Exodo
Kabanata 37
At kahoy na akasia ang ginawang kaban ni Bezaleel: na may dalawang siko't kalahati ang haba niyaon, at may isang siko't kalahati ang luwang niyaon, at may isang siko't kalahati ang taas niyaon:
2 At kaniyang binalot ng taganas na ginto sa loob at sa labas, at iginawa ng isang kornisang ginto sa palibot.
3 At ipinagbubo niya ng apat na argolyang ginto, sa apat na sulok niyaon; sa makatuwid baga'y dalawang argolya sa isang tagiliran.
4 At siya'y gumawa ng mga pingga na kahoy na akasia, at pinagbalot ng ginto.
5 At isinuot ang mga pingga sa mga argolya, sa mga tagiliran ng kaban, upang mabuhat ang kaban.
6 At gumawa siya ng isang luklukan ng awa na taganas na ginto: na may dalawang siko at kalahati ang haba, at may isang siko't kalahati ang luwang.
7 At siya'y gumawa ng dalawang querubing ginto; na niyari niya sa pamukpok sa dalawang dulo ng luklukan ng awa;
8 Isang querubin sa isang dulo, at isang querubin sa kabilang dulo: na kaputol ng luklukan ng awa, ginawa niya ang mga querubin sa dalawang dulo.
9 At ibinubuka ng mga querubin ang mga pakpak na paitaas, na nalililiman ng kanilang mga pakpak ang luklukan ng awa, na nagkakaharap ang kanilang mga mukha; sa dakong luklukan ng awa nakaharap ang mga mukha ng mga querubin.
10 At ginawa rin niya ang dulang na kahoy na akasia; na may dalawang siko ang haba niyaon, at isang siko ang luwang niyaon, at isang siko't kalahati ang taas niyaon:
11 At binalot niya ng taganas na ginto, at iginawa niya ng isang kornisang ginto sa palibot.
12 At iginawa niya ng isang gilid na may isang kamay ang luwang sa palibot, at iginawa ng isang ginintong kornisa ang gilid sa palibot.
13 At ipinagbubo ng apat na argolyang ginto, at inilagay ang mga argolya sa apat na sulok na ukol sa apat na paa niyaon.
14 Malapit sa gilid ang mga argolya, na daraanan ng mga pingga, upang mabuhat ang dulang.
15 At ginawa niya ang mga pingga na kahoy na akasia, at pinagbalot ng ginto, upang mabuhat ang dulang.
16 At ginawa niyang taganas na ginto ang mga kasangkapang nasa ibabaw ng dulang, ang mga pinggan niyaon, at ang mga kutsara niyaon, at ang mga tasa niyaon, at ang mga kopa niyaon, na pagbubuhusan.
17 At kaniyang ginawa ang kandelero na taganas na ginto: niyari niya sa pamukpuk ang kandelero, ang tungtungan niyaon at ang haligi niyaon; ang mga kopa niyaon, ang mga globito niyaon, at ang mga bulaklak ay kaputol niyaon:
18 At may anim na sangang lumalabas sa dalawang tagiliran niyaon; tatlong sanga ng kandelero ay sa isang tagiliran, at tatlong sanga ng kandelero ay sa kabilang tagiliran:
19 Tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa isang sanga, isang globito at isang bulaklak; at tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa kabilang sanga, isang globito at isang bulaklak; gayon sa anim na sangang lumalabas sa kandelero.
20 At sa kandelero'y may apat na kopang anyong bulaklak ng almendro, sangpu ng mga globito niyaon, at ng mga bulaklak niyaon:
21 At may isang globito sa ilalim ng dalawa sa mga sanga na kaputol niyaon, at isang globito sa ilalim ng kabilang dalawa sa mga sanga na kaputol niyaon, at isang globito sa ilalim ng dalawang sanga na kaputol niyaon, sapagka't ang anim na sanga ay lumalabas doon.
22 Ang mga globito at ang mga sanga ay kaputol ng kandelero: ang kabuoa'y isa lamang putol na yari sa pamukpok, taganas na ginto.
23 At kaniyang ginawa ang mga ilawan niyaong pito, at ang mga pangipit niyaon, at ang mga pinggan niyaon, na taganas na ginto.
24 Na isang talento na taganas na ginto ginawa niya, at ang lahat ng mga kasangkapan niyaon.
25 At kaniyang ginawa ang dambanang suuban na kahoy na akasia: isang siko ang haba niyaon, at isang siko ang luwang niyaon, parisukat at dalawang siko ang taas niyaon; ang mga anyong sungay niyaon ay kaputol din.
26 At kaniyang binalot ng taganas na ginto ang ibabaw niyaon, at ang mga tagiliran niyaon sa palibot, at ang mga anyong sungay niyaon: at kaniyang iginawa ng isang kornisang ginto sa palibot.
27 At iginawa niya ng dalawang gintong argolya sa ilalim ng kornisa, sa dakong itaas ng dalawang panig, sa ibabaw ng dalawang panig, na pagsusuutan ng mga pingga upang mabuhat.
28 At kaniyang ginawa ang mga pingga na kahoy na akasia, at mga binalot na ginto.
29 At kaniyang ginawa ang banal na langis na pangpahid, at ang taganas na kamangyan na mainam na pabango ayon sa katha ng manggagawa ng pabango.