Job

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34 35 36 37 38 39 40 41 42

0:00
0:00

Kabanata 10

Ang aking kaluluwa ay nalulunos sa aking buhay; aking palalayain ang aking daing; ako'y magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa.
2 Sasabihin ko sa Dios: Huwag mo akong hatulan; ipakilala mo sa akin kung bakit nakikipagtalo ka sa akin.
3 Mabuti ba sa iyo na ikaw ay mamighati, na iyong itakuwil ang gawa ng iyong mga kaaway, at iyong pasilangin ang payo ng masama?
4 Ikaw ba'y may mga matang laman, o nakakakita ka bang gaya ng pagkakita ng tao?
5 Ang iyo bang mga kaarawan ay gaya ng mga kaarawan ng tao, o ang iyong mga taon ay gaya ng mga kaarawan ng tao,
6 Upang ikaw ay magsiyasat ng aking kasamaan, at magusisa ng aking kasalanan,
7 Bagaman iyong nalalaman na ako'y hindi masama; at walang makapagliligtas sa iyong kamay?
8 Ang iyong mga kamay ang siyang lumalang at nagbigay anyo sa akin sa buong palibot; gayon ma'y pinahihirapan mo ako.
9 Iyong alalahanin, isinasamo ko sa iyo, na ako'y iyong binigyang anyo na gaya ng putik; at iuuwi mo ba ako uli sa pagkaalabok?
10 Hindi mo ba ako ibinuhos na parang gatas, at binuo mo akong parang keso?
11 Ako'y binihisan mo ng balat at laman, at sinugpong mo ako ng mga buto at mga litid.
12 Ako'y pinagkalooban mo ng buhay at kagandahang-loob, at pinamalagi ang aking diwa ng iyong pagdalaw.
13 Gayon ma'y ang mga bagay na ito ay iyong ikinubli sa iyong puso; talastas ko na ito'y sa iyo:
14 Kung ako'y magkasala, iyo nga akong tinatandaan, at hindi mo ako patatawarin sa aking kasamaan.
15 Kung ako'y maging masama, sa aba ko; at kung ako'y maging matuwid, hindi ko man itataas ang aking ulo; yamang puspos ng kakutyaan, at ng pagmamasid niring kadalamhatian.
16 At kung ang aking ulo ay mataas, iyong hinuhuli akong parang leon: at napakikita ka uling kagilagilalas sa akin.
17 Iyong binabago ang iyong mga pagsaksi laban sa akin, at dinaragdagan mo ang iyong galit sa akin; paninibago at pakikipagbaka ang sumasaakin.
18 Bakit mo nga ako inilabas mula sa bahay-bata? Napatid sana ang aking hininga, at wala nang matang nakakita pa sa akin.
19 Ako sana'y naging parang hindi nabuhay; nadala sana ako mula sa bahay-bata hanggang sa libingan,
20 Hindi ba kaunti ang aking mga araw? paglikatin mo nga, at ako'y iyong bayaan, upang ako'y maginhawahan ng kaunti,
21 Bago ako manaw doon na hindi ako babalik, sa lupain ng kadiliman at ng lilim ng kamatayan;
22 Ang lupain na dilim, na gaya ng salimuot na kadiliman; lupain ng lilim ng kamatayan, na walang anomang ayos, at doon sa ang liwanag ay gaya ng salimuot na kadiliman.