Jeremias
Kabanata 36
At nangyari nang ikaapat na taon ni Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda, na ang salitang ito ay dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, na nagsasabi,
2 Kumuha ka ng isang balumbon, at iyong isulat doon ang lahat na salita na aking sinalita sa iyo laban sa Israel, at laban sa Juda, at laban sa lahat ng mga bansa, mula nang araw na magsalita ako sa iyo, mula nang kaarawan ni Josias, hanggang sa araw na ito.
3 Marahil ay maririnig ng sangbahayan ni Juda ang lahat na kasamaan na aking pinanukalang gawin sa kanila; upang humiwalay bawa't isa sa kanila sa kaniyang masamang lakad; upang aking maipatawad ang kanilang kasamaan at ang kanilang kasalanan.
4 Nang magkagayo'y tinawag ni Jeremias si Baruch na anak ni Nerias; at sinulat ni Baruch ang lahat ng salita ng Panginoon na mula sa bibig ni Jeremias, na sinalita niya sa kaniya, sa balumbon.
5 At si Jeremias ay nagutos kay Baruch, na nagsasabi, Ako'y nakukulong; hindi ako makapasok sa bahay ng Panginoon:
6 Kaya't pumaroon ka, at basahin mo sa balumbon, ang iyong isinulat na mula sa aking bibig, ang mga salita ng Panginoon sa mga pakinig ng bayan sa bahay ng Panginoon sa kaarawan ng pagaayuno; at iyo ring babasahin sa mga pakinig ng buong Juda na lumabas sa kanilang mga bayan.
7 Marahil ay maghaharap sila ng kanilang daing sa harap ng Panginoon, at hihiwalay bawa't isa sa kaniyang masamang lakad; sapagka't malaki ang galit at ang kapusukan na sinalita ng Panginoon laban sa bayang ito.
8 At ginawa ni Baruch na anak ni Nerias ang ayon sa lahat na iniutos sa kaniya ni Jeremias na propeta, na binasa sa aklat ang mga salita ng Panginoon sa bahay ng Panginoon.
9 Nangyari nga nang ikalimang taon ni Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda nang ikasiyam na buwan, na ang buong bayan sa Jerusalem, at ang buong bayan na nanggaling sa mga bayan ng Juda sa Jerusalem, ay nagtanyag ng ayuno sa harap ng Panginoon.
10 Nang magkagayo'y binasa ni Baruch sa balumbon ang mga salita ni Jeremias sa bahay ng Panginoon, sa silid ni Gemarias na anak ni Saphan na kalihim, sa mataas na looban sa pasukan ng bagong pintuang-daan ng bahay ng Panginoon, sa mga pakinig ng buong bayan.
11 At nang marinig ni Micheas na anak ni Gemarias, na anak ni Saphan, ang lahat na salita ng Panginoon mula sa aklat,
12 Siya'y bumaba sa bahay ng hari, sa loob ng silid ng kalihim: at, narito, lahat ng prinsipe ay nangakaupo roon, si Elisama na kalihim, at si Delaias na anak ni Semeias, at si Elnathan na anak ni Achbor, at si Gemarias na anak ni Saphan, at si Sedechias na anak ni Ananias, at ang lahat na prinsipe.
13 Nang magkagayo'y ipinahayag ni Micheas sa kaniya ang lahat na salita na kaniyang narinig, nang basahin ni Baruch ang aklat sa mga pakinig ng bayan.
14 Kaya't sinugo ng lahat na prinsipe si Jehudi na anak ni Nethanias, na anak ni Selemias, na anak ni Chusi, kay Baruch, na nagsasabi, Tangnan mo sa iyong kamay ang balumbon na iyong binasa sa mga pakinig ng bayan, at parito ka. Sa gayo'y tinangnan ni Baruch na anak ni Nerias ang balumbon sa kaniyang kamay, at naparoon sa kanila.
15 At sinabi nila sa kaniya, Ikaw ay umupo ngayon, at basahin mo sa aming mga pakinig. Sa gayo'y binasa ni Baruch sa kanilang pakinig.
16 Nangyari nga, nang kanilang marinig ang lahat na salita, sila'y nagharapharapan sa takot, at nagsabi kay Baruch, Tunay na aming sasalitain sa hari ang lahat na salitang ito?
17 At kanilang tinanong si Baruch, na sinasabi, Iyong saysayin ngayon sa amin, Paanong isinulat mo ang lahat ng salitang ito sa kaniyang bibig?
18 Nang magkagayo'y sumagot si Baruch sa kanila, Kaniyang sinalita ang lahat na salitang ito sa akin ng kaniyang bibig, at aking isinulat ng tinta sa aklat.
19 Nang magkagayo'y sinabi ng mga prinsipe kay Baruch, Yumaon ka, magtago ka, ikaw at si Jeremias, at huwag maalaman ng tao ang inyong karoroonan.
20 At kanilang pinasok ang hari sa looban; nguni't kanilang inilagay ang balumbon sa silid ni Elisama na kalihim; at kanilang isinaysay ang lahat na salita sa mga pakinig ng hari.
21 Sa gayo'y sinugo ng hari si Jehudi upang kunin ang balumbon; at kaniyang kinuha sa silid ni Elisama na kalihim. At binasa ni Jehudi sa mga pakinig ng hari, at sa mga pakinig ng lahat na prinsipe na nangakatayo sa tabi ng hari.
22 Ang hari nga ay nakaupo sa bahay na tagginaw sa ikasiyam na buwan: at may apoy sa apuyan na nagniningas sa harap niya.
23 At nangyari, ng mabasa ni Jehudi ang tatlo o apat na dahon, na pinutol ng hari ng lanseta, at inihagis sa apoy na nasa apuyan, hanggang sa masupok ang buong balumbon sa apoy na nasa apuyan.
24 At sila'y hindi nangatakot o hinapak man nila ang kanilang mga suot, maging ang hari, o ang sinoman sa kaniyang mga lingkod na nakarinig ng lahat ng salitang ito.
25 Bukod dito'y si Elnathan, at si Delaias, at si Gemarias ay namanhik sa hari na huwag niyang sunugin ang balumbon; nguni't hindi niya dininig sila.
26 At nagutos ang hari kay Jerameel na anak ng hari, at kay Seraias na anak ni Azriel, at kay Selemias na anak ni Abdeel, upang hulihin si Baruch na kalihim at si Jeremias na propeta: nguni't ikinubli ng Panginoon.
27 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias pagkatapos na masunog ng hari ang balumbon, at ang mga salita na sinulat ni Baruch na mula sa bibig ni Jeremias, na nagsasabi:
28 Kumuha ka uli ng ibang balumbon, at sulatan mo ng lahat na dating salita na nasa unang balumbon na sinunog ni Joacim na hari sa Juda.
29 At tungkol kay Joacim na hari sa Juda ay iyong sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Iyong sinunog ang balumbon na ito, na iyong sinasabi, Bakit mo isinulat doon, na sinasabi, Tunay na ang hari sa Babilonia ay paririto at sisirain ang lupaing ito, at papaglilikatin dito ang tao at ang hayop?
30 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, tungkol kay Joacim na hari sa Juda, Siya'y mawawalan ng uupo sa luklukan ni David; at ang kaniyang bangkay sa araw ay mahahagis sa init, at sa gabi ay sa hamog.
31 At aking parurusahan siya at ang kaniyang binhi at ang kaniyang mga lingkod dahil sa kanilang kasamaan; at aking dadalhin sa kanila, at sa mga nananahan sa Jerusalem, at sa mga tao ng Juda, ang buong kasamaan na aking sinalita laban sa kanila, nguni't hindi nila dininig.
32 Nang magkagayo'y kumuha si Jeremias ng ibang balumbon, at ibinigay kay Baruch na kalihim, na anak ni Nerias, na sumulat doon ng mula sa bibig ni Jeremias ng lahat ng mga salita ng aklat na sinunog sa apoy ni Joacim na hari sa Juda; at nagdagdag pa sa mga yaon ng maraming gayong salita.