Mga Awit
Kabanata 144
Purihin ang Panginoon na aking malaking bato, na tinuturuan ang mga kamay ko na makipagdigma, at ang mga daliri ko na magsilaban:
2 Aking kagandahang-loob, at aking katibayan, aking matayog na moog, at aking tagapagligtas; aking kalasag, at siya na doon ako nanganganlong; na siyang nagpapasuko ng aking bayan sa akin.
3 Panginoon, ano ang tao, upang iyong kilalanin siya? O ang anak ng tao, upang iyong pahalagahan siya?
4 Ang tao ay parang walang kabuluhan: ang kaniyang mga kaarawan ay parang lilim na napaparam.
5 Ikiling mo ang iyong mga langit, Oh Panginoon, at bumaba ka: hipuin mo ang mga bundok, at magsisiusok.
6 Maghagis ka ng kidlat, at pangalatin mo sila; suguin mo ang iyong mga pana, at lituhin mo sila,
7 Iunat mo ang iyong kamay mula sa itaas; sagipin mo ako, at iligtas mo ako sa malaking tubig, sa kamay ng mga taga ibang lupa;
8 Na ang bibig ay nagsasalita ng karayaan, at ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
9 Ako'y aawit ng bagong awit sa iyo, Oh Dios: sa salterio na may sangpung kawad ay aawit ako ng mga pagpuri sa iyo.
10 Siya ang nagbibigay ng kaligtasan sa mga hari: na siyang nagligtas kay David na kaniyang lingkod sa manunugat na tabak.
11 Sagipin mo ako, at iligtas mo ako sa kamay ng mga taga ibang lupa. Na ang bibig ay nagsasalita ng karayaan, at ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
12 Pagka ang aming mga anak na lalake ay magiging parang mga pananim na lumaki sa kanilang kabataan; at ang aming mga anak na babae ay parang mga panulok na bato na inanyuan ayon sa anyo ng isang palasio.
13 Pagka ang mga kamalig namin ay puno, na may sarisaring bagay; at ang mga tupa namin ay nanganganak ng mga libo at mga sangpung libo sa aming mga parang;
14 Pagka ang mga baka namin ay napapasanang mabuti; pagka walang salot, at sakuna, at walang panaghoy sa aming mga lansangan;
15 Maginhawa ang bayan, na nasa gayong kalagayan: maginhawa ang bayan na ang Dios ay ang Panginoon.