Mga Awit
Kabanata 36
Ang pagsalangsang ng masama ay nagsasabi sa loob ng aking puso: walang takot sa Dios sa harap ng kaniyang mga mata.
2 Sapagka't siya'y nanghihibo ng kaniyang sariling mga mata, na ang kaniyang kasamaan ay hindi masusumpungan at pagtataniman.
3 Ang mga salita ng kaniyang bibig ay kasamaan at karayaan: iniwan niya ang pagkapantas at paggawa ng mabuti.
4 Siya'y kumakatha ng kasamaan sa kaniyang higaan; siya'y lumagay sa isang daan na hindi mabuti; hindi niya kinayayamutan ang kasamaan.
5 Ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon, ay nasa mga langit: ang iyong pagtatapat ay umaabot hanggang sa langit.
6 Ang iyong katuwiran ay gaya ng mga bundok ng Dios: ang iyong mga kahatulan ay dakilang kalaliman: Oh Panginoon, iyong iniingatan ang tao at hayop.
7 Napaka mahalaga ng iyong kagandahang-loob, Oh Dios! At ang mga anak ng mga tao ay nanganganlong sa ilalim ng iyong mga pakpak.
8 Sila'y nangabubusog ng sagana ng katabaan ng iyong bahay; at iyong paiinumin sila sa ilog ng iyong kaluguran.
9 Sapagka't nasa iyo ang bukal ng buhay: sa iyong liwanag makakakita kami ng liwanag.
10 Oh, ilagi mo nawa ang iyong kagandahang-loob sa kanila na nangakakakilala sa iyo: at ang iyong katuwiran sa matuwid sa puso.
11 Huwag nawang dumating laban sa akin ang paa ng kapalaluan, at huwag nawa akong itaboy ng kamay ng masama.
12 Doo'y nangabuwal ang mga manggagawa ng kasamaan: sila'y nangalugmok at hindi makakatindig.