0:00
0:00

Kabanata 25

Oh Panginoon, ikaw ay aking Dios; aking ibubunyi ka, aking pupurihin ang iyong pangalan; sapagka't ikaw ay gumawa ng kagilagilalas na bagay, sa makatuwid baga'y ang iyong binalak noong una, sa pagtatapat at katotohanan.
2 Sapagka't iyong pinapaging isang bunton ang isang bayan, ang bayang matibay ay pinapaging isang guho: ang palasio ng mga taga ibang lupa ay di na magiging bayan; hindi matatayo kailan man.
3 Kaya't luluwalhatiin ka ng matibay na bayan, ang bayan ng kakilakilabot na mga bansa ay matatakot sa iyo.
4 Sapagka't ikaw ay naging ampunan sa dukha, ampunan sa mapagkailangan sa kaniyang kahirapan, silongan sa bagyo, lilim sa init, pagka ang hihip ng mga kakilakilabot ay parang bagyo laban sa kuta.
5 Gaya ng init sa tuyong dako patitigilin mo ang ingay ng mga taga ibang lupa; gaya ng init sa pamamagitan ng lilim ng alapaap, matitigil ang awit ng mga kakilakilabot.
6 At sa bundok na ito ay gagawa ang Panginoon ng mga hukbo sa lahat ng mga bayan, ng isang kapistahan ng mga matabang bagay, ng isang kapistahan ng mga alak na laon, ng mga matabang bagay na puno ng utak, ng mga alak na laon na totoong sala.
7 At kaniyang aalisin sa bundok na ito ang takip na nalagay sa lahat ng mga bayan, at ang lambong na naladlad sa lahat na bansa.
8 Sinakmal niya ang kamatayan magpakailan man; at papahirin ng Panginoong Dios ang mga luha sa lahat ng mga mukha; at ang kakutyaan ng kaniyang bayan ay maaalis sa buong lupa: sapagka't sinalita ng Panginoon.
9 At sasabihin sa araw na yaon, Narito, ito'y ating Dios; hinintay natin siya, at ililigtas niya tayo: ito ang Panginoon; ating hinintay siya, tayo'y matutuwa at magagalak sa kaniyang pagliligtas.
10 Sapagka't sa bundok na ito magpapahinga ang kamay ng Panginoon; at ang Moab ay mayayapakan sa kaniyang dako, gaya ng dayami na nayayapakan sa tapunan ng dumi.
11 At kaniyang iuunat ang kaniyang mga kamay sa gitna niyaon, gaya ng paguunat ng lumalangoy upang lumangoy: at kaniyang ibababa ang kaniyang kapalaluan sangpu ng gawa ng kaniyang mga kamay.
12 At ang mataas na moog ng iyong mga kuta ay kaniyang ibinaba, giniba, at ibinagsak sa lupa, hanggang sa alabok.