Isaias
Kabanata 50
Ganito ang sabi ng Panginoon, Saan nandoon ang sulat ng pagkakahiwalay ng iyong ina, na aking ipinaghiwalay sa kaniya? o sa kanino sa mga nagpapautang sa akin ipinagbili kita? Narito, dahil sa inyong mga kasamaan ay naipagbili kayo, at dahil sa inyong mga pagsalangsang ay nahiwalay ang inyong ina.
2 Bakit, nang ako'y parito, ay walang tao? nang ako'y tumawag, ay walang sumagot? naging maiksi na baga ang aking kamay na hindi makatubos? o wala akong kapangyarihang makapagligtas? Narito, sa saway ko ay aking tinutuyo ang dagat, aking pinapaging ilang ang mga ilog: ang kanilang isda ay bumabaho, sapagka't walang tubig, at namamatay dahil sa uhaw.
3 Aking binibihisan ng kaitiman ang langit at aking ginagawang kayong magaspang ang kaniyang takip.
4 Binigyan ako ng Panginoong Dios ng dila ng nangaturuan, upang aking maalaman kung paanong aaliwin ng mga salita siyang nanglulupaypay. Siya'y nagigising tuwing umaga, ginigising niya ang aking pakinig upang makinig na gaya ng mga natuturuan.
5 Binuksan ng Panginoong Dios ang aking pakinig, at ako'y hindi naging mapanghimagsik, o tumalikod man.
6 Aking ipinain ang aking likod sa mga mananakit, at ang aking mga pisngi sa mga bumabaltak ng balbas; hindi ko ikinubli ang aking mukha sa kahihiyan at sa paglura.
7 Sapagka't tutulungan ako ng Panginoong Dios; kaya't hindi ako nalito: kaya't inilagay ko ang aking mukha na parang batong pingkian, at talastas ko na hindi ako mapapahiya.
8 Siya'y malapit na nagpapatotoo sa akin; sinong makikipaglaban sa akin? tayo'y magsitayong magkakasama: sino ang aking kaaway? bayaang lumapit siya sa akin.
9 Narito, tutulungan ako ng Panginoong Dios; sino siya na hahatol sa akin? narito, silang lahat ay mangalulumang parang bihisan; lalamunin sila ng tanga.
10 Sino sa inyo ang natatakot sa Panginoon, na sumusunod sa tinig ng kaniyang lingkod? Siyang lumalakad sa kadiliman, at walang liwanag, tumiwala siya sa pangalan ng Panginoon, at umasa sa kaniyang Dios.
11 Narito, kayong lahat na nangagsusulsol ng apoy, na kumukubkob ng mga sulo: magsilakad kayo sa liyab ng inyong apoy, at sa gitna ng mga sulo na inyong pinagalab. Ito ang tatamuhin ninyo sa aking kamay; kayo'y hihiga sa kapanglawan.