Job
Kabanata 39
Nalalaman mo ba ang panahong ipinanganganak ng mga kambing bundok? O matatandaan mo ba ang mga pagdaramdam ng mga usa?
2 Mabibilang mo ba ang mga buwan ng kanilang kagampanan? O nalalaman mo ba ang panahong kanilang ipinanganak?
3 Sila'y nagsisiyuko, kanilang inilalabas ang kanilang mga anak, kaniyang iniwawaksi ang kanilang kapanglawan.
4 Ang kanilang mga anak ay nagiging malakas, sila'y nagsisilaki sa kaparangan; sila'y nagsisiyao at hindi na nagsisibalik.
5 Sinong nagpakawala sa mabangis na asno? O sinong nagkalag ng mga tali ng mailap na asno?
6 Na ginawa kong bahay niya ang ilang, at ang lupaing maasin na kaniyang tahanan.
7 Kaniyang nililibak ang kaguluhan ng bayan. Ni hindi niya dinidinig ang sigaw ng nagpapatakbo ng hayop.
8 Ang libot ng mga bundok ay kaniyang pastulan, at kaniyang sinasaliksik ang bawa't sariwang bagay.
9 Matutuwa ba ang bakang gubat na maglingkod sa iyo? O matitira ba sa siping ng iyong pasabsaban?
10 Matatalian mo ba ang bakang gubat ng iyong panali sa pangbukid? O magbubusagsag ba ng mga libis sa likuran mo?
11 Aasa ka ba sa kaniya, dahil sa siya'y totoong malakas? O iiwan mo ba ang iyong gawain sa kaniya?
12 Ipagkakatiwala mo ba sa kaniya na iuuwi sa bahay ang iyong binhi, at pipisanin ang mga butil sa iyong giikan?
13 Ang pakpak ng avestruz ay nagagalak; nguni't may kagandahang loob ba ang kanilang mga pakpak at mga balahibo?
14 Sapagka't nagiiwan ng kaniyang mga itlog sa lupa, at pinaiinit ang mga yaon sa alabok,
15 At kinalilimutang mangapipisa ng paa, o mangayuyurakan ng mabangis na hayop.
16 Siya'y nagmamatigas laban sa kaniyang mga sisiw na tila hindi kaniya: bagaman ang kaniyang gawa ay mawalang kabuluhan, hindi niya ikinatatakot;
17 Sapagka't binawian siya ng Dios ng karunungan, ni hindi siya binahaginan ng unawa.
18 Anomang panahon na siya'y napaiitaas, hinahamak niya ang kabayo at ang sakay nito.
19 Nagbigay ka ba sa kabayo ng kalakasan? Binihisan mo ba ang kaniyang leeg ng buhok na gumagalaw?
20 Pinalulukso mo ba siya na parang balang? Ang kaluwalhatian ng kaniyang bahin ay kakilakilabot.
21 Siya'y kumukutkot sa libis, at nagagalak sa kaniyang kalakasan, siya'y sumasagupa sa mga taong may sandata.
22 Tinutuya niya ang takot at hindi nanglulupaypay: ni hindi tinatalikuran ang tabak.
23 Ang suksukan ng pana ay tumutunog laban sa kaniya, ang makintab na sibat at ang kalasag.
24 Kaniyang sinasakmal ang lupa na may kabangisan at poot; ni hindi siya naniniwala na yao'y tunog ng pakakak.
25 Kaniyang sinasabi sa tuwing tutunog ang mga pakakak: Aha! At kaniyang naaamoy ang pagbabaka sa malayo, ang sigaw ng mga kapitan at ang hiyaw.
26 Lumilipad ba ang uwak sa pamamagitan ng inyong karunungan, at iniuunat ba ang kaniyang mga pakpak sa dakong timugan?
27 Napaiilanglang ba ang agila sa iyong utos, at gumagawa ba ng kaniyang pugad sa itaas?
28 Sila'y nananahan sa malaking bato, at doon tumitira, sa taluktok ng burol at sa katibayan,
29 Mula roo'y tumitingin siya ng madadagit; ang kaniyang mga mata ay tumatanaw sa malayo.
30 Ang mga anak naman niya ay nagsisihitit ng dugo: at kung saan naroon ang pinatay ay naroon siya.