1 Mga Hari

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22

0:00
0:00

Kabanata 10

At nang mabalitaan ng reina sa Seba ang kabantugan ni Salomon tungkol sa pangalan ng Panginoon, ay naparoon siya upang subukin niya siya ng mga mahirap na tanong.
2 At siya'y naparoon sa Jerusalem na may maraming kaakbay, may mga kamelyo na may pasang mga espesia at totoong maraming ginto, at mga mahalagang bato: at nang siya'y dumating kay Salomon ay kaniyang inihinga sa kaniya ang lahat na laman ng kaniyang dibdib.
3 At isinaysay ni Salomon sa kaniya ang lahat ng kaniyang mga tanong: walang bagay na lihim sa hari na hindi niya isinaysay sa kaniya.
4 At nang makita ng reina sa Seba ang buong karunungan ni Salomon, at ang bahay na kaniyang itinayo,
5 At ang pagkain sa kaniyang dulang, at ang pagkaayos ng kaniyang mga alila, at ang tayo ng kaniyang mga tagapangasiwa, at ang kanilang mga pananamit, at ang kaniyang mga tagahawak ng saro, at ang kaniyang sampahan na kaniyang sinasampahan sa bahay ng Panginoon; ay nawalan siya ng diwa.
6 At sinabi niya sa hari, Tunay na balita ang aking narinig sa aking sariling lupain tungkol sa iyong mga gawa, at sa iyong karunungan.
7 Gayon may hindi ko pinaniwalaan ang mga salita hanggang sa ako'y dumating, at nakita ng aking mga mata: at, narito, ang kalahati ay hindi nasaysay sa akin: ang iyong karunungan at pagkaginhawa ay higit kay sa kabantugan na aking narinig.
8 Maginhawa ang iyong mga lalake, maginhawa ang iyong mga lingkod na ito, na nagsisitayong palagi sa harap mo, at nakakarinig ng iyong karunungan.
9 Purihin ang Panginoon mong Dios, na nalulugod sa iyo, upang ilagay ka sa luklukan ng Israel: sapagka't minamahal ng Panginoon ang Israel magpakailan man, kaya't ginawa ka niyang hari upang gumawa ng kahatulan at ng katuwiran.
10 At siya'y nagbigay sa hari ng isang daan at dalawang pung talentong ginto, at mga espesia na totoong sagana, at mga mahalagang bato; kailan ma'y hindi nagkaroon ng gayong kasaganaan ng mga espesia, gaya ng mga ito na ibinigay ng reina sa Seba sa haring Salomon.
11 At ang mga sasakyang dagat naman ni Hiram na nagsipagdala ng ginto mula sa Ophir, ay nagsipagdala ng saganang kahoy na almug at mga mahalagang bato mula sa Ophir.
12 At ginawa ng hari na mga haligi ang mga kahoy na almug sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari, at ginawa ring mga alpa. At mga salterio sa mga mangaawit: kailan ma'y hindi dumating ang mga gayong kahoy na almug, o nakita man, hanggang sa araw na ito.
13 At ang haring Salomon ay nagbigay sa reina sa Seba ng lahat niyang naibigan, at lahat niyang hiningi, bukod doon sa ibinigay ni Salomon sa kaniya na kaloob-hari. Sa gayo'y bumalik siya, at umuwi sa kaniyang sariling lupain, siya, at ang kaniyang mga lingkod.
14 Ang timbang nga ng ginto na dumating kay Salomon sa isang taon ay anim na raan at anim na pu't anim na talentong ginto,
15 Bukod doon sa dinala ng mga naglalako, at sa kalakal ng mga mangangalakal, at sa lahat na hari ng halohalong bayan, at sa mga gobernador sa lupain.
16 At ang haring Salomon ay gumawa ng dalawang daang kalasag na pinukpok na ginto: anim na raang siklong ginto ang ginamit sa bawa't kalasag.
17 At siya'y gumawa ng tatlong daang ibang kalasag na pinukpok na ginto: tatlong librang ginto ang ginamit sa bawa't kalasag: at ipinaglalagay ng hari sa bahay na kahoy sa gubat ng Libano.
18 Bukod dito'y gumawa ang hari ng isang malaking luklukang garing, at binalot ng gintong pinakamainam.
19 May anim na baytang sa luklukan, at ang pinakalangit ng luklukan ay mabilog sa likuran: at may mga pinakakamay sa bawa't tagiliran sa siping ng dako ng upuan, at dalawang leon ang nakatayo sa siping ng mga pinakakamay.
20 At labing dalawang leon ang nakatayo roon sa isang dako at sa kabilang dako sa ibabaw ng anim na baytang: walang nagawang gayon sa alinmang kaharian.
21 At ang lahat na sisidlang inuman ng haring Salomon ay ginto, at ang lahat na sisidlan sa bahay na kahoy sa gubat ng Libano ay taganas na ginto: walang pilak; hindi mahalaga ito sa mga kaarawan ni Salomon.
22 Sapagka't ang hari ay mayroon sa dagat ng mga sasakyan na yari sa Tharsis na kasama ng mga sasakyang dagat ni Hiram: minsan sa bawa't tatlong taon ay nanggagaling ang mga sasakyang dagat na yari sa Tharsis, na nagdadala ng ginto, at pilak, at garing, at mga unggoy, at mga pabo real.
23 Sa gayo'y ang haring Salomon ay humigit sa lahat ng mga hari sa lupa sa kayamanan at sa karunungan.
24 At hinanap ng buong lupa ang harapan ni Salomon, upang makinig ng kaniyang karunungan, na inilagay ng Dios sa kaniyang puso.
25 At sila'y nagsipagdala bawa't isa ng kanikaniyang kaloob, na mga sisidlang pilak, at mga sisidlang ginto, at damit, at sandata, at mga espesia, mga kabayo, at mga mula, na sanggayon taontaon.
26 At pinisan ni Salomon ang mga karo, at ang mga mangangabayo: at siya'y may isang libo't apat na raang karo, at labing dalawang libong mangangabayo, na kaniyang inilagay sa mga bayan ng mga karo, at kasama ng hari sa Jerusalem.
27 At ginawa ng hari na maging gaya ng mga bato ang pilak sa Jerusalem, at ang mga sedro, ay ginawa niyang maging gaya ng mga puno ng sikomoro na nasa mababang lupa dahil sa kasaganaan.
28 At ang mga kabayo na tinatangkilik ni Salomon ay inilabas sa Egipto: at ang mga mangangalakal ng hari ay nagsitanggap ng kawan ng mga yaon, bawa't kawan ay sa halaga.
29 At kanilang isinasampa at inilalabas sa Egipto ang isang karo sa halagang anim na raang siklong pilak, at ang isang kabayo, ay sa isang daan at limangpu: at gayon sa lahat ng mga hari sa mga Hetheo, at sa mga hari sa Siria ay kanilang inilabas sa pamamagitan nila.