Josue
Kabanata 24
At pinisan ni Josue ang lahat ng mga lipi ng Israel sa Sichem, at tinawag ang mga matanda ng Israel at ang kanilang mga pangulo, at ang kanilang mga hukom, at ang kanilang mga pinuno; at sila'y nagsiharap sa Dios.
2 At sinabi ni Josue sa buong bayan, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ang inyong mga magulang ay tumahan nang unang panahon sa dako roon ng Ilog, na dili iba't si Thare, na ama ni Abraham at ama ni Nachor: at sila'y naglingkod sa ibang mga dios.
3 At kinuha ko ang inyong amang si Abraham mula sa dako roon ng Ilog at pinatnubayan ko siya sa buong lupain ng Canaan, at pinarami ko ang kaniyang binhi at ibinigay ko sa kaniya si Isaac.
4 At ibinigay ko kay Isaac si Jacob at si Esau: at ibinigay ko kay Esau ang bundok ng Seir upang ariin; at si Jacob at ang kaniyang mga anak ay bumabang pumasok sa Egipto.
5 At aking sinugo si Moises at si Aaron, at sinalot ko ang Egipto, ayon sa aking ginawa sa gitna niyaon: at pagkatapos ay inilabas ko kayo.
6 At inilabas ko ang inyong mga magulang sa Egipto: at kayo'y naparoon sa dagat; at hinabol ng mga taga Egipto ang inyong mga magulang, ng mga karo at ng mga nangangabayo hanggang sa Dagat na Mapula.
7 At nang sila'y dumaing sa Panginoon ay nilagyan niya ng kadiliman ang pagitan ninyo at ang mga taga Egipto, at itinabon ang dagat sa kanila, at tinakpan sila; at nakita ng inyong mga mata kung ano ang aking ginawa sa Egipto at kayo'y tumahan sa ilang na malaon.
8 At ipinasok ko kayo sa lupain ng mga Amorrheo, na tumatahan sa dako roon ng Jordan, at sila'y nakipagbaka sa inyo; at ibinigay ko sila sa inyong kamay, at inyong inari ang kanilang lupain: at nilipol ko sila sa harap ninyo.
9 Nang magkagayo'y tumindig si Balac na anak ni Zippor, na hari sa Moab, at dumigma laban sa Israel; at siya'y nagsugo at tinawag si Balaam na anak ni Beor, upang sumpain kayo:
10 Nguni't hindi ko dininig si Balaam; kaya't binasbasan nga niya kayo: gayon iniligtas ko kayo sa kaniyang kamay.
11 At kayo'y tumawid sa Jordan at dumating sa Jerico: at ang mga tao sa Jerico ay nakipaglaban sa inyo, ang Amorrheo, at ang Pherezeo, at ang Cananeo, at ang Hetheo, at ang Gergeseo, ang Heveo, at ang Jebuseo, at ibinigay ko sila sa inyong kamay.
12 At sinugo ko ang malalaking putakti sa unahan ninyo, na siyang nagtaboy sa kanila sa harap ninyo, sa makatuwid baga'y sa dalawang hari ng mga Amorrheo: hindi sa pamamagitan ng inyong tabak, ni ng inyong busog.
13 At aking binigyan kayo ng lupain na hindi ninyo binukid, at ng mga bayang hindi ninyo itinayo, at inyong tinatahanan; at mga ubasan at mga olibohan na hindi ninyo itinanim ay inyong kinakain.
14 Ngayon nga ay matakot kayo sa Panginoon, at paglingkuran ninyo siya sa pagtatapat at sa katotohanan: at inyong alisin ang mga dios na mga pinaglingkuran ng inyong mga magulang sa dako roon ng Ilog at sa Egipto; at inyong paglingkuran ang Panginoon.
15 At kung inaakala ninyong masama na maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga dios ng inyong mga magulang na pinaglingkuran sa dako roon ng Ilog, o ang dios ng mga Amorrheo na ang lupain nila ay inyong tinatahanan: nguni't sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon.
16 At ang bayan ay sumagot at nagsabi, Malayo nawa sa amin na aming pabayaan ang Panginoon sa paglilingkod sa ibang mga dios:
17 Sapagka't ang Panginoon nating Dios ay siyang nagsampa sa atin at sa ating mga magulang mula sa lupain ng Egipto, mula sa bahay ng pagkaalipin, at siyang gumawa ng mga dakilang tandang yaon sa ating paningin, at iningatan tayo sa lahat ng daan na ating pinaroonan, at sa gitna ng lahat ng mga bayan na ating dinaanan:
18 At itinaboy ng Panginoon sa harap natin ang lahat ng mga bayan, ang mga Amorrheo na tumahan sa lupain: kaya't kami ay maglilingkod din sa Panginoon; sapagka't siya'y ating Dios.
19 At sinabi ni Josue sa bayan, Kayo'y hindi makapaglilingkod sa Panginoon; sapagka't siya'y isang banal na Dios; siya'y mapanibughuing Dios; hindi niya ipatatawad ang inyong pagsalangsang ni ang inyong mga kasalanan.
20 Kung inyong pabayaan ang Panginoon, at maglingkod sa ibang mga dios: ay hihiwalay nga siya at gagawan kayo ng kasamaan at lilipulin kayo pagkatapos na kaniyang nagawan kayo ng mabuti.
21 At sinabi ng bayan kay Josue, Hindi: kundi kami ay maglilingkod sa Panginoon.
22 At sinabi ni Josue sa bayan, Kayo'y mga saksi laban sa inyong sarili na inyong pinili sa inyo ang Panginoon, upang paglingkuran siya. At sinabi nila, Kami ay mga saksi.
23 Ngayon nga'y alisin ninyo, sabi niya, ang ibang mga dios na nasa gitna ninyo at ikiling ninyo ang inyong puso sa Panginoon, na Dios ng Israel.
24 At sinabi ng bayan kay Josue, Ang Panginoon nating Dios ay aming paglilingkuran, at ang kaniyang tinig ay aming didinggin.
25 Sa gayo'y nakipagtipan si Josue sa bayan nang araw na yaon, at nilagdaan niya sila ng palatuntunan at ng ayos sa Sichem.
26 At sinulat ni Josue ang mga salitang ito sa aklat ng kautusan ng Dios; at siya'y kumuha ng malaking bato, at inilagay sa lilim ng encina na nasa tabi ng santuario ng Panginoon.
27 At sinabi ni Josue sa buong bayan, Narito, ang batong ito ay magiging saksi laban sa atin, sapagka't narinig nito ang lahat ng mga salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa atin: ito nga'y magiging saksi laban sa inyo, baka ninyo itakuwil ang inyong Dios.
28 Sa gayo'y pinapagpaalam ni Josue ang bayan, bawa't isa sa kaniyang mana.
29 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na si Josue, na anak ni Nun na lingkod ng Panginoon, ay namatay na may isang daan at sangpung taon ang gulang.
30 At inilibing nila siya sa hangganan ng kaniyang mana sa Timnath-sera, na nasa lupaing maburol ng Ephraim sa hilagaan ng bundok ng Gaas.
31 At naglingkod ang Israel sa Panginoon sa lahat ng mga araw ni Josue, at sa lahat ng mga araw ng mga matandang natirang nabuhay kay Josue at nakilala ang lahat na gawa ng Panginoon, na kaniyang ginawa sa Israel.
32 At ang mga buto ni Jose, na isinampa ng mga anak ni Israel mula sa Egipto ay inilibing nila sa Sichem, sa putol ng lupa na binili ni Jacob sa mga anak ni Hemor na ama ni Sichem ng isang daang putol na salapi: at mga naging mana ng mga anak ni Jose.
33 At namatay si Eleazar na anak ni Aaron; at inilibing nila siya sa burol ni Phinees na kaniyang anak na nabigay sa kaniya sa lupaing maburol ng Ephraim.