1 Mga Cronica
Kabanata 13
At sumangguni si David sa mga pinunong kawal ng mga lilibuhin, at mga dadaanin, sa bawa't tagapamatnugot.
2 At sinabi ni David sa buong kapisanan ng Israel, Kung inaakala ninyong mabuti, at kung sa Panginoon nating Dios, ay pasuguan natin sa bawa't dako ang ating mga kapatid na nangaiwan sa buong lupain ng Israel, na makasama nila ang mga saserdote at mga Levita sa kanilang mga bayan na may mga nayon, upang sila'y mapapisan sa atin;
3 At ating dalhin uli ang kaban ng ating Dios sa atin: sapagka't hindi natin hinanap ng mga kaarawan ni Saul.
4 At ang buong kapulungan ay nagsabi na kanilang gagawing gayon: sapagka't ang bagay ay matuwid sa harap ng mga mata ng buong bayan.
5 Sa gayo'y pinisan ni David ang buong Israel, mula sa Sihor, na batis ng Egipto hanggang sa pasukan sa Hamath, upang dalhin ang kaban ng Dios mula sa Chiriath-jearim.
6 At si David ay umahon, at ang buong Israel sa Baala, sa makatuwid baga'y sa Chiriath-jearim, na nauukol sa Juda, upang iahon mula roon ang kaban ng Dios, ng Panginoon na nauupo sa mga querubin, na tinatawag ayon sa Pangalan.
7 At kanilang dinala ang kaban ng Dios na nakasakay sa isang bagong karo, at inilabas sa bahay ni Abinadab: at pinalakad ni Uzza at ni Ahio ang karo.
8 At si David at ang buong Israel ay tumugtog sa harap ng Dios ng kanilang buong lakas: sa pamamagitan ng mga awit, at ng mga alpa, at ng mga salterio, at ng mga pandereta at ng mga simbalo, at ng mga pakakak.
9 At nang sila'y dumating sa giikan ng Chidon, ay iniunat ni Uzza ang kaniyang kamay upang hawakan ang kaban; sapagka't ang mga baka ay natisod.
10 At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban kay Uzza, at sinaktan niya siya, sapagka't kaniyang iniunat ang kaniyang kamay sa kaban; at doo'y namatay siya sa harap ng Dios.
11 At sumama ang loob ni David, sapagka't nagalit ang Panginoon kay Uzza: at kaniyang tinawag ang dakong yaon na Perez-uzza hanggang sa araw na ito.
12 At si David ay natakot sa Dios nang araw na yaon, na nagsasabi, Paanong aking iuuwi ang kaban ng Dios?
13 Sa gayo'y hindi inilipat ni David ang kaban sa kaniya sa bayan ni David, kundi nilihisan ang daan at dinala sa bahay ni Obed-edom na Getheo.
14 At ang kaban ng Dios ay naiwan sa sangbahayan ni Obed-edom sa kaniyang bahay na tatlong buwan: at pinagpala ng Panginoon ang sangbahayan ni Obed-edom, at ang buo niyang tinatangkilik.