Mga Awit
Kabanata 109
Huwag kang mapayapa, Oh Dios na aking kapurihan;
2 Sapagka't ang bibig ng masama at ang bibig ng magdaraya ay ibinuka nila laban sa akin: sila'y nangagsalita sa akin na may sinungaling na dila.
3 Kanilang kinulong ako sa palibot ng mga salitang pagtatanim, at nagsilaban sa akin ng walang kadahilanan.
4 Sa kabayaran ng aking pagibig ay mga kaaway ko sila: nguni't ako'y tumatalaga sa dalangin.
5 At iginanti nila sa akin ay kasamaan sa mabuti, at pagtatanim sa pagibig ko.
6 Lagyan mo ng masamang tao siya: at tumayo nawa ang isang kaaway sa kaniyang kanan.
7 Pagka siya'y nahatulan, lumabas nawa siyang salarin; at maging kasalanan nawa ang kaniyang dalangin.
8 Maging kaunti nawa ang kaniyang mga kaarawan; at kunin nawa ng iba ang kaniyang katungkulan.
9 Maulila nawa ang kaniyang mga anak, at mabao ang kaniyang asawa.
10 Magsilaboy nawa ang kaniyang mga anak, at mangagpalimos; at hanapin nila ang kanilang pagkain sa kanilang mga dakong guho.
11 Kunin nawa ng manglulupig ang lahat niyang tinatangkilik; at samsamin ng mga taga ibang lupa ang kaniyang mga gawa.
12 Mawalan nawa ng maawa sa kaniya; at mawalan din ng maawa sa kaniyang mga anak na ulila.
13 Mahiwalay nawa ang kaniyang kaapuapuhan; sa lahing darating ay mapawi ang kaniyang pangalan.
14 Maalaala nawa ng Panginoon ang kasamaan ng kaniyang mga magulang; at huwag mapawi ang kasalanan ng kaniyang ina,
15 Mangalagay nawa silang lagi sa harap ng Panginoon, upang ihiwalay niya ang alaala sa kanila sa lupa.
16 Sapagka't hindi niya naalaalang magpakita ng kaawaan, kundi hinabol ang dukha at mapagkailangan, at ang may bagbag na puso, upang patayin.
17 Oo, kaniyang inibig ang sumpa, at dumating sa kaniya; at hindi siya nalulugod sa pagpapala, at malayo sa kaniya.
18 Nagsusuot naman siya ng sumpa na parang kaniyang damit, at nasok sa kaniyang mga loob na bahagi na parang tubig, at parang langis sa kaniyang mga buto.
19 Sa kaniya'y maging gaya nawa ng balabal na ibinabalabal, at gaya ng bigkis na ibinibigkis na lagi.
20 Ito ang kagantihan sa aking mga kaaway na mula sa Panginoon, at sa kanilang nangagsasalita ng kasamaan laban sa aking kaluluwa.
21 Nguni't gumawa kang kasama ko, Oh Dios na Panginoon, alang-alang sa iyong pangalan: sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay mabuti, iligtas mo ako,
22 Sapagka't ako'y dukha at mapagkailangan, at ang aking puso ay nasaktan sa loob ko.
23 Ako'y yumayaong gaya ng lilim pagka kumikiling: ako'y itinataas at ibinababa ng hangin na parang balang.
24 Ang aking mga tuhod ay mahina sa pagaayuno, at ang aking laman ay nagkukulang ng katabaan.
25 Ako nama'y naging kadustaan sa kanila: pagka kanilang nakikita ako, kanilang pinagagalawgalaw ang kanilang ulo.
26 Tulungan mo ako, Oh Panginoon kong Dios; Oh iligtas mo ako ayon sa iyong kagandahang-loob:
27 Upang kanilang maalaman na ito'y iyong kamay; na ikaw, Panginoon, ang may gawa.
28 Sumumpa sila, nguni't magpapala ka: pagka sila'y nagsibangon, sila'y mangapapahiya, nguni't ang iyong lingkod ay magagalak.
29 Manamit ng kasiraang puri ang mga kaaway ko, at matakpan sila ng kanilang sariling kahihiyan na parang balabal.
30 Ako'y magpapasalamat ng marami ng aking bibig sa Panginoon; Oo, aking pupurihin siya sa gitna ng karamihan.
31 Sapagka't siya'y tatayo sa kanan ng mapagkailangan, upang iligtas sa kanilang nagsisihatol ng kaniyang kaluluwa.