Jeremias
Kabanata 49
Tungkol sa mga anak ni Ammon. Ganito ang sabi ng Panginoon. Wala bagang mga anak ang Israel? wala ba siyang tagapagmana? bakit nga minamana ni Malcam ang Gad, at tumatahan ang kaniyang bayan sa mga bayan niyaon?
2 Kaya't, narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking iparirinig ang kaingay ng digmaan laban sa Rabba ng mga anak ng Ammon; at magiging isang gibang bunton, at ang kaniyang mga anak na babae ay masusunog ng apoy: kung magkagayo'y mga aariin ng Israel ang nagari sa kaniya, sabi ng Panginoon.
3 Tumangis ka, Oh Hesbon, sapagka't ang Hai ay nasamsaman; magsiiyak kayo, kayong mga anak na babae ng Rabba, kayo'y mangagbigkis ng kayong magaspang: kayo'y magsitaghoy, at magsitakbong paroo't parito sa gitna ng mga bakuran; sapagka't si Malcam ay papasok sa pagkabihag, ang kaniyang mga saserdote at ang kaniyang mga prinsipe na magkakasama.
4 Bakit ka nagpapakaluwalhati sa mga libis, ikaw na mainam na libis, Oh tumatalikod na anak na babae? na tumiwala sa kaniyang mga kayamanan, na kaniyang sinasabi, Sinong paririto sa akin?
5 Narito, sisidlan kita ng takot, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, mula sa lahat na nangasa buong palibot mo; at kayo'y mangatataboy bawa't isa na patuloy, at walang magiipon sa kanila na nagsisitakas.
6 Nguni't pagkatapos ay aking ibabalik na muli ang mga anak ni Ammon mula sa pagkabihag, sabi ng Panginoon.
7 Tungkol sa Edom. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Wala na baga ang karunungan sa Teman? nawala baga ang payo sa mabait? nawala baga ang kanilang karunungan?
8 Magsitakas kayo, magsibalik kayo, kayo'y magsitahan sa kalaliman, Oh mga nananahan sa Dedan; sapagka't aking dadalhin ang kapahamakan ng Esau sa kaniya, sa panahon na aking dadalawin siya.
9 Kung ang mga mangaani ng ubas ay magsidating sa iyo, hindi baga sila mangagiiwan ng mapupulot na mga ubas? kung mga magnanakaw sa gabi, hindi baga sila magsisigiba ng hanggang magkaroon ng kahustuhan?
10 Nguni't aking hinubdan ang Esau, aking inilitaw ang kaniyang mga kublihan, at siya'y hindi makapagkukubli: ang kaniyang mga binhi ay nasira, at ang kaniyang mga kapatid, at ang kaniyang mga kalapit, at siya'y wala na rin.
11 Iwan mo ang iyong mga ulilang anak, aking iingatan silang buhay: at magsitiwala sa akin ang iyong mga babaing bao.
12 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, silang hindi nangauukol magsiinom sa saro ay walang pagsalang magsisiinom; at ikaw baga'y yayaong lubos na walang parusa? ikaw ay hindi yayaon na walang parusa, kundi walang pagsalang iinom ka.
13 Sapagka't ako'y sumumpa sa pamamagitan ng aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang Bosra ay magiging katigilan, kakutyaan, kasiraan, at kasumpaan; at ang lahat ng mga bayan niyaon ay magiging walang hanggang pagkasira.
14 Ako'y nakarinig ng mga balita na mula sa Panginoon, at isang sugo ay sinugo sa gitna ng mga bansa, na sinasabi, Kayo'y magpipisan, at magsiparoon laban sa kaniya, at magsibangon sa pakikipagbaka.
15 Sapagka't, narito, ginawa kitang maliit sa gitna ng mga bansa, at hinamak kita sa gitna ng mga tao.
16 Tungkol sa iyong mga kakilabutan, dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso, Oh ikaw na tumatahan sa mga bitak ng bato, na humahawak sa kaitaasan ng burol: bagaman iyong pataasin ang iyong pugad na kasingtaas ng aguila, aking ibababa ka mula roon, sabi ng Panginoon.
17 At ang Edom ay magiging katigilan: bawa't nagdaraan ay matitigilan, at susutsot dahil sa lahat ng salot doon.
18 Kung paano ang nangyari sa Sodoma at Gomorra, at sa mga kalapit bayan niyaon, sabi ng Panginoon, gayon walang lalake na tatahan doon, ni sinomang anak ng tao ay mangingibang bayan doon.
19 Narito, siya'y sasampa na parang leon mula sa kapalaluan ng Jordan laban sa matibay na tahanan: sapagka't bigla kong patatakbuhin siya mula roon; at ang mapili siya kong ihahalal sa kaniya: sapagka't sino ang gaya ko? at sinong nagtatakda sa akin ng panahon? at sino ang pastor na makatatayo sa harap ko?
20 Kaya't inyong dinggin ang payo ng Panginoon, na kaniyang ipinasiya laban sa Edom; at ang kaniyang mga panukala na kaniyang pinanukala laban sa mga nananahan sa Teman: Tunay na itataboy sila, sa makatuwid baga'y ang mga maliit ng kawan; tunay na kaniyang ipapahamak ang kanilang tahanan kalakip nila.
21 Ang lupa ay nayayanig sa hugong ng kanilang pagkabuwal; may hiyawan, na ang ingay ay naririnig sa Dagat na Mapula.
22 Narito, siya'y sasampa at parang aguila na lilipad, at magbubuka ng kaniyang mga pakpak laban sa Bosra: at ang puso ng mga makapangyarihang lalake ng Edom sa araw na yaon ay magiging parang puso ng babae sa kaniyang pagdaramdam.
23 Tungkol sa Damasco. Ang Hamath ay napahiya, at ang Arphad; sapagka't sila'y nangakarinig ng mga masamang balita, sila'y nanganglulupaypay: may kapanglawan sa dagat; hindi maaaring tumahimik.
24 Ang Damasco ay humihina, siya'y tumatalikod upang tumakas, at panginginig ay humahawak sa kaniya: kalungkutan at mga kapanglawan ay sumapit sa kaniya na gaya sa babae sa pagdaramdam.
25 Ano't hindi pinabayaan ang bayan na kapurihan, ang bayan na aking kagalakan?
26 Kaya't ang kaniyang mga binata ay mangabubuwal sa kaniyang mga lansangan, at lahat ng lalake na mangdidigma ay mangadadala sa katahimikan sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
27 At ako'y magsusulsol ng apoy sa kuta ng Damasco, at pupugnawin niyaon ang mga palacio ni Benhadad.
28 Tungkol sa Cedar, at sa mga kaharian ng Hasor na sinaktan ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia. Ganito ang sabi ng Panginoon, Magsibangon kayo, magsisampa kayo sa Cedar, at inyong lipulin ang mga anak ng silanganan.
29 Ang kanilang mga tolda at ang kanilang mga kawan ay kanilang kukunin; kanilang kukunin para sa kanilang sarili ang kanilang mga tabing, at lahat nilang sisidlan, at ang kanilang mga kamelyo: at hihiyawan nila sila: Kakilabutan sa lahat ng dako!
30 Magsitakas kayo, gumala kayo ng malayo, magsitahan kayo sa kalaliman, Oh kayong mga nananahan sa Hasor, sabi ng Panginoon; sapagka't kumuhang payo si Nabucodonosor na hari sa Babilonia laban sa inyo, at may ipinasiya laban sa inyo.
31 Magsibangon kayo, inyong sampahin ang bansang tiwasay, na tumatahang walang bahala, sabi ng Panginoon; na wala kahit pintuangbayan o mga halang man, na tumatahang magisa.
32 At ang kanilang mga kamelyo ay magiging samsam, at ang karamihan ng kanilang kawan ay samsam: at aking pangangalatin sa lahat ng hangin ang mga may gupit sa dulo ng kanilang buhok; at aking dadalhin ang kanilang kasakunaan na mula sa lahat nilang dako, sabi ng Panginoon.
33 At ang Hasor ay magiging tahanang dako ng mga chakal, sira magpakailan man: walang taong tatahan doon, ni sinomang anak ng tao ay mangingibang bayan doon.
34 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa Elam sa pagpapasimula ng paghahari ni Sedechias na hari sa Juda, na nagsasabi,
35 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, aking babaliin ang busog ng Elam, ang pinakapangulo ng kaniyang kapangyarihan.
36 At sa Elam ay dadalhin ko ang apat na hangin na mula sa apat na sulok ng langit, at aking pangangalatin sila sa lahat ng hanging yaon; at walang bansang hindi kararatingan ng mga tapon na mula sa Elam.
37 At aking panglulupaypayin ang Elam sa harap ng kanilang mga kaaway, at sa harap ng nagsisiusig ng kanilang buhay; at ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila, sa makatuwid baga'y ang aking mabangis na galit, sabi ng Panginoon; at aking ipahahabol sila sa tabak, hanggang sa malipol ko sila.
38 At aking ilalagay ang aking luklukan sa Elam, at aking lilipulin mula roon ang hari at mga prinsipe, sabi ng Panginoon.
39 At mangyayari sa mga huling araw, na aking ibabalik ang pagkabihag ng Elam, sabi ng Panginoon.