1 Mga Cronica
Kabanata 10
Ang mga Filisteo nga ay nakipaglaban sa Israel: at ang mga lalake ng Israel ay nagsitakas sa harap ng mga Filisteo, at nangabuwal na patay sa bundok ng Gilboa.
2 At ang mga Filisteo ay nangagsisunod na mainam sa likuran ni Saul at ng kaniyang mga anak; at pinatay ng mga Filisteo si Jonathan, at si Abinadab, at si Malchi-sua, na mga anak ni Saul.
3 At ang pagbabaka ay lumalang mainam laban kay Saul, at inabutan siya ng mga mamamana; at siya'y nahirapan dahil sa mga mamamana.
4 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kaniyang tagadala ng sandata: Bunutin mo ang iyong tabak, at iyong palagpasin sa akin; baka ang mga hindi tuling ito ay magsiparito at pahirapan ako. Nguni't hindi inibig ng kaniyang tagadala ng sandata; sapagka't siya'y totoong natakot. Kaya't kinuha ni Saul ang kaniyang tabak, at nagpatibuwal doon.
5 At nang makita ng kaniyang tagadala ng sandata na si Saul ay patay, siya nama'y nagpatibuwal sa kaniyang tabak, at namatay.
6 Gayon namatay si Saul, at ang kaniyang tatlong anak; at ang kaniyang buong sangbahayan ay namatay na magkakasama.
7 At nang makita ng lahat na lalake ng Israel na nangasa libis na sila'y nagsitakas, at si Saul at ang kaniyang mga anak ay patay, ay kanilang iniwan ang kanilang mga bayan at nagsitakas; at ang mga Filisteo ay nagsiparoon at nagsitahan sa mga yaon.
8 At nangyari nang kinaumagahan nang magsiparoon upang hubaran ng mga Filisteo ang nangapatay, na kanilang nasumpungan si Saul at ang kaniyang mga anak na buwal sa bundok ng Gilboa.
9 At hinubaran nila siya at kinuha ang kaniyang ulo, at ang kaniyang sandata, at ipinadala sa lupain ng mga Filisteo sa palibot, upang ibalita sa kanilang mga diosdiosan, at sa bayan.
10 At inilagay nila ang kaniyang sandata sa bahay ng kanilang mga dios, at ipinako ang kaniyang ulo sa bahay ni Dagon.
11 At nang mabalitaan ng buong Jabes-galaad ang buong ginawa ng mga Filisteo kay Saul,
12 Ang lahat na matapang na lalake ay nagsitindig, at kinuha ang bangkay ni Saul, at ang mga bangkay ng kaniyang mga anak, at dinala sa Jabes, at inilibing ang kanilang mga buto sa ilalim ng ensina sa Jabes, at nangagayunong pitong araw.
13 Sa gayo'y namatay si Saul dahil sa kaniyang pagsalangsang na kaniyang nagawa laban sa Panginoon, dahil sa salita ng Panginoon na hindi niya iningatan; at dahil naman na siya'y nakipagsanggunian sa masamang espiritu, upang pagsiyasatan.
14 At hindi nagsiyasat sa Panginoon: kaya't pinatay niya siya, at inilipat ang kaharian kay David na anak ni Isai.