Exodo
Kabanata 18
Si Jethro nga, saserdote sa Madian, biyanan ni Moises, ay nakabalita ng lahat na ginawa ng Dios kay Moises, at sa Israel na kaniyang bayan, kung paanong inilabas ng Panginoon ang Israel sa Egipto.
2 At ipinagsama ni Jethro, na biyanan ni Moises, si Sephora na asawa ni Moises, pagkatapos na kaniyang maipadala sa kanilang ama,
3 At ang dalawa niyang anak na lalake: na ang pangalan ng isa'y Gersom; sapagka't sinabi ni Moises, Ako'y nakipamayan sa ibang bayan.
4 At ang pangalan ng isa'y Elieser; sapagka't kaniyang sinabi, Ang Dios ng aking ama'y naging aking saklolo, at ako'y iniligtas sa tabak ni Faraon;
5 At si Jethro, na biyanan ni Moises, ay dumating, na kasama ang kaniyang mga anak at ang kaniyang asawa, kay Moises sa ilang na kaniyang hinantungan sa tabi ng bundok ng Dios:
6 At kaniyang ipinasabi kay Moises, Akong iyong biyanang si Jethro ay naparito sa iyo, at ang iyong asawa, at ang kaniyang dalawang anak na kasama niya.
7 At si Moises ay lumabas na sinalubong ang kaniyang biyanan, at kaniyang niyukuran at hinalikan. At sila'y nagtanungang isa't isa ng kanilang kalagayan; at sila'y pumasok sa tolda.
8 At isinaysay ni Moises sa kaniyang biyanan ang lahat ng ginawa ng Panginoon kay Faraon at sa mga Egipcio dahil sa Israel, ang buong hirap na kanilang naranasan sa daan, at kung paanong iniligtas ng Panginoon sila.
9 At ikinagalak ni Jethro ang buong kabutihang ginawa ng Panginoon sa Israel, na iniligtas sila sa kamay ng mga Egipcio.
10 At sinabi ni Jethro, Purihin ang Panginoon, na nagligtas sa inyo, sa kamay ng mga Egipcio, at sa kamay ni Faraon; na siyang nagligtas sa bayan sa kamay ng mga Egipcio.
11 Ngayo'y aking natatalastas na ang Panginoon ay lalong dakila kay sa lahat ng mga dios: oo, sa bagay na ipinagpalalo ng mga Egipcio laban sa mga Hebreo.
12 At si Jethro, na biyanan ni Moises, ay kumuha ng handog na susunugin at mga hain para sa Dios: at si Aaron ay naparoon, at ang lahat ng mga matanda sa Israel, upang kumain ng tinapay na kasalo ng biyanan ni Moises sa harap ng Dios.
13 At nangyari kinabukasan, na lumuklok si Moises upang hatulan ang bayan: at ang bayan ay tumayo sa palibot ni Moises mula sa umaga hanggang sa hapon.
14 At nang makita ng biyanan ni Moises ang lahat ng kaniyang ginagawa sa bayan, ay nagsabi, Anong bagay itong ginagawa mo sa bayan? bakit nauupo kang magisa, at ang buong bayan ay nakatayo sa palibot mo mula sa umaga hanggang sa hapon?
15 At sinabi ni Moises sa kaniyang biyanan, Sapagka't ang bayan ay lumalapit sa akin, upang sumangguni sa Dios.
16 Pagka sila'y may usap ay lumapit sa akin; at aking hinahatulang isa't isa, at aking ipinakikilala sa kanila ang mga palatuntunan ng Dios, at ang kaniyang mga kautusan.
17 At sinabi ng biyanan ni Moises sa kaniya, Ang bagay na iyong ginagawa ay hindi mabuti.
18 Tunay na ikaw ay manghihina, ikaw at ang bayang ito, na nasa iyo: sapagka't ang bagay ay totoong mabigat sa iyo; hindi mo makakayang magisa.
19 Dinggin mo ngayon ang aking tinig; papayuhan kita, at sumaiyo nawa ang Dios: ikaw ang maging tagapagakay sa bayan sa harap ng Dios, at dalhin mo ang mga usap sa Dios:
20 At ituturo mo sa kanila ang mga palatuntunan, at ang mga kautusan, at ipakikilala mo sa kanila ang daang nararapat lakaran, at ang gawang kanilang nararapat gawin.
21 Bukod dito'y hahanap ka sa buong bayan ng mga taong bihasa, gaya ng matatakutin sa Dios, na mga taong mapagpatotoo, na mga napopoot sa kasakiman; at siyang mga ilagay mo sa kanila, na magpuno sa mga lilibuhin, magpuno sa mga dadaanin, magpuno sa mga lilimangpuin, at magpuno sa mga sasangpuin:
22 At pahatulan mo sa kanila ang bayan sa buong panahon: at mangyayari, na bawa't malaking usap ay dadalhin nila sa iyo, datapuwa't bawa't munting usap, ay silasila ang maghahatulan: sa ganyan ay magiging magaan sa iyo, at magpapasan silang katulong mo.
23 Kung gagawin mo ang bagay na ito, at iuutos sa iyong ganyan ng Dios ay iyo ngang mababata, at ang buong bayan namang ito ay uuwing payapa.
24 Sa gayon, ay dininig ni Moises ang kaniyang biyanan, at ginawang lahat yaong sinabi.
25 At pumili si Moises ng mga lalaking bihasa sa buong Israel, at ginawa niyang pangulo sa bayan, na mga puno ng lilibuhin, mga puno ng dadaanin, mga puno ng lilimangpuin, at mga puno ng sasangpuin.
26 At kanilang hinatulan ang bayan sa buong panahon: ang mabibigat na usap ay kanilang dinadala kay Moises, datapuwa't bawa't munting usap ay silasila ang naghahatulan.
27 At tinulutan ni Moises ang kaniyang biyanan na magpaalam at siya'y umuwi sa sariling lupain.