Mga Gawa
Kabanata 6
Nang mga araw ngang ito, nang dumadami ang bilang ng mga alagad, ay nagkaroon ng bulongbulungan ang mga Greco-Judio laban sa mga Hebreo, sapagka't ang kanilang mga babaing bao ay pinababayaan sa pamamahagi sa araw-araw.
2 At tinawag ng labingdalawa ang karamihang mga alagad, at sinabi, Hindi marapat na aming pabayaan ang salita ng Dios, at mangaglingkod sa mga dulang.
3 Magsihanap nga kayo, mga kapatid, sa inyo, ng pitong lalake na may mabuting katunayan, puspos ng Espiritu at ng karunungan, na ating mailalagay sa gawaing ito.
4 Datapuwa't magsisipanatili kaming matibay sa pananalangin, at sa ministerio ng salita.
5 At minagaling ng buong karamihan ang pananalitang ito: at kanilang inihalal si Esteban, taong puspos ng pananampalataya at ng Espiritu Santo, at si Felipe, at si Procoro, at si Nicanor, at si Timon, at si Parmenas, at si Nicolas na taga Antioquia na naging Judio;
6 Na siyang iniharap nila sa mga apostol: at nang sila'y mangakapanalangin na, ay ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa mga yaon.
7 At lumago ang salita ng Dios; at dumaming lubha sa Jerusalem ang bilang ng mga alagad; at nagsitalima sa pananampalataya ang lubhang maraming saserdote.
8 At si Esteban, na puspos ng biyaya at ng kapangyarihan, ay gumawa ng mga dakilang kababalaghan at mga tanda sa mga tao.
9 Datapuwa't nagsitindig ang ilan sa nangasa sinagoga, na tinatawag na sinagoga ng mga Libertino, at ng mga Cireneo, at ng mga Alejandrino, at ng mga taga Cilicia, at taga Asia, na nangakipagtalo kay Esteban.
10 At hindi sila makalaban sa karunungan at sa Espiritu na kaniyang ipinangungusap.
11 Nang magkagayo'y nagsisuhol sila sa mga lalake, na nangagsabi, Narinig naming siya'y nagsalita ng mga salitang kapusungan laban kay Moises at sa Dios.
12 At kanilang ginulo ang bayan, at ang mga matanda, at ang mga eskriba, at kanilang dinaluhong, at sinunggaban si Esteban, at dinala siya sa Sanedrin,
13 At nangagharap ng mga saksing sinungaling, na nangagsabi, Ang taong ito'y hindi naglilikat ng pagsasalita ng mga salitang laban dito sa dakong banal, at sa kautusan:
14 Sapagka't narinig naming kaniyang sinabi, na itong si Jesus na taga Nazaret ay iwawasak ang dakong ito, at babaguhin ang mga kaugaliang ibinigay sa atin ni Moises.
15 At ang lahat ng nangakaupo sa Sanedrin, na nagsisititig sa kaniya, ay kanilang nakita ang kaniyang mukha na katulad ng mukha ng isang anghel.