1 Samuel
Kabanata 8
At nangyari, nang si Samuel ay matanda na, na kaniyang ginawang mga hukom sa Israel ang kaniyang mga anak.
2 Ang pangalan nga ng kaniyang panganay ay Joel; at ang pangalan ng kaniyang ikalawa ay Abia: sila'y mga hukom sa Beer-seba.
3 At ang kaniyang mga anak ay hindi lumakad sa kaniyang mga daan, kundi lumingap sa mahalay na kapakinabangan, at tumanggap ng mga suhol, at sinira ang paghatol.
4 Nang magkagayo'y nagpipisan ang mga matanda ng Israel, at naparoon kay Samuel sa Ramatha;
5 At kanilang sinabi sa kaniya, Narito, ikaw ay matanda na, at ang iyong mga anak ay hindi lumalakad sa iyong mga daan: ngayon nga'y lagyan mo kami ng isang hari upang humatol sa amin gaya ng lahat ng mga bansa.
6 Nguni't hindi minabuti ni Samuel, nang kanilang sabihin, Bigyan mo kami ng isang hari upang humatol sa amin. At si Samuel ay nanalangin sa Panginoon.
7 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Dinggin mo ang tinig ng bayan sa lahat ng kanilang sinasabi sa iyo; sapagka't hindi ikaw ang kanilang itinakuwil, kundi itinakuwil nila ako, upang huwag akong maghari sa kanila.
8 Ayon sa lahat na gawa na kanilang ginawa mula nang araw na iahon ko sila mula sa Egipto hanggang sa araw na ito, sa kanilang pagiiwan sa akin, at paglilingkod sa ibang mga dios ay gayon ang ginagawa nila sa iyo.
9 Ngayon nga'y dinggin mo ang kanilang tinig: gayon ma'y tatanggi kang mainam sa kanila, at ipakikilala mo sa kanila ang paraan ng hari na maghahari sa kanila.
10 At isinaysay ni Samuel ang buong salita ng Panginoon sa bayan na humihingi sa kaniya ng isang hari.
11 At kaniyang sinabi, Ito ang magiging paraan ng hari na maghahari sa inyo: kaniyang kukunin ang inyong mga anak at kaniyang ilalagay sa kaniyang mga karo, at upang maging mga mangangabayo niya; at sila'y tatakbo sa unahan ng kaniyang mga karo;
12 At kaniyang mga ihahalal sa kaniya na mga kapitan ng lilibuhin at mga kapitan ng lilimangpuin; at ang iba ay upang umararo ng kaniyang lupa, at umani ng kaniyang aanihin, at upang gumawa ng kaniyang mga sangkap na pangdigma, at sangkap sa kaniyang mga karo.
13 At kaniyang kukunin ang inyong mga anak na babae upang maging mga manggagawa ng pabango, at maging mga tagapagluto, at maging mga magtitinapay.
14 At kaniyang kukunin ang inyong mga bukid, at ang inyong mga ubasan, at ang inyong mga olibohan, sa makatuwid baga'y ang pinakamabuti sa mga yaon, upang mga ibigay sa kaniyang mga lingkod.
15 At kaniyang kukunin ang ika-sangpung bahagi ng inyong binhi, at ng inyong mga ubasan, at ibibigay sa kaniyang mga punong kawal, at sa kaniyang mga lingkod.
16 At kaniyang kukunin ang inyong mga aliping lalake at babae, at ang inyong pinakamabuting bataan, at ang inyong mga asno, at mga ilalagay sa kaniyang mga gawain.
17 Kaniyang kukunin ang ikasangpung bahagi ng inyong mga kawan: at kayo'y magiging kaniyang mga lingkod.
18 At kayo'y dadaing sa araw na yaon, dahil sa inyong hari na inyong pipiliin; at hindi kayo sasagutin ng Panginoon sa araw na yaon.
19 Nguni't tinanggihang dinggin ng bayan ang tinig ni Samuel; at kanilang sinabi, Hindi; kundi magkakaroon kami ng hari sa amin;
20 Upang kami naman ay maging gaya ng lahat ng mga bansa, at upang hatulan kami ng aming hari, at lumabas sa unahan namin, at ipakipaglaban ang aming pakikipagbaka.
21 At narinig ni Samuel ang lahat ng mga salita ng bayan, at kaniyang mga isinaysay sa pakinig ng Panginoon.
22 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Dinggin mo ang kanilang tinig at lagyan mo sila ng hari. At sinabi ni Samuel sa mga tao sa Israel, Yumaon ang bawa't isa sa inyo sa kanikaniyang bayan.