1 Samuel
Kabanata 30
At nangyari, nang si David at ang kaniyang mga lalake ay dumating sa Siclag, sa ikatlong araw, na ang mga Amalecita ay sumalakay sa Timugan, at sa Siclag, at sinaktan ang Siclag, at sinunog ng apoy;
2 At dinalang bihag ang mga babae at lahat na nandoon, ang maliliit at gayon din ang malalaki; hindi nila pinatay ang sinoman, kundi kanilang pinagdadala, at nagpatuloy ng kanilang lakad.
3 At nang si David at ang kaniyang mga lalake ay dumating sa bayan, narito, sinunog ng apoy; at ang kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak na lalake at babae ay pinagdadalang bihag.
4 Nang magkagayo'y si David at ang bayan na nasa kaniya ay naglakas ng tinig, at umiyak, hanggang sa sila'y nawalan ng lakas na umiyak.
5 At ang dalawang asawa ni David ay nabihag, si Ahinoam na taga Jezreel, at si Abigail, na asawa ni Nabal, na taga Carmelo.
6 At nagdalamhating totoo si David, sapagka't pinagsasalitaan ng bayan na batuhin siya, sapagka't ang kaluluwa ng buong bayan ay pumanglaw, bawa't tao dahil sa kanikaniyang mga anak na lalake at babae; nguni't si David ay nagpakatibay sa Panginoon niyang Dios.
7 At sinabi ni David kay Abiathar na saserdote, na anak ni Ahimelech, Isinasamo ko sa iyo na dalhin mo rito ang epod. At dinala doon ni Abiathar ang epod kay David.
8 At sumangguni si David sa Panginoon, na nagsasabi, Kung aking habulin ang pulutong na ito, ay akin kayang aabutan sila? At sinagot niya siya, Iyong habulin: sapagka't tunay na iyong aabutan, at walang pagsalang mababawi mo ang lahat.
9 Sa gayo'y yumaon si David, siya at ang anim na raang lalake na kasama niya, at naparoon sa batis ng Besor, na kinaroroonan niyaong mga naiwan sa likuran.
10 Nguni't hinabol ni David, niya at ng apat na raang lalake: sapagka't ang dalawang daan natira sa likuran, na mga pata na hindi na nakatawid sa batis ng Besor:
11 At sila'y nakasumpong ng isang taga Egipto sa parang, at dinala nila siya kay David, at binigyan nila siya ng tinapay, at kumain: at binigyan nila siya ng tubig na mainom:
12 At binigyan nila siya ng isang putol ng binilong igos, at dalawang buwig na ubas; at nang kaniyang makain, ang kaniyang diwa ay nagsauli uli sa kaniya: sapagka't hindi siya nakakain ng tinapay o nakainom man ng tubig, na tatlong araw at tatlong gabi.
13 At sinabi ni David sa kaniya, Kanino ka ba nauukol? at taga saan ka? At sinabi niya, Ako'y isang binatang taga Egipto, bataan ng isang Amalecita; at iniwan ako ng aking panginoon, sapagka't tatlong araw na ako'y nagkasakit.
14 Kami ay sumalakay sa Timugan ng mga Ceretheo, at sa nauukol sa Juda, at sa Timugan ng Caleb; at aming sinunog ng apoy ang Siclag.
15 At sinabi ni David sa kaniya, Ilulusong mo ba ako sa pulutong na ito? At kaniyang sinabi, Ipanumpa mo sa akin ang Dios, hindi mo ako papatayin, o ibibigay man sa mga kamay ng aking panginoon, at aking ilulusong ka sa pulutong na ito.
16 At nang kaniyang mailusong, narito, sila'y nangangalat sa buong lupa, na nagkakainan at nagiinuman, at nagkakasayahan, dahil sa lahat na malaking samsam na kanilang nakuha sa lupain ng mga Filisteo, at sa lupain ng Juda.
17 At sinaktan ni David sila mula sa pagtatakip silim hanggang sa paglubog ng araw sa sumunod na araw: at walang taong nakatanan sa kanila liban sa apat na raang bataan na nakasakay sa mga kamelyo at tumakas.
18 At binawi ni David ang lahat na nakuha ng mga Amalecita: at iniligtas ni David ang kaniyang dalawang asawa.
19 At walang nagkulang sa kanila, kahit maliit o malaki man, kahit mga anak na lalake o babae man, kahit samsam man, kahit anomang bagay na nakuha nila sa kanila: ibinalik na lahat ni David.
20 At kinuha ni David ang lahat ng kawan at bakahan, na kanilang dinala na nasa unahan niyaong mga ibang hayop, at sinabi, Ito'y samsam ni David.
21 At naparoon si David sa dalawang daang lalake, na totoong mga pata na hindi nangakasunod kay David, na kanila namang pinatahan sa batis ng Besor; at sila'y lumabas upang salubungin si David, at upang salubungin ang mga taong kasama niya: at nang lumapit si David sa bayan, siya'y bumati sa kanila.
22 Nang magkagayo'y sumagot ang lahat ng masamang tao, at mga tao na hamak, sa mga yumaong kasama ni David, at nagsabi, Sapagka't hindi sila yumaong kasama namin, hindi namin bibigyan sila ng samsam na aming nabawi, liban sa bawa't lalake ay ang kaniyang asawa at ang kaniyang mga anak, upang kanilang dalhin, at yumaon.
23 Nang magkagayo'y sinabi ni David, Huwag ninyong gagawing gayon, mga kapatid ko, sa ibinigay sa atin ng Panginoon, na siyang nagadya sa atin, at nagbigay sa ating kamay ng pulutong na naparito laban sa atin.
24 At sino ang didinig sa inyo sa bagay na ito? sapagka't kung gaano ang bahagi ng lumusong sa pakikipagbaka, ay gayon ang bahagi ng naiwan sa daladalahan: sila'y paraparang magkakabahagi.
25 At nagkagayon, na mula sa araw na yaon, na siya'y gumawa ng isang palatuntunan at ayos sa Israel, hanggang sa araw na ito.
26 At nang dumating si David sa Siclag, siya'y nagpadala ng mga samsam sa mga matanda sa Juda, sa makatuwid baga'y sa kaniyang mga kaibigan, na sinasabi, Narito, ang isang kaloob sa inyo na mula sa samsam sa mga kaaway ng Panginoon;
27 Sa kanila na nasa Beth-el, at sa kanila na nasa Ramoth ng Timugan, at sa kanila na nasa Jathir;
28 At sa kanila na nasa Aroer, at sa kanila na nasa Siphmoth, at sa kanila na nasa Esthemoa;
29 At sa kanila na nasa Rachal, at sa kanila na nasa mga bayan ng mga Jerameelita, at sa kanila na nasa mga bayan ng mga Cineo;
30 At sa kanila na sa Horma, at sa kanila na nasa Chorasan, at sa kanila na nasa Athach;
31 At sa kanila na nasa Hebron, at sa lahat na dako na karaniwang pinaroroonan ni David at ng kaniyang mga lalake.