1 Mga Hari
Kabanata 11
Ang haring Salomon nga ay sumisinta sa maraming babaing taga ibang lupa na pati sa anak ni Faraon, mga babaing Moabita, Ammonita, Idumea, Sidonia, at Hethea;
2 Sa mga bansa na sinabi ng Panginoon sa mga anak ni Israel: Kayo'y huwag makikihalo sa kanila o sila man ay makikihalo sa inyo: sapagka't walang pagsalang kanilang ililigaw ang inyong puso sa pagsunod sa kanilang mga dios: nasabid si Salomon sa mga ito sa pagsinta.
3 At siya'y nagkaroon ng pitong daang asawa, na mga prinsesa, at tatlong daang babae: at iniligaw ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso.
4 Sapagka't nangyari, nang si Salomon ay matanda na, iniligaw ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso sa ibang mga dios: at ang kaniyang puso ay hindi naging sakdal sa Panginoon niyang Dios, na gaya ng puso ni David na kaniyang ama.
5 Sapagka't si Salomon ay sumunod kay Astaroth, diosa ng mga Sidonio, at kay Milcom, na karumaldumal ng mga Ammonita.
6 At gumawa si Salomon ng masama sa paningin ng Panginoon, at hindi sumunod na lubos sa Panginoon, na gaya ng ginawa ni David na kaniyang ama.
7 Nang magkagayo'y ipinagtayo ni Salomon ng mataas na dako si Chemos na karumaldumal ng Moab, sa bundok na nasa tapat ng Jerusalem, at si Moloch na kasuklamsuklam ng mga anak ni Ammon.
8 At gayon ang ginawa niya sa lahat niyang asawang mga taga ibang lupa, na nagsunog ng mga kamangyan at naghain sa kanikanilang mga dios.
9 At ang Panginoo'y nagalit kay Salomon, dahil sa ang kaniyang puso ay humiwalay sa Panginoon, sa Dios ng Israel, na napakita sa kaniyang makalawa,
10 At siyang nagutos sa kaniya tungkol sa bagay na ito, na siya'y huwag sumunod sa ibang mga dios; nguni't hindi niya iningatan ang iniutos ng Panginoon.
11 Kaya't sinabi ng Panginoon kay Salomon, Yamang ito'y nagawa mo, at hindi mo iningatan ang aking tipan, at ang aking mga palatuntunan na aking iniutos sa iyo, walang pagsalang aking aagawin ang kaharian sa iyo, at aking ibibigay sa iyong lingkod.
12 Gayon ma'y sa iyong mga kaarawan ay hindi ko gagawin alangalang kay David na iyong ama: kundi sa kamay ng iyong anak aking aagawin.
13 Gayon ma'y hindi ko aagawin ang buong kaharian; kundi ibibigay ko ang isang lipi sa iyong anak alangalang kay David na aking lingkod, at alangalang sa Jerusalem na aking pinili.
14 At ipinagbangon ng Panginoon, si Salomon, ng isang kaaway na si Adad na Idumeo: siya'y sa lahi ng hari sa Edom.
15 Sapagka't nangyari, nang si David ay nasa Edom, at si Joab na puno ng hukbo ay umahon upang ilibing ang mga patay, at masaktan ang lahat na lalake sa Edom;
16 (Sapagka't si Joab at ang buong Israel ay natira roong anim na buwan, hanggang sa kaniyang naihiwalay ang lahat na lalake sa Edom;)
17 Na si Adad ay tumakas, siya at ang ilan sa mga Idumeo na kasama niya na mga bataan ng kaniyang ama, upang pumasok sa Egipto, na si Adad noo'y munting bata pa.
18 At sila'y nagsitindig sa Madian, at naparoon sa Paran; at sila'y nagsipagsama ng mga lalake sa Paran, at sila'y nagsiparoon sa Egipto, kay Faraon na hari sa Egipto; na siyang nagbigay sa kaniya ng bahay, at naghanda sa kaniya ng pagkain, at nagbigay sa kaniya ng lupa.
19 At si Adad ay nakasumpong ng malaking biyaya sa paningin ni Faraon, na anopa't kaniyang ibinigay na asawa sa kaniya ang kapatid ng kaniyang sariling asawa, ang kapatid ni Thaphenes na reina.
20 At ipinanganak ng kapatid ni Thaphenes sa kaniya si Genubath, na anak na lalake niya, na inihiwalay sa suso ni Thaphenes sa bahay ni Faraon: at si Genubath ay nasa bahay ni Faraon sa kasamahan ng mga anak ni Faraon.
21 At nang mabalitaan ni Adad sa Egipto na si David ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at si Joab na puno ng hukbo ay namatay, sinabi ni Adad kay Faraon, Payaunin mo ako, upang ako'y makauwi sa aking sariling lupain.
22 Sinabi nga ni Faraon sa kaniya, Datapuwa't anong ipinagkukulang mo sa akin, na, narito, ikaw ay nagsisikap na umuwi sa iyong sariling lupain? At siya'y sumagot: Wala: gayon ma'y isinasamo ko sa iyo na payaunin mo ako sa anomang paraan.
23 At ipinagbangon ng Dios si Salomon ng ibang kaaway, na si Rezon na anak ni Eliada, na tumakas sa kaniyang panginoong kay Adadezer na hari sa Soba:
24 At siya'y nagpisan ng mga lalake, at naging puno sa isang hukbo, nang patayin ni David ang mga taga Soba; at sila'y nagsiparoon sa Damasco, at tumahan doon, at naghari sa Damasco.
25 At siya'y naging kaaway ng Israel sa lahat ng kaarawan ni Salomon, bukod pa sa ligalig na ginawa ni Adad: at kaniyang kinapootan ang Israel, at naghari sa Siria.
26 At si Jeroboam na anak ni Nabat, na Ephrateo sa Sereda, na lingkod ni Salomon, na ang pangalan ng ina ay Serva, na baong babae, ay nagtaas din ng kaniyang kamay laban sa hari.
27 At ito ang kadahilanan ng kaniyang pagtataas ng kaniyang kamay laban sa hari: itinayo ni Salomon ang Millo at hinusay ang sira ng bayan ni David na kaniyang ama.
28 At ang lalaking si Jeroboam ay makapangyarihang lalake na matapang: at nakita ni Salomon ang binata na masipag, at kaniyang ipinagkatiwala sa kaniya ang lahat na gawain ng sangbahayan ni Jose.
29 At nangyari, nang panahong yaon, nang si Jeroboam ay lumabas sa Jerusalem, na nasalubong siya sa daan ng propeta Ahias na Silonita; si Ahias nga ay may suot na bagong kasuutan; at silang dalawa ay nag-iisa sa parang.
30 At tinangnan ni Ahias ang bagong kasuutan na nakasuot sa kaniya, at hinapak ng labing dalawang putol.
31 At kaniyang sinabi kay Jeroboam, Kunin mo sa iyo ang sangpung putol: sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Narito, aking aagawin ang kaharian sa kamay ni Salomon, at ibibigay ko ang sangpung lipi sa iyo:
32 (Nguni't mapapasa kaniya ang isang lipi dahil sa aking lingkod na si David, at dahil sa Jerusalem, na bayan na aking pinili sa lahat ng mga lipi ng Israel:)
33 Sapagka't kanilang pinabayaan ako, at sinamba si Astaroth na diosa ng mga Sidonio, si Chemos na dios ng Moab, at si Milcom na dios ng mga anak ni Ammon; at sila'y hindi nagsilakad sa aking mga daan upang gawin ang matuwid sa aking paningin, at upang ingatan ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kahatulan, na gaya ng ginawa ni David na kaniyang ama.
34 Gayon ma'y hindi ko kukunin ang buong kaharian sa kaniyang kamay: kundi aking gagawin siyang prinsipe sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay, dahil kay David na aking lingkod na aking pinili, sapagka't kaniyang iningatan ang aking mga utos, at ang aking mga palatuntunan:
35 Kundi aking kukunin ang kaharian sa kamay ng kaniyang anak, at ibibigay ko sa iyo, sa makatuwid baga'y ang sangpung lipi.
36 At sa kaniyang anak, ay ibibigay ko ang isang lipi upang si David na aking lingkod ay magkaroon ng ilawan magpakailan man sa harap ko sa Jerusalem, na bayang aking pinili upang ilagay ang aking pangalan doon.
37 At kukunin kita, at ikaw ay maghahari ayon sa buong ninanasa ng iyong kaluluwa, at magiging hari ka sa Israel.
38 At mangyayari, kung iyong didinggin ang lahat na aking iniuutos sa iyo, at lalakad sa aking mga daan, at gagawin ang matuwid sa aking paningin, upang tuparin ang aking mga palatuntunan, at ang aking mga utos, gaya ng ginawa ni David na aking lingkod; na ako'y sasa iyo, at ipagtatayo kita ng isang tiwasay na sangbahayan, gaya ng aking itinayo kay David, at ibibigay ko sa iyo ang Israel.
39 At dahil dito'y aking pipighatiin ang binhi ni David, nguni't hindi magpakailan man.
40 Pinagsikapan nga ni Salomon na patayin si Jeroboam: nguni't si Jeroboam ay tumindig, at tumakas na napasa Egipto, kay Sisac, na hari sa Egipto, at dumoon sa Egipto hanggang sa pagkamatay ni Salomon.
41 Ang iba nga sa mga gawa ni Salomon, at ang lahat na kaniyang ginawa, at ang kaniyang karunungan, hindi ba nasusulat sa aklat ng mga gawa ni Salomon?
42 At ang panahon na ipinaghari ni Salomon sa Jerusalem sa buong Israel ay apat na pung taon.
43 At natulog si Salomon na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa bayan ni David na kaniyang ama: at si Roboam, na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya,