Jeremias
Kabanata 22
Ganito ang sabi ng Panginoon, Bumaba ka sa bahay ng hari sa Juda, at iyong salitain doon ang salitang ito,
2 At iyong sabihin, Dinggin mo ang salita ng Panginoon, Oh hari sa Juda, na nauupo sa luklukan ni David, ikaw at ang iyong mga lingkod, at ang iyong bayan na pumapasok sa mga pintuang ito.
3 Ganito ang sabi ng Panginoon, Mangagsagawa kayo ng kahatulan at ng katuwiran, at iligtas ninyo ang nanakawan sa kamay ng mamimighati: at huwag kayong magsigawa ng kamalian, huwag kayong magsigawa ng pangdadahas sa mga nakikipamayan, sa ulila, o sa babaing bao man; o mangagbubo man ng walang salang dugo sa dakong ito.
4 Sapagka't kung tunay na inyong gawin ang bagay na ito, magsisipasok nga sa mga pintuang-daan ng bahay na ito ang mga hari na nangauupo sa luklukan ni David, na nakasakay sa mga karo at sa mga kabayo, siya at ang kaniyang mga lingkod, at ang kaniyang bayan.
5 Nguni't kung hindi ninyo didinggin ang mga salitang ito, ako'y susumpa sa aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang bahay na ito ay masisira.
6 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa sangbahayan ng hari sa Juda, Ikaw ay Galaad sa akin, at ulo ng Libano; gayon ma'y tunay na gagawin kitang isang ilang, at mga bayang hindi tinatahanan.
7 At ako'y maghahanda ng mga manglilipol laban sa iyo, bawa't isa'y may kaniyang mga almas; at kanilang puputulin ang iyong mga piling cedro, at ipaghahagis sa apoy.
8 At maraming bansa'y magsisipagdaan sa bayang ito, at mangagsasabi bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, Ano't gumawa ang Panginoon ng ganito sa dakilang bayang ito?
9 Kung magkagayo'y magsisisagot sila, Sapagka't kanilang pinabayaan ang tipan ng Panginoon na kanilang Dios, at nagsisamba sa ibang mga dios, at mga pinaglingkuran.
10 Huwag ninyong iyakan ang patay, o panaghuyan man ninyo siya; kundi iyakan ninyong mainam ang yumayaon; sapagka't hindi na siya babalik, o makikita man niya ang kaniyang lupaing tinubuan.
11 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Sallum na anak ni Josias, na hari sa Juda, na nagharing kahalili ni Josias na kaniyang ama, na lumabas sa dakong ito. Siya'y hindi na babalik pa rito:
12 Kundi sa dakong pinagdalhan sa kaniyang bihag, doon siya mamamatay, at hindi na niya makikita ang lupaing ito.
13 Sa aba niya na nagtatayo ng kaniyang bahay sa pamamagitan ng kalikuan, at ng kaniyang mga silid sa pamamagitan ng kalisyaan; na pinapaglilingkod ng kaniyang kapuwa na walang upa, at hindi niya binibigyan ng kaniyang kabayaran;
14 Na nagsasabi, Ako'y magtatayo ng maluwang na bahay at maluwang na mga silid, at nabubuksan ng mga dungawan; at nakikisamihan ng cedro, at nakukulayan ng pula.
15 Ikaw baga'y maghahari, sapagka't ikaw ay mayroong lalong maraming cedro? hindi ba ang iyong ama ay kumain at uminom, at naglapat ng kahatulan at kaganapan? nang magkagayo'y ikinabuti niya.
16 Kaniyang hinatulan ang usap ng dukha at mapagkailangan; nang magkagayo'y ikinabuti nga. Hindi baga ito ang pagkilala sa akin? sabi ng Panginoon.
17 Nguni't ang iyong mga mata at ang iyong puso ay sa kasakiman lamang, at upang magbubo ng walang salang dugo, at sa kapighatian, at sa karahasan, upang gawin.
18 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda, Hindi nila tataghuyan siya, na sasabihin, Ah kapatid kong lalake! o, Ah kapatid na babae! hindi nila tataghuyan siya, na sasabihin, Ah panginoon! o, Ah kaniyang kaluwalhatian!
19 Siya'y malilibing ng libing asno, na hihilahin at itatapon sa labas ng mga pintuang-bayan ng Jerusalem.
20 Ikaw ay sumampa sa Libano, at humiyaw; at ilakas mo ang iyong tinig sa Basan, at ikaw ay humiyaw mula sa Abarim; sapagka't lahat ng mangingibig sa iyo ay nalipol.
21 Ako'y nagsalita sa iyo sa iyong kaginhawahan; nguni't iyong sinabi, Hindi ko didinggin. Ito ang naging iyong paraan mula sa iyong kabataan, na hindi mo dininig ang aking tinig.
22 Lahat mong pastor ay pakakanin ng hangin, at ang mga mangingibig sa iyo ay mapapapasok sa pagkabihag; kung magkagayon ikaw ay mapapahiya at malilito dahil sa lahat mong kasamaan.
23 Oh nananahan sa Libano, na ginagawa mo ang iyong pugad sa mga cedro, kahabaghabag ka nga pagka ang mga pagdaramdam ay dumating sa iyo, ang hirap na gaya ng sa babae sa pagdaramdam!
24 Buhay ako, sabi ng Panginoon, bagaman si Conias na anak ni Joacim na hari sa Juda ay maging singsing na panatak sa aking kanang kamay, akin ngang huhugutin ka mula roon;
25 At aking ibibigay ka sa kamay ng nagsisiusig ng iyong buhay, at sa kamay nila na iyong kinatatakutan, sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at sa kamay ng mga Caldeo.
26 At itataboy ka, at ang iyong ina na nanganak sa iyo, sa ibang lupain, na hindi pinapanganakan sa inyo; at doon kayo mangamamatay.
27 Nguni't sa lupain na pinagnanasaan ng kanilang kaluluwa na pagbalikan, doon hindi sila mababalik.
28 Ito bagang lalaking si Conias ay isang sisidlang basag na walang kabuluhan? siya baga'y sisidlan na hindi kinaluluguran? bakit kanilang itinataboy, siya at ang kaniyang angkan, at itinapon sa lupain na hindi nila kilala?
29 Oh lupa, lupa, lupa, iyong pakinggan ang salita ng Panginoon.
30 Ganito ang sabi ng Panginoon, Isulat ninyo ang lalaking ito na walang anak, ang lalake na hindi giginhawa sa kaniyang mga kaarawan; sapagka't walang tao sa kaniyang angkan na giginhawa pa, na nauupo sa luklukan ni David, hindi na magpupuno pa sa Juda.