Deuteronomio

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34

0:00
0:00

Kabanata 19

Pagka ihihiwalay ng Panginoon mong Dios ang mga bansa, na lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, at hahalili ka sa kanila, at iyong tatahanan ang kanilang mga bayan, at ang kanilang mga bahay;
2 Ay maghihiwalay ka para sa iyo ng tatlong bayan sa gitna ng iyong lupain, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios upang ariin.
3 Ikaw ay maghahanda sa iyo ng daan, at pagtatluhin mong bahagi ang mga hangganan ng iyong lupain, na ipinamamana sa iyo ng Panginoon mong Dios, upang matakasan ng bawa't nakamatay tao.
4 At ito ang bagay ng nakamatay tao, na tatakas doon at mabubuhay: sinomang makapatay sa kaniyang kapuwa ng di sinasadya, at hindi niya kinapopootan ng panahong nakaraan;
5 Gaya ng isang tao na yumaon sa gubat na kasama ang kaniyang kapuwa upang pumutol ng kahoy, at sa kamay niya na pumapalakol upang pumutol ng kahoy, ay humagpos ang patalim sa tatangnan, at bumagsak sa kaniyang kapuwa, na anopa't mamatay; ay tatakas siya sa isa sa mga bayang yaon at siya'y mabubuhay:
6 Baka habulin ng tagapanghiganti sa dugo ang nakamatay, samantalang ang puso'y nagaalab, at siya'y kaniyang abutan, sapagka't ang daan ay mahaba, at siya'y saktan ng malubha; na siya'y di marapat patayin, sapagka't hindi niya kinapopootan nang panahong nakaraan.
7 Kaya't iniuutos ko sa iyo, na sinasabi, Maghihiwalay ka para sa iyo ng tatlong bayan.
8 At kung palakihin ng Panginoon mong Dios ang iyong hangganan gaya ng kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, at ibigay niya sa iyo ang buong lupain na kaniyang ipinangakong ibibigay sa iyong mga magulang;
9 Kung iyong isasagawa ang buong utos na ito, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na ibigin ang Panginoon mong Dios, at lumakad kailan man sa kaniyang mga daan; ay magdadagdag ka pa nga ng tatlong bayan sa iyo, bukod sa tatlong ito:
10 Upang huwag mabubo ang dugong walang sala sa gitna ng iyong lupain, na ibinibigay sa iyo na pinakamana ng Panginoon mong Dios, at sa gayo'y maging salarin ka sa iyo.
11 Nguni't kung ang sinoman ay mapoot sa kaniyang kapuwa, at pag-abangan niya siya, at siya'y tumindig laban sa kaniya, at saktan niya siya ng malubha, na anopa't mamatay; at siya'y tumakas sa isa sa mga bayang ito:
12 Ay magsusugo nga ang mga matanda sa kaniyang bayan at kukunin siya roon, at ibibigay siya sa kamay ng tagapanghiganti sa dugo, upang siya'y mamatay.
13 Ang iyong mata'y huwag mahahabag sa kaniya; kundi aalisin mo sa Israel ang dugong walang sala, upang ikabuti mo.
14 Huwag mong babaguhin ang lindero ng iyong kapuwa, na kanilang inilagay ng una, sa iyong mana na iyong mamanahin, sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios upang ariin.
15 Isang saksi ay huwag titindig laban sa kanino man sa anomang kasamaan, o sa anomang kasalanang kaniyang pinagkasalahan: sa bibig ng dalawang saksi, o sa bibig ng tatlong saksi ay pagtitibayin ang usap.
16 Kung ang isang sinungaling na saksi ay tumindig laban sa kanino man upang sumaksi laban sa kaniya ng isang masamang gawa,
17 Ang dalawang taong naguusapin ay tatayo sa harap ng Panginoon, sa harap ng mga saserdote at ng mga magiging hukom sa mga araw na yaon;
18 At sisiyasating masikap ng mga hukom: at, narito, kung ang saksi ay saksing sinungaling, at sumaksi ng kasinungalingan laban sa kaniyang kapatid;
19 Ay gagawin mo nga sa kaniya, ang gaya ng kaniyang inisip gawin sa kaniyang kapatid: sa gayo'y iyong aalisin ang kasamaan sa gitna mo.
20 At maririnig niyaong mga natitira at matatakot, at hindi na sila magkakamit pa ng gayong kasamaan sa gitna mo.
21 At ang iyong mata'y huwag mahahabag: buhay kung buhay, mata kung mata, ngipin kung ngipin, kamay kung kamay, paa kung paa.