Isaias
Kabanata 31
Sa aba nila na nagsisilusong sa Egipto na humihinging tulong, at nagsisiasa sa mga kabayo; at nagsisitiwala sa mga karo, sapagka't marami, at sa mga mangangabayo, sapagka't mga totoong napakalakas; nguni't hindi sila nagsisitiwala sa Banal ng Israel, o hinahanap man ang Panginoon!
2 Gayon ma'y siya'y pantas, at magdadala ng kasamaan, at hindi iuurong ang kaniyang mga salita, kundi babangon laban sa bahay ng mga manggagawa ng kasamaan, at laban sa tulong nila na nagsisigawa ng kasamaan.
3 Ang mga Egipcio nga ay mga tao, at hindi Dios; at ang kanilang mga kabayo ay laman, at hindi diwa: at pagka iuunat ng Panginoon ang kaniyang kamay, siyang tumutulong ay matitisod, at gayon din siyang tinutulungan ay mabubuwal, at silang lahat ay mangalilipol na magkakasama.
4 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, Kung paano na ang leon at ang batang leon ay umuungal sa kaniyang huli, pagka ang karamihan ng mga pastor ay nagpipisan laban sa kaniya, na hindi siya matatakot sa kanilang tinig, o maduduwag man dahil sa ingay nila: gayon bababa ang Panginoon ng mga hukbo sa bundok ng Sion, at sa burol niyaon upang makipaglaban.
5 Gaya ng mga ibong nagsisilipad gayon aampunin ng Panginoon ng mga hukbo ang Jerusalem; yao'y kaniyang aampunin at ililigtas, siya'y daraan at iingatan niya,
6 Kayo'y manumbalik sa kaniya na inyong pinanghimagsikan lubha, Oh mga anak ni Israel.
7 Sapagka't sa araw na yaon ay itatapon ng bawa't tao ang kaniyang mga diosdiosang pilak, at ang kaniyang mga diosdiosang ginto, na ginawa ng inyong sariling mga kamay, sa ganang inyo ay naging kasalanan,
8 Kung magkagayo'y mabubuwal ang taga Asiria sa pamamagitan ng tabak, na hindi sa tao: at ang tabak, na hindi sa mga tao, lalamon sa kaniya: at kaniyang tatakasan ang tabak, at ang kaniyang mga binata ay magiging mamumuwis.
9 At ang kaniyang malaking bato ay lalagpasan, dahil sa kakilabutan, at ang kaniyang mga pangulo ay masisindak sa watawat, sabi ng Panginoon, na ang kaniyang apoy ay nasa Sion, at ang kaniyang hurno ay nasa Jerusalem.