Exodo
Kabanata 34
At sinabi ng Panginoon kay Moises, Humugis ka ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una: at aking isusulat sa mga tapyas ang mga salita na nasa unang mga tapyas, na iyong sinira.
2 At iyong ihanda sa kinaumagahan, at sumampa ka sa kinaumagahan sa bundok ng Sinai at humarap ka roon sa akin sa taluktok ng bundok.
3 At sinomang tao ay huwag sasampang kasama mo, o makikita ang sinomang tao sa buong bundok; kahit ang mga kawan at ang mga bakahan ay huwag manginain sa harap ng bundok na yaon.
4 At siya'y humugis ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una; at bumangon si Moises na maaga sa kinaumagahan, at sumampa sa bundok ng Sinai, gaya ng iniutos ng Panginoon sa kaniya, at kinuha sa kaniyang kamay ang dalawang tapyas na bato.
5 At ang Panginoon ay bumaba sa ulap, at tumayong kasama niya roon at itinanyag ang pangalan ng Panginoon.
6 At ang Panginoo'y nagdaan sa harap niya, na itinanyag, Ang Panginoon, ang Panginoong Dios na puspos ng kahabagan at mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kaawaan at katotohanan;
7 Na gumagamit ng kaawaan sa libolibo, na nagpapatawad ng kasamaan, at ng pagsalangsang, at ng kasalanan: at sa anomang paraan ay hindi aariing walang sala ang salarin; na dinadalaw ang kasamaan ng mga ama sa mga anak, at sa mga anak ng mga anak, hanggang sa ikatlo at ika apat na salin.
8 At nagmadali si Moises, at itinungo ang kaniyang ulo sa lupa, at sumamba.
9 At kaniyang sinabi, Kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, Oh Panginoon, ay ipahintulot nawa ng Panginoon, isinasamo ko sa iyo, na pasa gitna namin; sapagka't isang bayang may matigas na ulo; at ipatawad mo ang aming kasamaan, at ang aming kasalanan, at ariin mo kaming iyong mana.
10 At kaniyang sinabi, Narito, ako'y nakikipagtipan sa harap ng iyong buong bayan at gagawa ako ng mga kababalaghan, na kailan ma'y hindi ginawa sa buong lupa, o sa alin mang bansa: at ang buong bayan sa gitna ng iyong kinaroroonan ay makakakita ng gawa ng Panginoon, sapagka't kakilakilabot na bagay ang aking gagawin sa pamamagitan mo.
11 Tuparin mo ang mga iniutos ko sa iyo sa araw na ito: narito, aking pinalalayas sa harap mo ang Amorrheo, at ang Cananeo, at ang Hetheo, at ang Pherezeo, at ang Jebuseo.
12 Magingat ka, na huwag kang makipagtipan sa mga tumatahan sa lupain na iyong pinaroroonan, baka maging isang silo sa gitna mo:
13 Kundi inyong iwawasak ang kanilang mga dambana, at inyong pagpuputolputulin ang kanilang mga haligi at inyong ibubuwal ang kanilang mga Asera.
14 Sapagka't hindi ka sasamba sa ibang dios: sapagka't ang Panginoon na ang pangalan ay Mapanibughuin; ay mapanibughuin ngang Dios:
15 Magingat ka; baka ikaw ay makipagtipan sa mga tumatahan sa lupain, at sila'y sumunod sa kanilang mga dios, at magsipaghain sa kanilang mga dios, at ikaw ay alukin ng isa at kumain ka ng kanilang hain;
16 At iyong papag-asawahin ang iyong mga anak na lalake at kanilang mga anak na babae, at ang kanilang mga anak na babae ay sumunod sa kanilang mga dios at pasunurin ang inyong mga anak na sumunod sa kanilang mga dios.
17 Huwag kang gagawa para sa iyo ng mga dios na binubo.
18 Ang kapistahan ng tinapay na walang lebadura ay iyong ipangingilin. Pitong araw na kakain ka ng tinapay na walang lebadura na gaya ng iniutos ko sa iyo, sa takdang panahon sa buwan ng Abib: sapagka't sa buwan ng Abib, ay umalis ka sa Egipto.
19 Yaong lahat na nagbubukas ng bahay-bata ay akin; at gayon din ang lahat ng hayop na lalake, ang panganay ng baka at ng tupa,
20 At ang panganay ng isang asno ay iyong tutubusin ng isang kordero: at kung hindi mo tutubusin ay iyo ngang babaliin ang kaniyang leeg. Lahat ng panganay sa iyong mga anak ay iyong tutubusin. At walang lalapit sa harapan ko na walang dala.
21 Anim na araw na gagawa ka, nguni't sa ikapitong araw ay magpapahinga ka: sa panahon ng pagbubukid at sa pagaani ay magpapahinga ka.
22 At iyong ipangingilin ang kapistahan ng mga sanglinggo, ang sa mga unang bunga ng pagaani ng trigo, at ang kapistahan ng pagaani sa katapusan ng taon.
23 Makaitlo nga sa isang taon na haharap ang lahat ng iyong mga lalake sa Panginoong Dios, na Dios ng Israel.
24 Sapagka't aking palalayasin ang mga bansa sa harap mo, at aking palalaparin ang iyong mga hangganan: at hindi pagnanasaan ng sinoman ang iyong lupain, pagka ikaw ay pumapanhik na humarap sa Panginoong iyong Dios, na makaitlo sa isang taon.
25 Huwag kang maghahandog ng dugo ng hain sa akin, na kasabay ng tinapay na may lebadura; o magtitira man ng hain sa kapistahan ng paskua hanggang sa kinaumagahan.
26 Ang pinakaunang bunga ng iyong lupa ay iyong dadalhin sa bahay ng Panginoon mong Dios. Huwag mong lulutuin ang batang kambing sa gatas ng kaniyang ina.
27 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Isulat mo ang mga salitang ito: sapagka't ayon sa tunog ng mga salitang ito, ay nakipagtipan ako sa iyo at sa Israel.
28 At siya'y natira doong kasama ng Panginoon, na apat na pung araw at apat na pung gabi; hindi man lamang siya kumain ng tinapay, o uminom man ng tubig. At isinulat ng Panginoon sa mga tapyas ang mga salita ng tipan, ang sangpung utos.
29 At nangyari, nang bumaba si Moises sa bundok ng Sinai, na dala ang tapyas na bato ng patotoo sa kamay niya, noong bumaba sa bundok ay hindi nalalaman ni Moises na ang balat ng kaniyang mukha ay nagliliwanag dahil sa pakikipagusap niya sa Dios.
30 At nang makita ni Aaron at ng lahat ng mga anak ni Israel si Moises, narito, ang balat ng kaniyang mukha ay nagliliwanag; at sila'y natakot na lumapit sa kaniya.
31 At tinawag sila ni Moises; at si Aaron at ang lahat ng puno sa Israel ay nagbalik sa kaniya: at si Moises ay nagsalita sa kanila.
32 At pagkatapos, ang lahat ng mga anak ni Israel ay lumapit; at kaniyang ibinigay sa kanila sa pamamagitan ng utos ang lahat ng salita ng Panginoon na sinalita sa kaniya sa bundok ng Sinai.
33 At pagkapagsalita sa kanila ni Moises ay naglagay siya ng isang lambong sa kaniyang mukha.
34 Datapuwa't pagka si Moises ay pumapasok sa harap ng Panginoon upang makipagsalitaan sa kaniya, ay nagaalis siya ng lambong hanggang siya'y makalabas; at siya'y lumabas at kaniyang sinalita sa mga anak ni Israel ang iniutos sa kaniya;
35 At nakita ng mga anak ni Israel ang mukha ni Moises, na ang balat ng mukha ni Moises ay nagliliwanag: at inilagay uli ni Moises ang lambong sa ibabaw ng kaniyang mukha, hanggang sa siya'y makapasok na nakipagsalitaan sa Dios.