Deuteronomio
Kabanata 6
Ito nga ang utos, ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na iniutos ng Panginoon ninyong Dios na ituro sa inyo, upang inyong magawa sa lupaing inyong paroroonan upang ariin:
2 Na ikaw ay matakot sa Panginoon mong Dios, na iyong ingatan ang lahat niyang mga palatuntunan at ang kaniyang mga utos, na aking iniutos sa iyo, sa iyo, at sa iyong anak, at sa anak ng iyong anak sa lahat ng araw ng iyong buhay; at upang ang iyong mga araw ay lumawig.
3 Dinggin mo nga, Oh Israel, at iyong isagawa upang ikabuti mo, at upang kayo'y dumaming maigi, na gaya ng ipinangako sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng iyong mga magulang, sa lupaing binubukalan ng gatas at pulot.
4 Dinggin mo, Oh Israel: ang Panginoon nating Dios ay isang Panginoon:
5 At iyong iibigin ang Panginoon mong Dios ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, at ng iyong buong lakas.
6 At ang mga salitang ito, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ay sasa iyong puso;
7 At iyong ituturo ng buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasalitain tungkol sa kanila pagka ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, at pagka ikaw ay lumakad sa daan, at pagka ikaw ay nahihiga at pagka ikaw ay bumabangon.
8 At iyong itatali na pinakatanda sa iyong kamay at mga magiging pinakatali sa iyong noo.
9 At iyong isusulat sa itaas ng pintuan ng iyong bahay at sa iyong mga pintuan-daan.
10 At mangyayari, pagka ipapasok ka ng Panginoon mong Dios sa lupain na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, upang ibigay sa iyo; na may malalaki at mabubuting bayan na hindi mo itinayo,
11 At mga bahay na puno ng lahat na mabubuting bagay, na hindi mo pinuno, at mga balong hukay na hindi mo hinukay, mga ubasan at mga puno ng olibo, na hindi mo itinanim, at iyong kakanin at ikaw ay mabubusog;
12 At magingat ka nga, baka iyong malimutan ang Panginoon, na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin.
13 Ikaw ay matakot sa Panginoon mong Dios; at sa kaniya'y maglilingkod ka, at sa pamamagitan lamang ng kaniyang pangalan susumpa ka.
14 Huwag kang susunod sa ibang mga dios, sa mga dios ng mga bansang nasa palibot mo;
15 Sapagka't ang Panginoon mong Dios na nasa gitna mo, ay isang mapanibughuing Dios; baka ang galit ng Panginoon mong Dios ay magalab laban sa iyo, at ikaw ay kaniyang lipulin sa ibabaw ng lupa.
16 Huwag ninyong tutuksuhin ang Panginoon ninyong Dios, gaya ng tuksuhin ninyo siya sa Massah.
17 Inyong iingatan ng buong sikap ang mga utos ng Panginoon ninyong Dios, at ang kaniyang mga patotoo, at ang kaniyang mga palatuntunan, na kaniyang iniutos sa iyo.
18 At iyong gagawin ang matuwid at mabuti sa paningin ng Panginoon: upang ikabuti mo, at upang iyong mapasok at ariin ang mabuting lupain na isinumpa ng Panginoon sa iyong mga magulang,
19 Upang palayasin ang lahat ng iyong mga kaaway sa harap mo, gaya ng sinalita ng Panginoon.
20 Pagka tatanungin ka ng iyong anak sa panahong darating, na sasabihin: Anong kahulugan ng mga patotoo, at ng mga palatuntunan, at ng mga kahatulan, na iniutos sa inyo ng Panginoon nating Dios?
21 Ay iyo ngang sasabihin sa iyong anak: Kami ay naging mga alipin ni Faraon sa Egipto, at inilabas kami ng Panginoon sa Egipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay.
22 At ang Panginoon ay nagpakita ng mga tanda at ng mga kababalaghan, dakila at panggiba, sa Egipto, kay Faraon, at sa kaniyang buong sangbahayan, sa harap ng aming mga mata:
23 At kami ay inilabas niya roon, na kaniyang ipinasok kami rito, upang ibigay sa amin ang lupain na kaniyang isinumpa sa ating mga magulang.
24 At iniutos ng Panginoon sa amin na gawin ang lahat ng mga palatuntunang ito, na matakot sa Panginoon nating Dios, sa ikabubuti natin kailan man, upang ingatan niya tayong buhay, gaya sa araw na ito.
25 At siya'y magiging katuwiran sa atin, kung ating isagawa ang buong utos na ito sa harap ng Panginoon nating Dios, gaya ng iniutos niya sa atin.