Mga Awit
Kabanata 55
Dinggin mo ang aking dalangin, Oh Dios; at huwag kang magkubli sa aking pananaing.
2 Pakinggan mo ako, at iyong sagutin ako: ako'y walang katiwasayan sa aking pagdaramdam, at ako'y dumadaing;
3 Dahil sa tinig ng kaaway, dahil sa pagpighati ng masama; sapagka't sila'y naghagis ng kasamaan sa akin, at sa galit ay inuusig nila ako.
4 Ang aking puso ay nagdaramdam na mainam sa loob ko: at ang mga kakilabutan ng kamatayan ay nahulog sa akin.
5 Katakutan at panginginig ay dumating sa akin, at tinakpan ako ng kakilabutan.
6 At aking sinabi, Oh kung ako'y nagkaroon ng mga pakpak na gaya ng kalapati! Lilipad nga ako, at magpapahinga.
7 Narito, kung magkagayo'y gagala ako sa malayo, ako'y titigil sa ilang. (Selah)
8 Ako'y magmamadaling sisilong mula sa malakas na hangin at bagyo.
9 Ipahamak mo, Oh Panginoon, at guluhin mo ang kanilang wika: sapagka't ako'y nakakita ng pangdadahas at pagaaway sa bayan.
10 Araw at gabi ay nagsisiligid sila sa mga kuta niyaon: kasamaan man at kahirapan ay nangasa gitna rin niyaon.
11 Kasamaan ay nasa gitna niyaon; ang pagpighati at pagdaraya ay hindi humihiwalay sa kaniyang mga lansangan.
12 Sapagka't hindi kaaway ang dumuwahagi sa akin; akin nga sanang nabata: ni hindi rin ang nagtatanim sa akin ang nagmamalaki laban sa akin; nagtago nga sana ako sa kaniya:
13 Kundi ikaw, lalake na kagaya ko, aking kasama at aking kaibigang matalik.
14 Tayo ay maligayang nagpapayuhang magkasama, tayo'y lumalakad na magkaakbay sa bahay ng Dios.
15 Dumating nawang bigla sa kanila ang kamatayan, mababa nawa silang buhay sa Sheol: sapagka't kasamaan ay nasa kanilang tahanan, sa gitna nila.
16 Tungkol sa akin, ay tatawag ako sa Dios; at ililigtas ako ng Panginoon.
17 Sa hapon at sa umaga, at sa katanghaliang tapat, ako'y dadaing at hihibik: at kaniyang didinggin ang aking tinig.
18 Kaniyang tinubos ang aking kaluluwa sa kapayapaan mula sa pagbabaka laban sa akin: Sapagka't sila'y marami na nakikipaglaban sa akin.
19 Didinggin ng Dios, at paghihigantihan sila, siyang tumatahan ng una. (Selah)
20 Kaniyang iniunat ang kaniyang mga kamay laban sa gayon na nasa kapayapaan sa kaniya: kaniyang nilapastangan ang kaniyang tipan.
21 Ang kaniyang bibig ay malambot na parang mantekilya: nguni't ang kaniyang puso ay pakikidigma: ang kaniyang mga salita ay lalong mabanayad kay sa langis, gayon ma'y mga bunot na tabak.
22 Ilagay mo ang iyong pasan sa Panginoon, at kaniyang aalalayan ka: hindi niya titiising makilos kailan man ang matuwid.
23 Nguni't ikaw, Oh Dios, ibababa mo sila sa hukay ng kapahamakan: mga mabagsik at magdarayang tao ay hindi darating sa kalahati ng kanilang mga kaarawan; nguni't titiwala ako sa iyo.