Deuteronomio
Kabanata 32
Makinig kayo, mga langit, at ako'y magsasalita, At pakinggan ng lupa ang mga salita ng aking bibig.
2 Ang aking aral ay papatak na parang ulan; Ang aking salita ay bababa na parang hamog; Gaya ng ambon sa malambot na damo, At gaya ng mahinang ambon sa gugulayin:
3 Sapagka't aking ihahayag ang pangalan ng Panginoon: Dakilain ninyo ang ating Dios.
4 Siya ang Bato, ang kaniyang gawa ay sakdal; Sapagka't lahat niyang daan ay kahatulan: Isang Dios na tapat at walang kasamaan, Matuwid at banal siya.
5 Sila'y nagpakasama, sila'y hindi kaniyang mga anak, itong kanilang kapintasan; Mga tampalasan at likong lahi.
6 Ganyan ba ninyo ginaganti ang Panginoon, O mangmang na bayan at hindi pantas? Hindi ba siya ang iyong ama na tumangkilik sa iyo? Kaniyang nilalang ka, at itinatag ka.
7 Alalahanin mo ang mga araw ng una, Isipin mo ang mga taon ng lahi't lahi: Itanong mo sa iyong ama at kaniyang ibabalita sa iyo; Sa iyong mga matanda, at kanilang sasaysayin sa iyo.
8 Nang ibigay ng Kataastaasan sa mga bansa ang kanilang mana, Nang kaniyang ihiwalay ang mga anak ng tao, Kaniyang inilagay ang mga hangganan ng mga bayan Ayon sa bilang ng mga anak ni Israel.
9 Sapagka't ang bahagi ng Panginoon ay ang kaniyang bayan; Si Jacob ang bahaging mana niya.
10 Kaniyang nasumpungan sa isang ilang sa lupain, At sa kapanglawan ng isang umuungal na ilang; Kaniyang kinanlungan sa palibot, kaniyang nilingap, Kaniyang iningatang parang salamin ng kaniyang mata:
11 Parang aguila na kumikilos ng kaniyang pugad, Na yumuyungyong sa kaniyang mga inakay, Kaniyang ibinubuka ang kaniyang mga pakpak, kaniyang kinukuha, Kaniyang dinadala sa ibabaw ng kaniyang mga pakpak:
12 Ang Panginoon na magisa ang pumatnubay sa kaniya, At walang ibang dios na kasama siya.
13 Ipinaari sa kaniya ang matataas na dako ng lupa, At siya'y kumain ng tubo sa bukid; At kaniyang pinahitit ng pulot na mula sa bato, At ng langis na mula sa batong pinkian;
14 Ng mantika ng baka, at gatas ng tupa, Na may taba ng mga kordero, At ng mga tupang lalake sa Basan, at mga kambing, Na may taba ng mga butil ng trigo; At sa katas ng ubas ay uminom ka ng alak.
15 Nguni't tumaba si Jeshurun, at tumutol: Ikaw ay tumataba, ikaw ay lumalapad, ikaw ay naging makinis: Nang magkagayo'y kaniyang pinabayaan ang Dios na lumalang sa kaniya, At niwalang kabuluhan ang Bato na kaniyang kaligtasan.
16 Siya'y kinilos nila sa paninibugho sa ibang mga dios, Sa pamamagitan ng mga karumaldumal, minungkahi nila siya sa kagalitan.
17 Kanilang inihain sa mga demonio, na hindi Dios, Sa mga dios na hindi nila nakilala, Sa mga bagong dios, na kalilitaw pa lamang, Na hindi kinatakutan ng inyong mga magulang.
18 Sa Batong nanganak sa iyo, ay nagwalang bahala ka, At iyong kinalimutan ang Dios na lumalang sa iyo.
19 At nakita ng Panginoon, at kinayamutan sila, Dahil sa pamumungkahi ng kaniyang mga anak na lalake at babae.
20 At kaniyang sinabi, Aking ikukubli ang aking mukha sa kanila, Aking titingnan kung anong mangyayari sa kanilang wakas; Sapagka't sila'y isang napakasamang lahi, Na mga anak na walang pagtatapat.
21 Kinilos nila ako sa paninibugho doon sa hindi Dios; Kanilang minungkahi ako sa galit sa kanilang mga walang kabuluhan: At akin silang kikilusin sa paninibugho sa mga hindi bayan: Aking ipamumungkahi sila sa galit, sa pamamagitan ng isang mangmang na bansa.
22 Sapagka't may apoy na nagalab sa aking galit, At nagniningas hanggang sa Sheol, At lalamunin ang lupa sangpu ng tubo nito, At paniningasan ng apoy ang mga tungtungan ng mga bundok.
23 Aking dadaganan sila ng mga kasamaan; Aking gugugulin ang aking busog sa kanila:
24 Sila'y mangapupugnaw sa gutom, at lalamunin ng maningas na init, At ng mapait na pagkalipol; At ang mga ngipin ng mga hayop ay susunugin ko sa kanila, Sangpu ng kamandag ng nangagsisiusad sa alabok.
25 Sa labas ay pipighatiin ng tabak. At sa mga silid ay kakilabutan; Malilipol kapuwa ang binata at dalaga, Ang sanggol sangpu ng lalaking may uban.
26 Aking sinabi, Aking pangangalatin sila sa malayo, Aking papaglilikatin sa mga tao ang alaala sa kanila;
27 Kundi aking kinatatakutan ang mungkahi ng kaaway; Baka ang kanilang mga kalaban ay humatol ng mali, Baka kanilang sabihin, Ang aming kamay ay tanghal, At hindi ginawa ng Panginoon ang lahat ng ito.
28 Sapagka't sila'y bansang salat sa payo, At walang kaalaman sa kanila.
29 Oh kung sila'y mga pantas, na kanilang tinalastas ito, Kung nababatid nila ang kanilang wakas!
30 Kung paanong hahabulin ng isa ang isang libo, At ang dalawa'y magpapatakas sa sangpung libo, Malibang ipagbili sila ng kanilang Bato, At ibigay sila ng Panginoon?
31 Sapagka't ang kanilang bato ay hindi gaya ng ating Bato, Kahit ang ating mga kaaway man ang maging mga hukom.
32 Sapagka't ang kanilang puno ng ubas ay mga puno ng ubas sa Sodoma, At sa mga parang ng Gomorra: Ang kanilang ubas ay ubas ng apdo, Ang kanilang mga buwig ay mapait:
33 Ang kanilang alak ay kamandag ng mga dragon, At mabagsik na kamandag ng mga ahas.
34 Di ba ito'y natatago sa akin, Na natatatakan sa aking mga kayamanan?
35 Ang panghihiganti ay akin, at gayon din ang gantingpala, Sa panahon na madudulas ang kanilang mga paa: Sapagka't ang araw ng kanilang pagdadalita ay nalalapit, At ang mga bagay na darating sa kanila ay mangagmamadali.
36 Sapagka't hahatulan ng Panginoon ang kaniyang bayan, At magsisisi dahil sa kaniyang mga lingkod; Pagka kaniyang nakitang ang kanilang kapangyarihan ay nawala, At wala ng natitira na natatakpan o naiwan.
37 At kaniyang sasabihin, Saan nandoon ang kanilang mga dios, Ang bato na siya nilang pinanganlungan;
38 Yaong mga kumakain ng taba ng kanilang mga hain, At umiinom ng alak ng kanilang inuming handog? Bumangon sila at tumulong sa inyo, At sila'y maging pagkupkop sa inyo.
39 Tingnan ninyo ngayon, na ako, sa makatuwid baga'y ako nga, At walang dios sa akin: Ako'y pumapatay, at ako'y bumubuhay; Ako'y ang sumusugat, at ako'y ang nagpapagaling: At walang makaliligtas sa aking kamay.
40 Sapagka't aking itinataas ang aking kamay sa langit, At aking sinasabi, Buhay ako magpakailan man,
41 Kung aking ihahasa ang aking makintab na tabak, At ang aking kamay ay hahawak ng kahatulan; Aking ibibigay ang aking panghihiganti sa aking mga kaaway, At aking gagantihan yaong nangapopoot sa akin.
42 At aking lalanguin ng dugo ang aking tunod, At ang aking tabak ay sasakmal ng laman; Sa dugo ng patay at ng mga bihag, Mula sa ulo ng mga pangulo ng kaaway.
43 Mangagalak kayo, O mga bansa, na kasama ng kaniyang bayan; Sapagka't ipanghihiganti ang dugo ng kaniyang mga lingkod, At manghihiganti sa kaniyang mga kaalit, At patatawarin ang kaniyang lupain, ang kaniyang bayan.
44 At si Moises ay naparoon at sinalita ang lahat ng mga salita ng awit na ito sa pakinig ng bayan, siya, at si Josue na anak ni Nun.
45 At tinapos ni Moises na salitain ang lahat ng mga salitang ito sa buong Israel:
46 At kaniyang sinabi sa kanila, Ilagak ninyo ang inyong puso sa lahat ng mga salita na aking pinatototohanan sa inyo sa araw na ito, na inyong iuutos sa inyong mga anak upang isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.
47 Sapagka't ito'y hindi hamak na bagay sa inyo; sapagka't inyong kabuhayan, at sa bagay na ito ay inyong palalaunin ang inyong ipinagtatawid ng Jordan upang ariin.
48 At sinalita ng Panginoon kay Moises nang araw ding yaon, na sinasabi,
49 Sumampa ka sa bundok na ito ng Abarim, sa bundok ng Nebo na nasa lupain ng Moab, na nasa tapat ng Jerico; at masdan mo ang lupain ng Canaan, na aking ibinibigay sa mga anak ni Israel, na pinakaari:
50 At mamatay ka sa bundok na iyong sinasampa, at malakip ka sa iyong bayan, gaya ni Aaron na iyong kapatid na namatay sa bundok ng Hor, at nalakip sa kaniyang bayan:
51 Sapagka't kayo'y sumalansang laban sa akin sa gitna ng mga anak ni Israel sa tubig ng Meriba ng Cades, sa ilang ng Zin; sapagka't hindi ninyo ako inaring banal sa gitna ng mga anak ni Israel.
52 Sapagka't iyong matatanaw ang lupain sa harap mo; nguni't doo'y hindi ka makapapasok, sa lupain na aking ibinibigay sa mga anak ni Israel.