Isaias
Kabanata 37
At nangyari, nang marinig ng haring Ezechias ay hinapak niya ang kaniyang mga suot, at nagbalot ng kayong magaspang, at pumasok sa bahay ng Panginoon.
2 At kaniyang sinugo si Eliacim, na katiwala sa bahay, at si Sebna na kalihim, at ang mga matanda sa mga saserdote, na may balot na kayong magaspang, kay Isaias na propeta na anak ni Amoz.
3 At sinabi nila sa kaniya, Ganito ang sabi ni Ezechias, Ang araw na ito ay kaarawan ng kabagabagan, at ng pagsaway, at ng paghamak: sapagka't ang mga anak ay dumating sa kapanganakan, at walang kalakasang ipanganak.
4 Marahil ay pakikinggan ng Panginoon mong Dios ang mga salita ni Rabsaces, na siyang sinugo ng kaniyang panginoon na hari sa Asiria upang tungayawin ang buhay na Dios, at sansalain ang mga salita na narinig ng Panginoon mong Dios: kaya't ilakas mo ang iyong dalangin dahil sa nalabi na naiwan.
5 Sa gayo'y ang mga lingkod ng haring Ezechias ay naparoon kay Isaias.
6 At sinabi ni Isaias sa kanila, Ganito ang inyong sasabihin sa inyong panginoon, Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang matakot sa mga salita na iyong narinig, na ipinanungayaw sa akin ng mga lingkod ng hari sa Asiria.
7 Narito, ako'y maglalagay ng espiritu sa kaniya, at siya'y makakarinig ng kaingay, at babalik sa kaniyang sariling lupain; at aking ipabubuwal siya sa pamamagitan ng tabak sa kaniyang sariling lupain.
8 Sa gayo'y bumalik si Rabsaces, at nasumpungan ang hari sa Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagka't nabalitaan niya na kaniyang nilisan ang Lachis.
9 At kaniyang narinig na sinabi tungkol kay Tirhakah na hari sa Etiopia, Siya'y lumabas upang makipaglaban sa iyo. At nang kaniyang marinig, siya'y nagsugo ng mga sugo kay Ezechias, na sinasabi,
10 Ganito ang inyong sasalitain kay Ezechias na hari sa Juda, na sasabihin, Huwag kang padaya sa iyong Dios na iyong tinitiwalaan, na sabihin, Ang Jerusalem ay hindi mapapasa kamay ng hari sa Asiria.
11 Narito nabalitaan mo kung ano ang ginawa ng mga hari sa Asiria sa lahat ng lupain, na yao'y sinira ng lubos: at maliligtas ka baga?
12 Iniligtas baga sila ng mga dios ng mga bansa, na siyang nilipol ng aking mga magulang, gaya ng Gozan, ng Haran; at ng Rezeph, at ng mga anak ni Eden, na nangasa Thelasar?
13 Saan nandoon ang hari sa Hamath, at ang hari sa Arphad, at ang hari ng bayan ng Sepharvaim, ng Henah, at ng Hivah?
14 At tinanggap ni Ezechias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa: at umahon si Ezechias sa bahay ng Panginoon, at binuklat sa harap ng Panginoon.
15 At si Ezechias ay dumalangin sa Panginoon, na kaniyang sinabi,
16 Oh Panginoon ng mga hukbo, na Dios ng Israel, na nakaupo sa mga kerubin, ikaw ang Dios, ikaw lamang, sa lahat ng kaharian sa lupa; ikaw ang gumawa ng langit at lupa.
17 Ikiling mo ang iyong pakinig, Oh Panginoon, at iyong dinggin; idilat mo ang iyong mga mata, Oh Panginoon, at tumingin ka; at pakinggan mo ang lahat na salita ni Sennacherib, na kaniyang ipinasabi upang ipanungayaw sa buhay na Dios.
18 Sa katotohanan, Panginoon, ang lahat na bansa ay sinira ng mga hari sa Asiria at ang kanikanilang lupain.
19 At inihagis ang kanikanilang mga dios sa apoy: sapagka't sila'y hindi mga dios, kundi mga gawa ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato; kaya't kanilang sinira.
20 Ngayon nga, Oh Panginoon naming Dios, iligtas mo kami sa kaniyang kamay, upang makilala ng lahat na kaharian sa lupa, na ikaw ang Panginoon, ikaw lamang.
21 Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amoz kay Ezechias, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Yamang ikaw ay dumalangin sa akin laban kay Sennacherib na hari sa Asiria.
22 Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa kaniya: Hinamak ka ng anak na dalaga ng Sion, at tinawanan kang mainam; iginalaw ng anak na babae ng Jerusalem ang kaniyang ulo sa iyo.
23 Sino ang iyong pinulaan at tinungayaw? at laban kanino itinaas mo ang iyong tinig at ipinandilat mo ang iyong mga mata ng mataas? laban nga sa Banal ng Israel.
24 Sa pamamagitan ng iyong mga lingkod ay iyong pinulaan ang Panginoon, at nagsabi ka, Sa karamihan ng aking mga karo ay nakaahon ako sa kataasan ng mga bundok, sa mga kaloobloobang bahagi ng Libano; at aking puputulin ang mga matayog na cedro niyaon, at ang mga piling puno ng abeto niyaon: at ako'y papasok sa pinakataluktok na kataasan, ng gubat ng kaniyang mabuting bukid.
25 Ako'y humukay at uminom ng tubig, at aking tutuyuin ng talampakan ng aking mga paa ang lahat ng mga ilog ng Egipto.
26 Hindi mo baga nabalitaan kung paanong aking ginawa na malaon na, at aking pinanukala ng una? ngayo'y aking pinapangyari, upang iyong sirain ang mga bayang nakukutaan na magiging mga guhong bunton.
27 Kaya't ang kanilang mga mananahan ay may munting kapangyarihan, sila'y nanganglupaypay at nangatulig; sila'y parang damo sa bukid, at sariwang gugulayin, parang damo sa mga bubungan, at parang bukid ng trigo bago tumaas.
28 Nguni't talastas ko ang iyong pagupo, at ang iyong paglabas, at ang iyong pagpasok, at ang iyong galit laban sa akin.
29 Dahil sa iyong galit laban sa akin, at dahil sa iyong kapalaluan ay nanuot sa aking mga pakinig, kaya't ilalagay ko ang aking taga ng bingwit sa iyong ilong, at ang aking paningkaw sa iyong mga labi, at pababalikin kita sa daan na iyong pinanggalingan.
30 At ito ang magiging tanda sa iyo: kayo'y magsisikain sa taong ito ng tumutubo sa kaniyang sarili, at sa ikalawang taon ay ng tumubo doon; at sa ikatlong taon ay kayo'y mangaghasik, at magsiani, at mangagtanim ng mga ubasan, at kumain ng bunga niyaon.
31 At ang nalabi na nakatanan sa sangbahayan ni Juda ay maguugat uli sa ilalim, at magbubunga sa itaas.
32 Sapagka't sa Jerusalem ay lalabas ang nalabi, at mula sa bundok ng Sion ay silang magtatanan. Isasagawa ito ng sikap ng Panginoon ng mga hukbo.
33 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari sa Asiria, Siya'y hindi paririto sa bayang ito o magpapahilagpos man ng pana diyan, o haharap man siya diyan na may kalasag, o mahahagis ang bunton laban diyan.
34 Sa daan na kaniyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya paririto sa bayang ito, sabi ng Panginoon.
35 Sapagka't aking ipagsasanggalang ang bayang ito upang iligtas, dahil sa akin, at dahil sa aking lingkod na si David.
36 At ang anghel ng Panginoon ay lumabas, at nanakit sa kampamento ng mga taga Asiria nang isang daan at walongpu't limang libo: at nang ang mga tao ay magsibangong maaga sa kinaumagahan, narito, ang lahat ay mga katawang bangkay.
37 Sa gayo'y umalis si Sennacherib na hari sa Asiria, at yumaon at umuwi, at tumahan sa Ninive,
38 At nangyari, nang siya'y sumasamba sa bahay ni Nisroch na kaniyang dios, na sinugatan siya ng tabak ni Adremelech at ni Sarezer na kaniyang mga anak at sila'y nagtanan sa lupain ng Ararat. At si Esarhadon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.