0:00
0:00

Kabanata 56

Ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y mangagingat ng kahatulan, at magsigawa ng katuwiran; sapagka't ang aking pagliligtas ay malapit nang darating, at ang aking katuwiran ay mahahayag.
2 Mapalad ang taong gumagawa nito, at ang anak ng tao na nanghahawak dito; na nangingilin ng sabbath upang huwag lapastanganin, at nagiingat ng kaniyang kamay sa paggawa ng anomang kasamaan.
3 At huwag ding magsalita ang taga ibang lupa, na nalakip sa Panginoon, na magsasabi, Tunay na ihihiwalay ako ng Panginoon sa kaniyang bayan; at huwag ding magsabi ang bating, Narito, ako'y punong kahoy na tuyo.
4 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga bating na nangingilin ng aking mga sabbath, at pumipili ng mga bagay na nakalulugod sa akin, at nagiingat ng aking tipan:
5 Sila'y bibigyan ko sa aking bahay at sa loob ng aking mga kuta, ng alaala at pangalan na maigi kay sa mga anak na lalake at babae; aking bibigyan sila ng walang hanggang pangalan, na hindi mapaparam.
6 Gayon din ang mga taga ibang lupa, na nakikilakip sa Panginoon, upang magsipangasiwa sa kaniya, at magsiibig sa pangalan ng Panginoon, upang magsipangasiwa sa kaniya, at magsiibig sa pangalan ng Panginoon, upang maging kaniyang mga lingkod, bawa't nangingilin ng sabbath upang huwag lapastangin, at nagiingat ng aking tipan;
7 Sila ay dadalhin ko sa aking banal na bundok, at papagkakatuwain ko sila sa aking bahay na dalanginan: ang kanilang mga handog na susunugin at ang kanilang mga hain ay tatanggapin sa aking dambana; sapagka't ang aking bahay ay tatawaging bahay na panalanginan para sa lahat ng mga bayan.
8 Ang Panginoong Dios na pumipisan ng mga itinapon sa Israel ay nagsasabi, Magpipisan pa ako ng mga iba sa kaniya, bukod sa kaniyang sarili na nangapisan.
9 Kayong lahat na mga hayop sa parang, kayo'y magsiparitong lumamon, oo, kayong lahat na mga hayop sa gubat.
10 Ang kaniyang mga bantay ay mga bulag, silang lahat ay walang kaalaman; silang lahat ay mga piping aso, sila'y hindi makatahol; mapanaginipin, mapaghiga, maibigin sa pagidlip.
11 Oo, ang mga aso ay matatakaw, sila'y kailan man ay walang kabusugan; at ang mga ito ay mga pastor na hindi nangakakaunawa: sila'y nagsilikong lahat sa kanilang sariling daan na mula sa lahat ng dako, bawa't isa'y sa kaniyang pakinabang.
12 Kayo'y magsiparito, sabi nila, ako'y magdadala ng alak, at magpatid-uhaw tayo sa matapang na inumin; at bukas ay magiging gaya ng araw na ito, dakilang araw, na walang kapantay.