayo rito, kayong mga anak ng babaing manghuhula, na lahi ng mangangalunya at ng patutot.
4 Laban kanino nakipagaglahian kayo? laban kanino nagluluwang kayo ng bibig, at naglalawit ng dila? hindi baga kayo mga anak ng pagsalangsang, lahing sinungaling,
5 Kayong mga nangagaalab sa inyong sarili sa gitna ng mga encina, sa ilalim ng bawa't sariwang punong kahoy; na pumapatay ng mga anak sa mga libis, sa mga bitak ng mga bato sa mga bangin?
6 Nasa gitna ng mga makinis na bato sa libis ang iyong bahagi; sila, sila ang iyong bahagi; sa kanila ka nga nagbuhos ng inuming handog, ikaw ay naghandog ng alay. Matatahimik baga ako sa mga bagay na ito?
7 Sa isang mataas at matayog na bundok ay inilagay mo ang iyong higaan; doon ka naman sumampa upang maghandog ng hain.
8 At sa likod ng mga pintuan at ng mga tukod ay itinaas mo ang iyong alaala: sapagka't ikaw ay nagpakahubad sa iba kay sa akin, at ikaw ay sumampa; iyong pinalaki ang iyong higaan, at nakipagtipan ka sa kanila: iyong inibig ang kanilang higaan saan mo man makita.
9 At ikaw ay naparoon sa hari na may pahid na langis, at iyong pinarami ang iyong mga pabango, at iyong sinugo ang iyong mga sugo sa malayo, at ikaw ay nagpakababa hanggang sa Sheol.
10 Ikaw ay napagod sa kahabaan ng iyong lakad; gayon ma'y hindi mo sinabi, Walang kabuluhan: ikaw ay nakasumpong ng kabuhayan ng iyong lakas; kaya't hindi ka nanglupaypay.
11 At kanino ka nangilabot at natakot, na ikaw ay nagsisinungaling, at hindi mo ako inalaala, o dinamdam mo man? hindi baga ako tumahimik na malaong panahon, at hindi mo ako kinatatakutan.
12 Aking ipahahayag ang iyong katuwiran; at tungkol sa iyong mga gawa, ang mga yaong hindi makikinabang sa iyo.
13 Pagka ikaw ay humihiyaw, iligtas ka nila na iyong pinisan; nguni't tatangayin sila ng hangin, isang hinga ay tatangay sa kanila: nguni't siyang naglalagak ng kaniyang tiwala sa akin ay magaari ng lupain, at magmamana ng aking banal na bundok.
14 At kaniyang sasabihin, inyong patagin, inyong patagin, inyong ihanda ang lansangan, inyong alisin ang katitisuran sa lansangan ng aking bayan.
15 Sapagka't ganito ang sabi ng Mataas at Matayog na tumatahan sa walang hanggan, na ang pangalan ay Banal; Ako'y tumatahan sa mataas at banal na dako na kasama rin niya na may pagsisisi at pagpapakumbabang-loob, upang bumuhay ng loob ng nagpapakumbaba, at upang bumuhay ng puso ng nagsisisi.
16 Sapagka't hindi ako makikipagtalo magpakailan man, o mapopoot man akong lagi; sapagka't ang diwa ay manglulupaypay sa harap ko, at ang mga kaluluwa na aking ginawa.
17 Dahil sa kasamaan ng kaniyang kasakiman ay napoot ako, at sinaktan ko siya; aking ikinubli ang aking mukha at ako'y napoot; at siya'y yumaong nanghimagsik ng lakad ng kaniyang puso.
18 Aking nakita ang kaniyang mga lakad, at pagagalingin ko siya; akin ding papatnubayan siya, at bibigyan ko ng mga kaaliwan siya, at ang kaniyang nangananangis.
19 Aking nililikha ang bunga ng mga labi: Kapayapaan, kapayapaan, sa kaniya na malayo at sa kaniya na malapit, sabi ng Panginoon; at aking pagagalingin siya.
20 Nguni't ang masama ay parang maunos na dagat; sapagka't hindi maaring humusay, at ang kaniyang tubig ay umaalimbukay ng burak at dumi.
21 Walang kapayapaan, sabi ng aking Dios, sa mga masama.