Mga Awit
Kabanata 78
Makinig kayo, Oh bayan ko, sa aking kautusan: ikiling ninyo ang inyong mga pakinig sa mga salita ng aking bibig.
2 Aking bubukhin ang aking bibig sa isang talinghaga; ako'y magsasalita ng mga malabong sabi ng una:
3 Na aming narinig at naalaman, at isinaysay sa amin ng aming mga magulang.
4 Hindi namin ikukubli sa kanilang mga anak, na isasaysay sa salin ng lahing darating ang mga pagpuri sa Panginoon, at ang kaniyang kalakasan, at ang kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ginawa.
5 Sapagka't siya'y nagtatag ng patotoo sa Jacob, at nagtakda ng kautusan sa Israel, na kaniyang iniutos sa aming mga magulang, na kanilang ipabatid sa kanilang mga anak:
6 Upang maalaman ng lahing darating, sa makatuwid baga'y ng mga anak na ipanganganak; na siyang magsisibangon, at mangagsasaysay sa kanilang mga anak:
7 Upang kanilang mailagak ang kanilang pagasa sa Dios, at huwag kalimutan ang mga gawa ng Dios, Kundi ingatan ang kaniyang mga utos:
8 At huwag maging gaya ng kanilang mga magulang, may matigas na ulo at mapanghimagsik na lahi; isang lahing di naglagay sa matuwid ng kanilang puso, at ang kanilang diwa ay hindi tapat sa Dios,
9 Ang mga anak ni Ephraim, gayong may sakbat at may dalang mga busog, at nagsitalikod sa kaarawan ng pagbabaka.
10 Hindi nila tinupad ang tipan ng Dios, at nagsitangging magsilakad sa kaniyang kautusan;
11 At kanilang kinalimutan ang kaniyang mga gawa, at ang kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ipinakita sa kanila.
12 Mga kagilagilalas na mga bagay ay ginawa niya sa paningin ng kanilang mga magulang, sa lupain ng Egipto, sa parang ng Zoan.
13 Hinawi niya ang dagat, at pinaraan niya sila; at kaniyang pinatayo ang tubig na parang bunton.
14 Sa araw naman ay kaniyang pinatnubayan sila sa pamamagitan ng isang ulap, at buong gabi ay sa pamamagitan ng tanglaw na apoy.
15 Kaniyang pinuwangan ang mga bato sa ilang, at pinainom niya sila ng sagana na gaya ng mula sa mga kalaliman.
16 Nagpabukal naman siya mula sa bato. At nagpababa ng tubig na parang mga ilog.
17 Gayon ma'y nagkasala uli sila laban sa kaniya, upang manghimagsik laban sa Kataastaasan sa ilang.
18 At kanilang tinukso ang Dios sa kanilang puso, sa paghingi ng pagkain sa kanilang pita.
19 Oo, sila'y nagsalita laban sa Dios; kanilang sinabi, Makapaghahanda ba ang Dios ng dulang sa ilang?
20 Narito, kaniyang pinalo ang bato, na ang mga tubig ay bumubuluwak, at mga bukal ay nagsisiapaw; makapagbibigay ba siya ng tinapay naman? Ipaghahanda ba niya ng karne ang kaniyang bayan?
21 Kaya't narinig ng Panginoon, at napoot: at isang apoy ay nagalab laban sa Jacob, at galit naman ay napailanglang laban sa Israel;
22 Sapagka't sila'y hindi nagsisampalataya sa Dios, at hindi nagsitiwala sa kaniyang pagliligtas.
23 Gayon ma'y nagutos siya sa mga langit sa itaas, at binuksan ang mga pintuan ng langit;
24 At pinaulanan niya sila ng mana upang makain. At binigyan sila ng trigo ng langit.
25 Kumain ang tao ng tinapay ng makapangyarihan: pinadalhan niya sila ng pagkain hanggang sa nangabusog.
26 Kaniyang pinahihip ang hanging silanganan sa mga langit: at sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan ay pinatnubayan niya ang hanging timugan.
27 Pinaulanan naman niya sila ng karne na parang alabok, at ng mga ibong parang buhangin sa mga dagat:
28 At pinalagpak niya sa gitna ng kanilang kampamento, sa palibot ng kanilang mga tahanan.
29 Sa gayo'y nagsikain sila, at nangabusog na mabuti; at ibinigay niya sa kanila ang kanilang pita.
30 Hindi sila nagsihiwalay sa kanilang pita, ang kanilang pagkain ay nasa kanila pang mga bibig,
31 Nang ang galit ng Dios ay paitaas laban sa kanila, at pumatay sa mga pinakamataba sa kanila, at sinaktan ang mga binata sa Israel.
32 Sa lahat ng ito ay nangagkasala pa sila, at hindi naniwala sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa.
33 Kaya't kaniyang pinaram ang kanilang mga kaarawan sa walang kabuluhan, at ang kanilang mga taon ay sa mga kakilabutan.
34 Nang kaniyang patayin sila, sila'y nangagusisa sa kaniya: at sila'y nagsibalik, at nagsihanap ng tapat sa Dios.
35 At kanilang naalaala na ang Dios ay kanilang malaking bato, at ang Kataastaasang Dios ay kanilang manunubos.
36 Nguni't tinutuya nila siya ng kanilang bibig, at pinagbubulaanan nila siya ng kanilang dila.
37 Sapagka't ang kanilang puso ay hindi matuwid sa kaniya, ni tapat man sila sa kaniyang tipan.
38 Nguni't siya, palibhasa'y puspos ng kaawaan, ay pinatawad ang kanilang kasamaan at hindi sila nilipol: Oo, madalas na inihiwalay ang kaniyang galit, at hindi pinukaw ang buo niyang poot.
39 At naalaala niyang sila'y laman lamang; hanging dumadaan, at hindi bumabalik.
40 Kay dalas na nanghimagsik nila laban sa kaniya sa ilang, at pinapanglaw nila siya sa ilang!
41 At sila'y nagsibalik uli, at tinukso ang Dios, at minungkahi ang Banal ng Israel.
42 Hindi nila inalaala ang kaniyang kamay, ni ang araw man nang kaniyang tubusin sila sa kaaway.
43 Kung paanong kaniyang inilagay ang kaniyang mga tanda sa Egipto, at ang kaniyang mga kababalaghan sa parang ng Zoan;
44 At pinapaging dugo ang kanilang mga ilog, at ang kanilang mga bukal, na anopa't hindi sila makainom.
45 Nagsugo rin siya sa gitna nila ng mga pulutong ng mga bangaw na lumamon sa kanila; at mga palaka, na nagsigiba sa kanila.
46 Ibinigay rin niya ang kanilang bunga sa tipaklong, at ang kanilang pakinabang sa balang.
47 Sinira niya ang kanilang ubasan ng granizo, at ang mga puno nila ng sikomoro ng escarcha.
48 Ibinigay rin naman niya ang kanilang mga hayop sa granizo, at sa mga lintik ang kanilang mga kawan.
49 Ibinugso niya sa kanila ang kabangisan ng kaniyang galit, poot at galit, at kabagabagan, pulutong ng mga anghel ng kasamaan.
50 Kaniyang iginawa ng landas ang kaniyang galit; hindi niya pinigil ang kanilang buhay sa kamatayan, kundi ibinigay ang kanilang buhay sa pagkapuksa;
51 At sinaktan ang lahat na panganay sa Egipto, ang panguna ng kanilang kalakasan sa mga tolda ni Cham:
52 Nguni't kaniyang pinayaon ang kaniyang sariling bayan na parang mga tupa, at pinatnubayan sila sa ilang na parang kawan.
53 At inihatid niya silang tiwasay, na anopa't hindi sila nangatakot: nguni't tinakpan ng dagat ang kanilang mga kaaway.
54 At dinala niya sila sa hangganan ng kaniyang santuario, sa bundok na ito na binili ng kaniyang kanang kamay.
55 Pinalayas din niya ang mga bansa sa harap nila, at binahagi sa kanila na pinakamana sa pamamagitan ng pising panukat, at pinatahan ang mga lipi ng Israel sa kanilang mga tolda.
56 Gayon ma'y nanukso at nanghimagsik sila laban sa Kataastaasang Dios, at hindi iningatan ang kaniyang mga patotoo;
57 Kundi nagsitalikod, at nagsigawang may paglililo na gaya ng kanilang mga magulang: sila'y nagsilisyang parang magdarayang busog.
58 Sapagka't minungkahi nila siya sa galit ng kanilang mga mataas na dako, at kinilos nila siya sa panibugho ng kanilang mga larawang inanyuan.
59 Nang marinig ito ng Dios, ay napoot, at kinayamutang lubha ang Israel:
60 Sa gayo'y kaniyang pinabayaan ang tabernakulo ng Silo, ang tolda na kaniyang inilagay sa gitna ng mga tao;
61 At ibinigay ang kaniyang kalakasan sa pagkabihag, at ang kaniyang kaluwalhatian ay sa kamay ng kaaway.
62 Ibinigay rin niya ang kaniyang bayan sa tabak; at napoot sa kaniyang mana.
63 Nilamon ng apoy ang kanilang mga binata; at ang mga dalaga nila'y hindi nagkaroon ng awit ng pagaasawa.
64 Ang mga saserdote nila'y nabuwal sa pamamagitan ng tabak; at ang mga bao nila'y hindi nanganaghoy.
65 Nang magkagayo'y gumising ang Panginoon na gaya ng mula sa pagkakatulog, gaya ng malakas na tao na humihiyaw dahil sa alak.
66 At sinaktan niya sa likod ang kaniyang mga kaaway: inilagay niya sila sa laging kadustaan.
67 Bukod dito'y tinanggihan niya ang tolda ng Jose, at hindi pinili ang lipi ni Ephraim;
68 Kundi pinili ang lipi ni Juda, ang bundok ng Zion na kaniyang inibig.
69 At itinayo niya ang kaniyang santuario na parang mga kataasan, parang lupa na kaniyang itinatag magpakailan man.
70 Pinili naman niya si David na kaniyang lingkod, at kinuha niya siya mula sa kulungan ng mga tupa:
71 Dinala niya siya na mula sa pagsunod sa mga tupa ng nagpapasuso, upang maging pastor ng Jacob na kaniyang bayan, at ang Israel na kaniyang mana.
72 Sa gayo'y siya ang kanilang pastor ayon sa pagtatapat ng kaniyang puso; at pinatnubayan niya sila sa pamamagitan ng kabihasahan ng kaniyang mga kamay.