1 Mga Hari
Kabanata 6
At nangyari nang ikaapat na raan at walong pung taon pagkatapos na ang mga anak ni Israel ay nangakalabas sa lupain ng Egipto, nang ikaapat na taon ng paghahari ni Salomon sa Israel, nang buwan ng Ziph, na ikalawang buwan, na kaniyang pinasimulang itinayo ang bahay ng Panginoon.
2 At ang bahay na itinayo ng haring Salomon ukol sa Panginoon, ang haba niyao'y anim na pung siko, at ang luwang ay dalawang pung siko, at ang taas ay tatlong pung siko.
3 At ang portiko sa harap ng templo ng bahay, may dalawang pung siko ang haba, ayon sa luwang ng bahay; at sangpung siko ang luwang niyaon sa harap ng bahay.
4 At iginawa ang bahay ng mga dungawan na may silahia.
5 At sa karatig ng pader ng bahay ay naglagay siya ng mga grado sa palibot, sa siping ng mga pader ng bahay sa palibot ng templo at gayon din sa sanggunian: at siya'y gumawa ng mga silid sa tagiliran sa palibot:
6 Ang kababababaan ay may limang siko ang luwang, at ang pangalawang grado ay may anim na siko ang luwang, at ang ikatlo ay may pitong siko ang luwang: sapagka't siya'y gumawa ng mga tungtungan sa labas ng bahay sa palibot, upang ang mga sikang ay huwag kumapit sa mga pader ng bahay.
7 At ang bahay, nang ginagawa, ay ginawa na mga bato na inihanda sa tibagan ng bato: at wala kahit pamukpok o palakol man, o anomang kasangkapang bakal na narinig sa bahay, samantalang itinatayo.
8 Ang pintuan sa mga kababababaang silid sa tagiliran ay nasa dakong kanan ng bahay: at sa pamamagitan ng isang hagdanang sinuso ay nakapapanhik sa pangalawang grado, at mula sa pangalawang grado ay sa ikatlo.
9 Gayon itinayo niya ang bahay, at tinapos at binubungan ang bahay ng mga sikang at mga tabla ng sedro.
10 At kaniyang ginawa ang mga grado na karatig ng buong bahay, na bawa't isa'y limang siko ang taas: at kumakapit sa bahay sa pamamagitan ng kahoy na sedro.
11 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Salomon, na sinasabi,
12 Tungkol sa bahay na ito na iyong itinatayo, kung ikaw ay lalakad sa aking mga palatuntunan, at gagawin ang aking mga kahatulan, at iingatan ang lahat ng aking mga utos upang lakaran; ay akin ngang pagtitibayin ang aking salita sa iyo, na aking sinalita kay David na iyong ama.
13 At ako'y tatahan sa gitna ng mga anak ni Israel, at hindi ko pababayaan ang aking bayang Israel.
14 Gayon itinayo ni Salomon ang bahay, at tinapos.
15 At kaniyang ginawa ang mga panig sa loob ng bahay na kahoy na sedro; mula sa lapag ng bahay hanggang sa mga panig ng kisame, na kaniyang binalot ng kahoy sa loob; at kaniyang tinakpan ang lapag ng bahay ng tabla na abeto.
16 At siya'y gumawa ng isang silid na dalawang pung siko sa pinakaloob ng bahay, ng tabla na sedro mula sa lapag hanggang sa mga panig sa itaas: na kaniyang ginawa sa loob na ukol sa sanggunian, sa makatuwid baga'y ukol sa kabanalbanalang dako.
17 At ang bahay, sa makatuwid baga'y ang templo sa harap ng sanggunian ay apat na pung siko ang haba.
18 At may mga sedro sa loob ng bahay na inukitan ng kulukuti at mga bukang bulaklak: lahat ay sedro; walang batong makikita.
19 At siya'y naghanda ng isang sanggunian sa gitna ng pinakaloob ng bahay, upang ilagay roon ang kaban ng tipan ng Panginoon.
20 At ang loob ng sanggunian ay may dalawang pung siko ang haba, at dalawang pung siko ang luwang, at dalawang pung siko ang taas: at binalot niya ng taganas na ginto: at binalot niya ng sedro ang dambana.
21 Sa gayo'y binalot ni Salomon ang loob ng bahay ng taganas na ginto: at kaniyang kinanaan ng mga tanikalang ginto ang harapan ng sanggunian; at binalot ng ginto.
22 At binalot ng ginto ang buong bahay, hanggang sa ang bahay ay nayari: gayon din ang buong dambana na nauukol sa sanggunian ay kaniyang binalot ng ginto.
23 At sa sanggunian ay gumawa siya ng dalawang querubin na kahoy na olibo, na bawa't isa'y may sangpung siko ang taas.
24 At limang siko ang isang pakpak ng querubin, at limang siko ang kabilang pakpak ng querubin: mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng kabila ay sangpung siko.
25 At ang isang querubin ay sangpung siko: ang dalawang querubin ay may isang sukat at isang anyo.
26 Ang taas ng isang querubin ay may sangpung siko, at gayon din ang isang querubin.
27 At kaniyang inilagay ang mga querubin sa pinakaloob ng bahay: at ang mga pakpak ng mga querubin ay nangakabuka na anopa't ang pakpak ng isa ay dumadaiti sa isang panig, at ang pakpak ng ikalawang querubin ay dumadaiti sa kabilang panig; at ang kanilang mga kabilang pakpak ay nagkakadaiti sa gitna ng bahay.
28 At kaniyang binalot ng ginto ang mga querubin.
29 At kaniyang inukitan ang lahat na panig ng bahay sa palibot ng mga ukit na larawan ng mga querubin, at ng mga puno ng palma, at ng mga bukang bulaklak, sa loob at sa labas.
30 At ang lapag ng bahay ay binalot niya ng ginto, sa loob at sa labas.
31 At sa pasukan ng sanggunian, siya'y gumawa ng mga pintuan na kahoy na olibo: ang itaas ng pintuan at ang mga haligi niyaon ay ikalimang bahagi ng panig ang laki.
32 Sa gayo'y gumawa siya ng dalawang pinto na kahoy na olibo; at kaniyang inukitan ng mga ukit na mga querubin, at mga puno ng palma, at mga bukang bulaklak, at binalot niya ng ginto; at kaniyang ikinalat ang ginto sa mga querubin, at sa mga puno ng palma,
33 Sa gayo'y gumawa naman siya sa pasukan ng templo ng mga haligi ng pintuan na kahoy na olibo, sa ikaapat na bahagi ng panig;
34 At dalawang pinto na kahoy na abeto; ang dalawang pohas ng isang pinto ay naititiklop, at ang dalawang pohas ng kabilang pinto ay naititiklop.
35 At kaniyang pinagukitan ng mga querubin, at mga puno ng palma, at mga bukang bulaklak; at binalot niya ng ginto na kapit sa mga ukit na gawa.
36 At kaniyang ginawa ang loob na looban, na tatlong hanay na batong tabas, at isang hanay na sikang na kahoy na sedro.
37 Nang ikaapat na taon, sa buwan ng Ziph, inilagay ang mga tatagang-baon ng bahay ng Panginoon.
38 At nang ikalabing isang taon, sa buwan ng Bul, na siyang ikawalong buwan ay nayari ang bahay sa lahat ng bahagi niyaon, at ayon sa buong anyo niyaon. Na anopa't pitong taong ginawa.