Josue
Kabanata 9
At nangyari, nang mabalitaan ng lahat ng hari na nangasa dako roon ng Jordan sa lupaing maburol, at sa mga kapatagan, at sa lahat ng baybayin ng malaking dagat sa tapat ng Libano, ng Hetheo, at ng Amorrheo, ng Cananeo, ng Pherezeo, ng Heveo, at ng Jebuseo;
2 Ay nagpipisan upang labanan si Josue at ang Israel, na may pagkakaisa.
3 Nguni't nang mabalitaan ng mga taga Gabaon ang ginawa ni Josue sa Jerico at sa Hai,
4 Ay gumawa naman silang may katusuhan at yumaon at nagpakunwaring sila'y mga sugo, at nagpasan ng mga lumang bayong sa kanilang mga asno at mga sisidlang balat ng alak na luma, at punit at tinahi;
5 At mga tagpi-tagping pangyapak na nakasuot sa kanilang mga paa, at ng mga lumang bihisan na suot nila; at ang lahat na tinapay na kanilang baon ay tuyo at inaamag.
6 At sila'y nagsiparoon kay Josue sa kampamento sa Gilgal, at nangagsabi sa kaniya at sa mga lalake ng Israel, Kami ay mula sa malayong lupain: ngayon nga'y makipagtipan kayo sa amin.
7 At sinabi ng mga lalake ng Israel sa mga Heveo, Marahil kayo'y nananahang kasama namin; at paanong kami ay makikipagtipan sa inyo?
8 At kanilang sinabi kay Josue, Kami ay iyong mga lingkod. At sinabi ni Josue sa kanila, Sino kayo at mula saan kayo?
9 At sinabi nila sa kaniya, Mula sa totoong malayong lupain ang iyong mga lingkod, dahil sa pangalan ng Panginoon mong Dios: sapagka't aming nabalitaan ang kabantugan niya, at ang lahat niyang ginawa sa Egipto,
10 At lahat ng kaniyang ginawa sa dalawang hari ng mga Amorrheo, na nasa dako roon ng Jordan, kay Sehon na hari sa Hesbon, at kay Og, na hari sa Basan, na nasa Astaroth.
11 At ang aming mga matanda at ang lahat na tagaroon sa aming lupain ay nagsalita sa amin, na sinasabi, Magbaon kayo sa inyong kamay ng maipaglalakbay, at yumaon kayo na salubungin ninyo sila, at inyong sabihin sa kanila, Kami ay inyong mga lingkod: at ngayo'y makipagtipan kayo sa amin.
12 Itong aming tinapay ay kinuha naming mainit na pinakabaon namin mula sa aming mga bahay nang araw na kami ay lumabas na patungo sa inyo; nguni't ngayon, narito, tuyo at inaamag:
13 At ang mga sisidlang balat ng alak na ito na aming pinuno ay bago; at, narito, mga hapak: at itong aming mga bihisan at aming mga pangyapak ay naluma dahil sa totoong mahabang paglalakbay.
14 At kumuha ang mga tao sa Israel ng kanilang baon, at hindi humingi ng payo sa bibig ng Panginoon.
15 At si Josue ay nakipagpayapaan sa kanila at nakipagtipan sa kanila, na pabayaan silang mabuhay: at ang mga prinsipe ng kapisanan ay sumumpa sa kanila.
16 At nangyari, sa katapusan ng tatlong araw, pagkatapos na sila'y makapagtipanan sa kanila, na kanilang nabalitaan na sila'y kanilang kalapit bayan, at sila'y nananahang kasama nila.
17 At ang mga anak ni Israel ay naglakbay, at naparoon sa kanilang mga bayan sa ikatlong araw. Ang kanila ngang mga bayan ay Gabaon, Caphira, at Beeroth, at Kiriath-jearim.
18 At hindi sila sinaktan ng mga anak ni Israel, sapagka't ang mga prinsipe ng kapisanan ay sumumpa sa kanila sa pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel. At inupasala ng buong kapisanan ang mga prinsipe.
19 Nguni't sinabi ng lahat ng mga prinsipe sa buong kapisanan, Kami ay sumumpa sa kanila sa pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel: ngayon nga'y hindi natin magagalaw sila.
20 Ito ang ating gagawin sa kanila at sila'y ating pababayaang mabuhay; baka ang pagiinit ay sumaatin dahil sa sumpa na ating isinumpa sa kanila.
21 At sinabi ng mga prinsipe sa kanila, Pabayaan silang mabuhay: sa gayo'y sila'y naging mamumutol ng kahoy at mananalok ng tubig sa buong kapisanan; gaya ng sinalita ng mga prinsipe sa kanila.
22 At ipinatawag sila ni Josue, at nagsalita siya sa kanila, na sinasabi, Bakit kayo'y nagdaya sa amin na nagsasabi, Kami ay totoong malayo sa inyo; dangang nananahan kayong kasama namin?
23 Ngayon nga'y sumpain kayo, at hindi mawawalan sa inyo kailan man ng mga alipin, ng mamumutol ng kahoy at gayon din ng mananalok ng tubig sa bahay ng aking Dios.
24 At sila'y sumagot kay Josue, at nagsabi, Sapagka't tunay na nasaysay sa iyong mga lingkod, kung paanong iniutos ng Panginoon ninyong Dios kay Moises na kaniyang lingkod na ibibigay sa inyo ang buong lupain, at inyong lilipulin ang lahat na nananahan sa lupain sa harap ninyo; kaya't ikinatakot naming mainam ang aming buhay dahil sa inyo, at aming ginawa ang bagay na ito.
25 At ngayon, narito, kami ay nasa iyong kamay: kung ano ang inaakala mong mabuti at matuwid na gawin sa amin, ay gawin mo.
26 At gayon ang ginawa niya sa kanila, at iniligtas niya sila sa kamay ng mga anak ni Israel, na hindi sila pinatay.
27 At ginawa sila ni Josue nang araw na yaon na mga mamumutol ng kahoy at mga mananalok ng tubig sa kapisanan, at sa dambana ng Panginoon, hanggang sa araw na ito, sa dakong kaniyang pipiliin.