2 Pedro

1 2 3

0:00
0:00

Kabanata 2

Nguni't may nagsilitaw din naman sa bayan na mga bulaang propeta, na gaya naman sa inyo'y magkakaroon ng mga bulaang guro, na mangagpapasok sa lihim ng mga makakapahamak na mga hiduwang pananampalataya, na itatatuwa pati ang Panginoon na bumili sa kanila, na mangagtataglay sa kanilang sarili ng madaling pagkapahamak.
2 At maraming magsisisunod sa kanilang mga gawang mahahalay; na dahil sa kanila ay pagsasalitaan ng masama ang daan ng katotohanan.
3 At sa kasakiman sa mga pakunwaring salita ay ipangangalakal kayo: na ang hatol nga sa kanila mula nang una ay hindi nagluluwat, at ang kanilang kapahamakan ay hindi nagugupiling.
4 Sapagka't kung ang Dios ay hindi nagpatawad sa mga anghel nang mangagkasala ang mga yaon, kundi sila'y ibinulid sa impierno, at kinulong sa mga hukay ng kadiliman, upang ilaan sa paghuhukom;
5 At ang dating sanglibutan ay hindi pinatawad, datapuwa't iningatan si Noe na tagapangaral ng katuwiran na kasama ng ibang pito pa, noong dalhin ang pagkagunaw sa sanglibutan ng masasama;
6 At pinarusahan niya ng pagkalipol ang mga bayan ng Sodoma at Gomorra na pinapaging abo, nang maging halimbawa sa mga magsisipamuhay na masama:
7 At iniligtas ang matuwid na si Lot, na lubhang nahahapis sa mahahalay na pamumuhay ng masasama:
8 (Sapagka't ang matuwid na ito na namamayang kasama nila, ay lubhang nahapis araw-araw ang kaniyang matuwid na kaluluwa sa pagkakita at pagkarinig niya, ng mga gawa nilang laban sa kautusan):
9 Ang Panginoon ay marunong magligtas ng mga banal, sa tukso at maglaan ng mga di matuwid sa ilalim ng kaparusahan hanggang sa araw ng paghuhukom;
10 Datapuwa't lalong-lalo na ng mga nagsisilakad ng ayon sa laman sa masamang pita ng karumihan, at nangapopoot sa pagkasakop. Mga pangahas, mapagsariling kalooban, sila'y hindi natatakot na magsialipusta sa mga pangulo:
11 Samantalang ang mga anghel, bagama't lalong dakila ang lakas at kapangyarihan, ay hindi nagtataglay ng paghatol na may alipusta laban sa kanila sa harapan ng Panginoon.
12 Datapuwa't ang mga ito, na gaya ng mga kinapal na walang bait, na ipinanganak na talagang mga hayop upang hulihin at lipulin, na nagsisialipusta sa mga bagay na hindi nila nalalaman ay walang pagsalang lilipulin sa kanila ring pagkalipol.
13 Na nangagbabata ng masama na kabayaran ng gawang masama; palibhasa'y inaari nilang isang kaligayahan ang magpakalayaw kung araw, mga dungis at kapintasan, na nangagpapakalayaw sa kanilang mga daya, samantalang sila'y nangakikipagpiging sa inyo;
14 Na may mga matang puspos ng pangangalunya, at hindi maaaring maglikat sa pagkakasala; na umaakit sa mga kaluluwang walang tiyaga; na may pusong sanay sa kasakiman; mga anak ng paglait,
15 Na pagkaalis sa daang matuwid ay nangaligaw sila, palibhasa'y nagsisunod sa daan ni Balaam na anak ni Beor, na nagibig ng kabayaran ng gawang masama;
16 Datapuwa't siya'y sinasaway dahil sa kaniyang sariling pagsalangsang: na isang asnong pipi ay nangusap ng tinig ng tao at pinigil ang kaululan ng propeta.
17 Ang mga ito'y mga bukal na walang tubig, mga ulap na tinatangay ng unos; na sa kanila'y itinaan ang kapusikitan ng kadiliman;
18 Sapagka't, sa pananalita ng mga kapalaluan na walang kabuluhan, ay umaakit sila sa masasamang pita ng laman, sa pamamagitan ng kalibugan, doon sa nagsisitakas sa nangamumuhay sa kamalian;
19 Na pinangangakuan ng kalayaan, samantalang sila'y mga alipin ng kabulukan; sapagka't ang nadaig ninoman ay naging alipin din naman niyaon.
20 Sapagka't kung, pagkatapos na sila'y makatakas sa mga pagkahawa sa sanglibutan sa pamamagitan ng pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, ay muling mahalubiluhan at madaig niyaon, ay lalong sumasama ang huling kalagayan nila kay sa nang una.
21 Sapagka't magaling pa sa kanila ang hindi nakakilala ng daan ng katuwiran, kay sa, pagkatapos na makakilala ito ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila.
22 Nangyari sa kanila ang ayon sa kawikaang tunay, Nagbabalik na muli ang aso sa kaniyang sariling suka, at sa paglulubalob sa pusali ang babaing baboy na nahugasan.