0:00
0:00

Kabanata 28

Sa aba ng putong ng kapalaluan ng mga manglalasing sa Ephraim, at ng lipas na bulaklak ng kaniyang maluwalhating kagandahan, na nasa ulunan ng mainam na libis nila na nadaig ng alak!
2 Narito, ang Panginoon ay may isang makapangyarihan at malakas na sugo parang bagyo ng granizo, na manggigibang bagyo, parang unos ng bumubugsong tubig na bumabaha, ay ibubuwal niya sa lupa sa pamamagitan ng malakas na kamay.
3 Ang putong ng kapalaluan ng mga manglalasing sa Ephraim ay mayayapakan ng paa:
4 At ang lipas na bulaklak ng kaniyang maluwalhating kagandahan, na nasa ulunan ng mainam na libis, magiging gaya ng maagang hinog na bunga ng igos bago magtaginit; na kung nakikita ng tumitingin, samantalang na sa kaniyang kamay pa, kinakain na niya.
5 Sa araw na yaon ay magiging putong ng kaluwalhatian ang Panginoon ng mga hukbo, at pinakadiadema ng kagandahan, sa nalabi sa kaniyang bayan;
6 At pinaka diwa ng kahatulan sa kaniya na nauupo sa kahatulan, at pinakalakas sa kanila na umuurong sa pakikipagbaka hanggang sa pintuang-daan.
7 Gayon man ang mga ito ay gumigiray dahil sa alak, at dahil sa matapang na alak ay pahapayhapay; ang saserdote at ang propeta ay gumigiray dahil sa matapang na alak, sila'y nangasakmal ng alak, sila'y pahapayhapay dahil sa matapang na alak: sila'y nangamamali sa pangitain, sila'y nangatitisod sa paghatol.
8 Sapagka't lahat ng mga dulang ay puno ng suka, at ng karumihan, na anopa't walang dakong malinis.
9 Kanino siya magtuturo ng kaalaman? at kanino niya ipatatalastas ang balita? silang nangalayo sa gatas, at nangahiwalay sa suso?
10 Sapagka't utos at utos: utos at utos; bilin at bilin, bilin at bilin; dito'y kaunti, doo'y kaunti.
11 Hindi, kundi sa pamamagitan ng mga taong may ibang pangungusap at may iba't ibang wika ay sasalitain niya sa bayang ito.
12 Na kaniyang pinagsabihan, Ito ang kapahingahan, papagpahingahin ninyo siya na pagod; at ito ang kaginhawahan: gayon ma'y hindi nila pinakinggan.
13 Kaya't ang salita ng Panginoon ay magiging sa kanila'y utos at utos, utos at utos; bilin at bilin, bilin at bilin; dito'y kaunti, doo'y kaunti; upang sila'y mangakayaon, at mangapahinga, at mangabalian, at mangasilo, at mangahuli.
14 Kaya't iyong dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong mga mangduduwahaging tao, na nangagpupuno sa bayang ito na nasa Jerusalem:
15 Sapagka't inyong sinabi, Tayo'y nakipagtipan sa kamatayan, at sa Sheol ay nakipagkasundo tayo; pagka ang mahigpit na kasakunaan ay dumaan, hindi darating sa atin; sapagka't ating ginawang pinakakanlungan natin ang mga kabulaanan, at sa ilalim ng kasinungalingan ay nangagkubli tayo,
16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, aking inilalagay sa Sion na pinakapatibayan ang isang bato, isang batong subok, isang mahalagang batong panulok na may matibay na patibayan: ang naniniwala ay hindi magmamadali.
17 At aking ilalagay na pinakapising panukat ang katuwiran, at pinakapabato ang kabanalan: at papalisin ng granizo ang kanlungan ng mga kabulaanan, at aapawan ng tubig ang taguang dako.
18 At ang inyong tipan sa kamatayan ay mawawalan ng kabuluhan, at ang iyong pakikipagkasundo sa Sheol ay hindi mamamalagi; pagka ang mahigpit na kasakunaan ay daraan, kayo nga'y ipapahamak niyaon.
19 Sa tuwing dadaan, tatangayin kayo; sapagka't tuwing umaga ay daraan, sa araw at sa gabi: at mangyayari na ang balita ay magiging kakilakilabot na matalastas.
20 Sapagka't ang higaan ay lalong maikli na hindi maunatan ng tao; at ang kumot ay lalong makitid na hindi makabalot sa kaniya.
21 Sapagka't ang Panginoon ay babangon na gaya sa bundok ng Perasim, siya'y napopoot na gaya sa libis ng Gabaon; upang kaniyang magawa ang kaniyang gawain, ang kaniyang kakaibang gawain, at papangyarihin ang kaniyang gawain, ang kaniyang kakaibang gawain.
22 Huwag nga kayong mapagtuya, baka ang mga panali sa inyo ay magsitibay: sapagka't ang paglipol na ipinasiya, narinig ko sa Panginoon, sa Panginoon ng mga hukbo, sa buong lupa.
23 Pakinggan ninyo, at dinggin ninyo ang aking tinig, inyong dinggin, at pakinggan ang aking pananalita.
24 Nag-aararo bagang lagi ang mang-aararo upang maghasik? Kaniya bagang laging binubungkal at dinudurog ang kaniyang lupa.
25 Pagka kaniyang napatag ang ibabaw niyaon hindi ba niya binibinhian ng eneldo, at ikinakalat ang binhing comino, at inihahanay ang trigo, at ang cebada sa takdang dako, at ang espelta sa hangganan niyaon?
26 Sapagka't itinuturong matuwid sa kaniya ng kaniyang Dios, at itinuturo sa kaniya:
27 Sapagka't ang eneldo ay hindi ginigiik ng panggiik na matalas, o ang gulong man ng karo ay gugulong sa comino; kundi ang eneldo ay hinahampas ng tungkod, at ang comino ay ng pamalo.
28 Ang trigong ginagawang tinapay ay ginigiling; sapagka't hindi laging magigiik: at bagaman pangalatin yaon ng gulong ng kaniyang karo at ng kaniyang mga kabayo, hindi niya ginigiling.
29 Gayon ma'y ito'y mula rin sa Panginoon ng mga hukbo, na kamanghamangha sa payo, at marilag sa karunungan.