1 Mga Cronica
Kabanata 17
At nangyari, nang si David ay tumahan sa kaniyang bahay, na sinabi ni David kay Nathan na propeta, Narito, ako'y tumatahan sa isang bahay na sedro, nguni't ang kaban ng tipan ng Panginoon ay sa ilalim ng mga kubong.
2 At sinabi ni Nathan kay David, Gawin mo ang buong nasa iyong kalooban; sapagka't ang Dios ay sumasaiyo.
3 At nangyari, nang gabing yaon, na ang salita ng Dios ay dumating kay Nathan na sinasabi,
4 Ikaw ay yumaon at saysayin mo kay David na aking lingkod, Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag mo akong ipagtatayo ng bahay na matatahanan:
5 Sapagka't hindi ako tumahan sa bahay mula nang araw na aking iahon ang Israel, hanggang sa araw na ito; kundi ako'y yumaon sa tolda at tolda, at sa tabernakulo, at tabernakulo.
6 Sa lahat ng mga dako na aking nilakaran na kasama ang buong Israel, ako ba'y nagsalita ng isang salita sa sinoman sa mga hukom ng Israel, na siyang aking inutusang maging pastor sa aking bayan, na nagsasabi, Bakit hindi ninyo ako ipinagtayo ng bahay na sedro?
7 Ngayon nga'y ganito ang iyong sasabihin sa aking lingkod na kay David. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kita'y kinuha sa pasabsaban, sa pagsunod sa mga tupa upang ikaw ay maging pangulo sa aking bayang Israel:
8 At ako'y sumaiyo saan ka man naparoon, at aking inihiwalay ang lahat na iyong mga kaaway sa harap mo; at gagawin kitang isang pangalan, na gaya ng pangalan ng mga dakila na nangasa lupa.
9 At aking ipagtataan ng isang dako ang aking bayang Israel, at itatatag sila, upang sila'y mangakatahan sa kanilang sariling dako, at huwag nang mabago pa; ni sisirain pa man sila ng mga anak ng kasamaan, na gaya ng una,
10 At gaya ng araw na maghalal ako ng mga hukom upang malagay sa aking bayang Israel; at aking pasusukuin ang lahat mong mga kaaway. Bukod dito'y isinaysay ko sa iyo na ipagtatayo ka ng Panginoon ng isang bahay.
11 At mangyayari, pagka ang iyong mga araw ay nalubos na ikaw ay marapat yumaon na makasama ng iyong mga magulang, na aking patatatagin ang iyong binhi pagkamatay mo, na magiging sa iyong mga anak; at aking itatatag ang kaniyang kaharian.
12 Kaniyang ipagtatayo ako ng isang bahay, at aking itatatag ang kaniyang luklukan magpakailan man.
13 Ako'y magiging kaniyang ama, at siya'y magiging aking anak: at hindi ko na aalisin ang aking kaawaan sa kaniya, gaya ng aking pagkakuha roon sa nauna sa iyo:
14 Kundi siya'y aking ilalagay sa aking bahay at sa aking kaharian magpakailan man: at ang kaniyang luklukan ay matatatag magpakailan man.
15 Ayon sa lahat na salitang ito, at ayon sa buong pangitaing ito, ay gayon sinalita ni Nathan kay David.
16 Nang magkagayo'y yumaon ang haring David at naupo sa harap ng Panginoon; at kaniyang sinabi, Sino ako, Oh Panginoong Dios, at ano ang aking bahay na ako'y dinala mo sa ganyang kalayo?
17 At ito'y munting bagay sa harap ng iyong mga mata, Oh Dios; nguni't iyong sinalita tungkol sa sangbahayan ng iyong lingkod ang hanggang sa malaong panahong darating, at ako'y iyong nilingap na ayon sa kalagayan ng isang tao na may mataas na kalagayan, Oh Panginoong Dios.
18 Ano pa ang masasabi ni David sa iyo, tungkol sa karangalang ginawa sa iyong lingkod? sapagka't iyong kilala ang iyong lingkod.
19 Oh Panginoon, dahil sa iyong lingkod, at ayon sa iyong sariling puso, ay iyong ginawa ang buong kadakilaang ito, upang ipakilala ang lahat na dakilang bagay na ito.
20 Oh Panginoon, walang gaya mo, ni mayroon mang sinomang Dios liban sa iyo, ayon sa lahat naming narinig ng aming mga pakinig.
21 At anong bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayang Israel, na tinubos ng Dios upang maging kaniyang sariling bayan, upang gawin kang pangalan sa pamamagitan ng malaki at kakilakilabot na mga bagay, sa pagpapalayas ng mga bansa sa harap ng iyong bayan, na iyong tinubos sa Egipto?
22 Sapagka't ang iyong bayang Israel ay iyong ginawang iyong sariling bayan magpakailan man; at ikaw, Panginoon, ay naging kanilang Dios.
23 At ngayon, Oh Panginoon, matatag nawa ang salita na iyong sinalita tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kaniyang sangbahayan magpakailan man, at gawin mo nawa na gaya ng iyong sinalita.
24 At ang iyong pangalan ay mamalagi nawa, at dakilain magpakailan man, na sabihin, Ang Panginoon ng mga hukbo ay Dios ng Israel, sa makatuwid baga'y Dios sa Israel: at ang sangbahayan ni David na iyong lingkod ay natatag sa harap mo.
25 Sapagka't ikaw, Oh aking Dios, napakilala sa iyong lingkod na iyong ipagtatayo siya ng bahay: kaya't pinangahasan ng iyong lingkod sa kaniyang puso na dumalangin sa harap mo.
26 At ngayon, Oh Panginoon, ikaw ang Dios, at iyong ipinangako ang dakilang bagay na ito sa iyong lingkod:
27 At ngayo'y kinalugdan mong pagpalain ang sangbahayan ng iyong lingkod, upang mamalagi magpakailan man sa harap mo: sapagka't iyong pinagpala, Oh Panginoon, at yao'y magiging mapalad magpakailan man.