1 Samuel
Kabanata 14
Nangyari nga isang araw, na si Jonathan na anak ni Saul ay nagsabi sa bataan na tagadala ng kaniyang sandata, Halika at tayo'y dumaan sa pulutong ng mga Filisteo, na nasa dakong yaon. Nguni't hindi niya ipinagbigay alam sa kaniyang ama.
2 At tumigil si Saul sa kaduluduluhang bahagi ng Gabaa sa ilalim ng puno ng granada na nasa Migron: at ang bayan na nasa kaniya ay may anim na raang lalake.
3 At si Achias na anak ni Achitob, na kapatid ni Ichabod, na anak ni Phinees, na anak ni Eli, na saserdote ng Panginoon sa Silo, ay nagsusuot ng epod. At hindi nalalaman ng bayan na si Jonathan ay yumaon.
4 At sa pagitan ng mga daanan, na pinagsikapan ni Jonathan na pagdaanan ng pulutong ng mga Filisteo, ay mayroong isang tila tukang bato sa isang dako at isang tila tukang bato sa kabilang dako: at ang pangalan ng isa ay Boses at ang pangalan niyaon isa ay Sene.
5 Ang isang tila tuka ay pataas sa hilagaan sa tapat ng Michmas, at ang isa ay sa timugan sa tapat ng Gabaa.
6 At sinabi ni Jonathan sa bataan na tagadala ng kaniyang sandata: Halika at tayo ay dumaan sa pulutong ng mga hindi tuling ito: marahil ang Panginoon ay tutulong sa atin: sapagka't hindi maliwag sa Panginoon na magligtas sa pamamagitan ng marami o ng kaunti.
7 At sinabi sa kaniya ng tagadala niya ng sandata, Gawin mo ang buong nasa loob mo: lumiko ka, narito, ako'y sumasa iyo ayon sa nasa loob mo.
8 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, Narito, tayo'y dumaan sa mga lalaking yaon, at tayo'y pakikilala sa kanila.
9 Kung kanilang sabihing ganito sa atin, Kayo'y maghintay hanggang sa kami ay dumating sa inyo; ay maghihintay nga tayo sa ating dako at hindi natin aahunin sila.
10 Nguni't kung kanilang sabihing ganito, Ahunin ninyo kami; aahon nga tayo: sapagka't ibinigay sila ng Panginoon sa ating kamay: at ito ang magiging tanda sa atin.
11 At kapuwa nga sila napakilala sa pulutong ng mga Filisteo: at sinabi ng mga Filisteo: Narito, ang mga Hebreo na lumabas sa mga hukay na kanilang pinagtaguan.
12 At sumagot ang mga lalake sa pulutong kay Jonathan at sa kaniyang tagadala ng sandata, at sinabi, Ahunin ninyo kami, at pagpapakitaan namin kayo ng isang bagay. At sinabi ni Jonathan sa kaniyang tagadala ng sandata, Umahon ka na kasunod ko: sapagka't ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Israel.
13 At gumapang si Jonathan ng kaniyang mga kamay at ng kaniyang mga paa, at ang kaniyang tagadala ng sandata ay kasunod niya. At sila'y nangabuwal sa harap ni Jonathan; at ang mga yao'y pinagpapatay ng kaniyang tagadala ng sandata na kasunod niya.
14 At yaon ang unang pagpatay na ginawa ni Jonathan at ng kaniyang tagadala ng sandata, sa may dalawang pung lalake, sa may pagitan ng kalahating akre ng lupa.
15 At nagkaroon ng panginginig sa kampamento, sa parang, at sa buong bayan: ang pulutong at ang mga mananamsam ay nagsipanginig din; lumindol; sa gayo'y nagkaroon ng totoong malaking pagkayanig.
16 At ang mga bantay ni Saul sa Gabaa ng Benjamin ay tumanaw; at, narito, ang karamihan ay nawawala at sila'y nagparoo't parito.
17 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa bayan na kasama niya, Magbilang kayo ngayon at inyong tingnan kung sino ang umalis sa atin. At nang sila'y magbilang, narito, si Jonathan at ang kaniyang tagadala ng sandata ay wala roon.
18 At sinabi ni Saul kay Achias, Dalhin ninyo rito ang kaban ng Dios. Sapagka't ang kaban ng Dios ay nandoon nang panahong yaon sa mga anak ni Israel.
19 At nangyari, samantalang nagsasalita si Saul sa saserdote, na ang kaingay na nasa kampamento ng mga Filisteo ay lumala ng lumala: at sinabi ni Saul sa saserdote, Iurong mo ang iyong kamay.
20 At nagpipisan si Saul at ang buong bayan na nasa kaniya at naparoon sa pakikibaka: at, narito, ang tabak ng bawa't isa ay laban sa kaniyang kasama, at nagkaroon ng malaking pagkalito.
21 Ang mga Hebreo nga na napasa mga Filisteo nang una, na umahong kasama nila sa kampamento mula sa palibot ng lupain, ay nagsibalik pa rin na nakipisan sa mga Israelita na kasama ni Saul at ni Jonathan.
22 Gayon din ang mga lalake sa Israel na nagsikubli sa lupaing maburol ng Ephraim, na nang kanilang mabalitaan na ang mga Filisteo ay tumakas, ay nakihabol pati sila sa kanila sa pakikipagbaka.
23 Gayon iniligtas ng Panginoon ang Israel nang araw na yaon: at ang pagbabaka ay napalipat sa Beth-aven.
24 At ang mga lalake sa Israel ay namanglaw nang araw na yaon: sapagka't ibinilin ni Saul sa bayan, na sinasabi, Sumpain ang lalake na kumain ng anomang pagkain hanggang sa kinahapunan, at ako'y nakaganti sa aking mga kaaway. Sa gayo'y wala sinoman sa bayan na lumasap ng pagkain.
25 At ang buong bayan ay naparoon sa gubat; at may pulot sa ibabaw ng lupa.
26 At nang dumating ang bayan sa gubat, narito, ang pulot ay tumutulo nguni't walang tao na naglagay ng kaniyang kamay sa kaniyang bibig; sapagka't ang bayan ay natakot sa sumpa.
27 Nguni't hindi narinig ni Jonathan, nang ibilin ng kaniyang ama sa bayan na may sumpa: kaya't kaniyang iniunat ang dulo ng tungkod na nasa kaniyang kamay at isinagi sa pulot, at inilagay ang kaniyang kamay sa kaniyang bibig, at ang kaniyang mga mata ay lumiwanag.
28 Nang magkagayo'y sumagot ang isa sa bayan, at nagsabi, Ibiniling mahigpit ng iyong ama sa bayan na may sumpa, na sinasabi, Sumpain ang tao na kumain ng pagkain sa araw na ito. At ang bayan ay pata.
29 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, Binagabag ng aking ama ang lupain: tingnan ninyo, isinasamo ko sa inyo, kung paanong ang aking mga mata ay lumiwanag, sapagka't ako'y lumasa ng kaunti sa pulot na ito.
30 Gaano pa kaya kung ang bayan ay kumaing may kalayaan ngayon sa samsam sa kanilang mga kaaway na kanilang nasumpungan? sapagka't hindi nagkaroon ng malaking patayan ngayon sa gitna ng mga Filisteo.
31 At kanilang sinaktan ang mga Filisteo nang araw na yaon mula sa Michmas hanggang sa Ajalon: at ang bayan ay totoong pata.
32 At ang bayan ay dumaluhong sa samsam, at kumuha ng mga tupa, at mga baka, at mga guyang baka, at mga pinatay sa lupa: at kinain ng bayan pati ng dugo.
33 Nang magkagayo'y kanilang isinaysay kay Saul, na sinasabi, Narito, ang bayan ay nagkakasala laban sa Panginoon, sa kanilang pagkain ng dugo. At kaniyang sinabi, Kayo'y gumawang may paglililo: inyong igulong ang isang malaking bato sa akin sa araw na ito.
34 At sinabi ni Saul, Magsikalat kayo sa bayan at inyong sabihin sa kanila, Dalhin sa akin dito ng bawa't tao ang kaniyang baka, at ng bawa't tao ang kaniyang tupa, at patayin dito, at kanin; at huwag nang magkasala laban sa Panginoon sa pagkain ng dugo. At dinala ng buong bayan, bawa't tao ang kaniyang baka nang gabing yaon at pinatay roon.
35 At nagtayo si Saul ng isang dambana sa Panginoon: yaon ang unang dambana na itinayo niya sa Panginoon.
36 At sinabi ni Saul, Ating lusungin na sundan ang mga Filisteo sa kinagabihan, at atin silang samsaman hanggang sa pagliliwanag sa umaga, at huwag tayong maglabi ng isang tao sa kanila. At kanilang sinabi, Gawin mo ang inaakala mong mabuti sa iyo. Nang magkagayo'y sinabi ng saserdote, Tayo'y lumapit dito sa Dios.
37 At si Saul ay humingi ng payo sa Dios: Lulusungin ko ba na susundan ang mga Filisteo? ibibigay mo ba sila sa kamay ng Israel? Nguni't hindi siya sinagot nang araw na yaon.
38 At sinabi ni Saul, Lumapit kayo rito, kayong lahat na puno ng bayan: at maalaman at makita kung saan nanggaling ang kasalanang ito sa araw na ito.
39 Sapagka't buhay nga ang Panginoon na nagliligtas sa Israel, na kahit si Jonathan na aking anak, ay walang pagsalang mamatay. Nguni't walang tao sa buong bayan na sumagot sa kaniya.
40 Nang magkagayo'y sinabi niya sa buong Israel, Lumagay kayo sa isang dako, at ako at si Jonathan na aking anak ay lalagay sa kabilang dako. At sinabi ng bayan kay Saul, Gawin mo ang inaakala mong mabuti sa iyo.
41 Kaya sinabi ni Saul sa Panginoon, sa Dios ng Israel, Ituro mo ang matuwid. At si Jonathan at si Saul ay napili: nguni't ang bayan ay nakatanan.
42 At sinabi ni Saul, Pagsapalaran ninyo ako at si Jonathan na aking anak: at si Jonatan ay napili.
43 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul kay Jonathan, Saysayin mo sa akin kung ano ang iyong ginawa. At isinaysay ni Jonathan sa kaniya, at sinabi, Tunay na ako'y lumasa ng kaunting pulot sa dulo ng tungkod na nasa aking kamay: at, narito, ako'y marapat mamatay.
44 At sinabi ni Saul, Gawing gayon ng Dios at lalo na: sapagka't ikaw ay walang pagsalang mamamatay, Jonathan.
45 At sinabi ng bayan kay Saul, Mamamatay ba si Jonathan, na gumawa nitong dakilang kaligtasan sa Israel? Malayo nawa: buhay ang Panginoon, hindi malalaglag ang isang buhok ng kaniyang ulo sa lupa; sapagka't siya'y gumawa na kasama ng Dios sa araw na ito. Sa gayo'y iniligtas ng bayan si Jonathan, na anopa't siya'y hindi namatay.
46 Nang magkagayo'y umahon si Saul na mula sa pagsunod sa mga Filisteo: at ang mga Filisteo ay naparoon sa kanilang sariling dako.
47 Nang masakop nga ni Saul ang kaharian sa Israel, ay bumaka siya laban sa lahat niyang mga kaaway sa bawa't dako, laban sa Moab, at laban sa mga anak ni Ammon, at laban sa Edom, at laban sa mga hari sa Soba, at laban sa mga Filisteo: at saan man siya pumihit ay kaniyang binabagabag sila.
48 At kaniyang ginawang may katapangan, at sinaktan ang mga Amalecita, at iniligtas ang Israel sa mga kamay ng mga sumamsam sa kanila.
49 Ang mga anak nga ni Saul ay si Jonathan, at si Isui, at si Melchi-sua: at ang pangalan ng kaniyang dalawang anak na babae ay ito; ang pangalan ng panganay ay Merab, at ang pangalan ng bata ay Michal:
50 At ang pangalan ng asawa ni Saul ay Ahinoam, na anak ni Aimaas: at ang pangalan ng kaniyang kapitan sa hukbo ay Abner na anak ni Ner, amain ni Saul.
51 At si Cis ay ama ni Saul; at si Ner na ama ni Abner ay anak ni Abiel.
52 At nagkaroon ng mahigpit na pagbabaka laban sa mga Filisteo sa lahat ng mga araw ni Saul: at sa tuwing nakakakita si Saul ng sinomang makapangyarihang lalake, o ng sinomang matapang na lalake ay kaniyang ipinagsasama.