Mga Gawa

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28

0:00
0:00

Kabanata 23

At si Pablo, na tumititig na mabuti sa Sanedrin, ay nagsabi, Mga kapatid na lalake, ako'y nabuhay sa harapan ng Dios sa buong kabutihan ng budhi hanggang sa mga araw na ito.
2 At ipinagutos ng dakilang saserdoteng si Ananias sa mga nalalapit sa kaniya na siya'y saktan sa bibig.
3 Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Pablo, sasaktan ka ng Dios, ikaw na pinaputing pader: at nakaupo ka baga upang ako'y hatulan mo ayon sa kautusan, at ako'y sinasaktan mo ng laban sa kautusan?
4 At sinabi ng nangakatayo sa malapit, Nilalait mo ang dakilang saserdote ng Dios?
5 At sinabi ni Pablo, Hindi ko nalalaman, mga kapatid na lalake, na siya'y dakilang saserdote: sapagka't nasusulat, Huwag kang magsasalita ng masama sa isang pinuno ng iyong bayan.
6 Datapuwa't nang matalastas ni Pablo na ang isang bahagi ay mga Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, ay sumigaw siya sa Sanedrin, Mga kapatid na lalake, ako'y Fariseo, anak ng mga Fariseo: ako'y sinisiyasat tungkol sa pagasa at pagkabuhay na maguli ng mga patay.
7 At nang masabi na niya ang gayon, nangyari ang isang pagtatalo sa mga Fariseo at sa mga Saduceo; at nagkabahabahagi ang kapulungan.
8 Sapagka't sinasabi ng mga Saduceo na walang pagkabuhay na maguli, ni anghel, ni espiritu; datapuwa't kapuwa pinaniniwalaan ng mga Fariseo.
9 At nagkaroon ng malaking sigawan, at nagsitindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at nakikipagtalo, na nagsipagsabi, Wala kaming masumpungang anomang kasalanan sa taong ito: at ano kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?
10 At nang magkaroon ng malaking pagtatalo, sa takot ng pangulong kapitan na baka pagwaraywarayin nila si Pablo, ay pinapanaog ang mga kawal at ipinaagaw siya sa gitna nila, at siya'y ipinasok sa kuta.
11 At nang sumunod na gabi ay lumapit sa kaniya ang Panginoon, at sinabi, Laksan mo ang iyong loob: sapagka't kung paano ang pagkapatotoo mo tungkol sa akin sa Jerusalem, ay kailangang patotohanan mo rin gayon sa Roma.
12 At nang araw na, ay nangagkatipon ang mga Judio, at sila'y nangagpanata sa ilalim ng sumpa, na nagsisipagsabi na hindi sila kakain ni iinom man hanggang sa kanilang mapatay si Pablo.
13 At mahigit sa apat na pu ang mga nagsipanumpa ng ganito.
14 At sila'y nagsiparoon sa mga pangulong saserdote at sa mga matanda, at nangagsabi, Kami ay nangagpanata sa ilalim ng mahigpit na sumpa, na hindi titikim ng anoman hanggang sa mapatay namin si Pablo.
15 Ngayon nga kayo pati ng Sanedrin ay mangagpahiwatig sa pangulong kapitan na siya'y ipapanaog niya sa inyo, na waring ibig ninyong mahatulan ng lalong ganap ang sakdal tungkol sa kaniya: at kami, bago siya dumating ay nangahanda upang siya'y patayin.
16 Datapuwa't ang anak na lalake ng kapatid na babae ni Pablo ay narinig ang tungkol sa kanilang pagbabakay, at siya'y naparoon at pumasok sa kuta at isinaysay kay Pablo.
17 At tinawag ni Pablo ang isa sa mga senturion, at sinabi, Dalhin mo ang binatang ito sa pangulong kapitan; sapagka't siya'y may isang bagay na sasabihin sa kaniya.
18 Kaya't siya'y kinuha, at dinala siya sa pangulong kapitan, at sinabi, Tinawag ako ng bilanggong si Pablo, at ipinamanhik sa aking dalhin ko sa iyo ang binatang ito, na may isang bagay na sasabihin sa iyo.
19 At tinangnan siya ng pangulong kapitan sa kamay, at pagtabi ay lihim na tinanong siya, Ano yaong sasabihin mo sa akin?
20 At sinabi niya, Pinagkasunduan ng mga Judio na sa iyo'y ipamanhik na iyong ipapanaog bukas si Pablo sa Sanedrin, na waring ikaw ay may sisiyasating lalong ganap tungkol sa kaniya.
21 Huwag ka ngang palamuyot sa kanila: sapagka't binabakayan siya ng mahigit na apat na pung katao sa kanila, na nangagsipagpanata sa ilalim ng sumpa, na hindi kakain ni iinom man hanggang sa siya'y kanilang mapatay: at ngayo'y nangahahanda sila, na nangaghihintay ng pangako mo.
22 Kaya't pinaalis ng pangulong kapitan ang binata, na ipinagbilin sa kaniya, Huwag mong sasabihin sa kanino man na ipinahiwatig mo sa akin ang mga bagay na ito.
23 At kaniyang tinawag ang dalawa sa mga senturion, at sinabi, Ihanda ninyo ang dalawang daang kawal upang magsiparoon hanggang sa Cesarea, at pitong pung kabayuhan, at dalawang daang sibatan, sa ikatlong oras ng gabi:
24 At pinapaghanda niya sila ng mga hayop, upang mapagsakyan kay Pablo, at siya'y maihatid na walang panganib kay Felix na gobernador.
25 At siya'y sumulat ng isang sulat, na ganito:
26 Si Claudio Lisias sa kagalanggalang na gobernador Felix, bumabati.
27 Ang taong ito'y hinuli ng mga Judio, at papatayin na lamang sana nila, nang dumalo akong may kasamang mga kawal at siya'y iniligtas ko, nang mapagtantong siya'y isang taga Roma.
28 At sa pagkaibig kong mapagunawa ang dahilan kung bakit siya'y kanilang isinakdal, ay ipinanaog ko siya sa kanilang Sanedrin:
29 Na nasumpungan ko na siya'y kanilang isinasakdal sa mga suliranin tungkol sa kanilang kautusan, datapuwa't walang anomang sakdal laban sa kaniya na marapat sa kamatayan o sa tanikala.
30 At nang ipakilala sa akin na may banta laban sa taong iyan, ay ipinadala ko siya agad sa iyo, na aking ipinagbilin din sa mga sa kaniya'y nangagsasakdal na mangagsalita sa harapan mo laban sa kaniya.
31 Kaya't ang mga kawal, alinsunod sa iniutos sa kanila, ay kinuha si Pablo at dinala siya sa gabi sa Antipatris.
32 Datapuwa't nang kinabukasan ay pinabayaan nilang samahan siya ng mga kabayuhan, at nangagbalik sa kuta:
33 At sila, nang sila'y magsidating sa Cesarea at maibigay ang sulat sa gobernador, ay iniharap din si Pablo sa harapan niya.
34 At nang mabasa niya ito, ay itinanong niya kung taga saang lalawigan siya; at nang maalamang siya'y taga Cilicia,
35 Pakikinggan kitang lubos, ang sabi niya, pagdating naman ng mga nagsisipagsakdal sa iyo: at ipinagutos na siya'y ingatan sa palasio ni Herodes.