1 Pedro
Kabanata 1
Si Pedro, na apostol ni Jesucristo, sa mga hinirang na nangingibang bayan na nasa Pangangalat sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia at Bitinia,
2 Ayon sa paunang kaalaman ng Dios Ama, sa pagpabanal ng Espiritu, upang magsitalima at mangawisikan ng dugo ni Jesucristo: Biyaya at kapayapaan nawa ang sa inyo'y sumagana.
3 Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na ayon sa kaniyang malaking awa ay ipinanganak na muli tayo sa isang buhay na pagasa sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ni Jesucristo sa mga patay,
4 Sa isang manang di nasisira, at walang dungis, at hindi kumukupas, na inilaan sa langit para sa inyo,
5 Na sa kapangyarihan ng Dios ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya sa ikaliligtas na nahanda upang ihayag sa huling panahon.
6 Na ito ang inyong totoong ikinagagalak, bagama't ngayo'y sa sangdaling panahon, kung kailangan, ay pinalumbay kayo sa muli't muling pagsubok,
7 Upang ang pagsubok sa inyong pananampalataya na lalong mahalaga kay sa ginto na nasisira bagama't ito'y sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay masumpungan sa ikapupuri at ikaluluwalhati at ikararangal sa pagpapakahayag ni Jesucristo:
8 Na hindi ninyo nakita ay inyong iniibig; na bagama't ngayon ay hindi ninyo siya nakikita, gayon ma'y inyong sinasampalatayanan, na kayo'y nangagagalak na totoo na may galak na di masayod at puspos ng kaluwalhatian:
9 Na inyong tinatanggap ang layunin ng inyong pananampalataya, ang pagkaligtas ng inyong mga kaluluwa.
10 Tungkol sa pagkaligtas na ito ay nagsikap at nagsiyasat na maigi ang mga propeta, na nangagsihula tungkol sa biyayang dadating sa inyo:
11 Na sinisiyasat ang kahulugan kung ano at kailang panahon itinuro ng Espiritu ni Cristo na sumasa kanila, nang patotohanan nang una ang mga pagbabata ni Cristo, at ang mga kaluwalhatiang hahalili sa mga ito.
12 Na ipinahayag sa kanila, na hindi sa ganang kanilang sarili, kundi sa ganang inyo, pinangasiwaan nila ang mga bagay na ito, na ngayo'y ibinalita sa inyo sa pamamagitan ng mga nagsipangaral sa inyo ng evangelio sa pamamagitan ng Espiritu Santo na sinugo mula sa langit; na ang mga bagay na ito'y ninanasang mamasdan ng mga anghel.
13 Kaya't inyong bigkisan ang mga baywang ng inyong pagiisip, na maging mapagpigil kayo at inyong ilagak na lubos ang inyong pagasa sa biyayang dadalhin sa inyo sa pagkahayag ni Jesucristo;
14 Na gaya ng mga anak na matalimahin, na huwag kayong mangagasal na ayon sa inyong dating mga masasamang pita nang kayo'y na sa kawalang kaalaman:
15 Nguni't yamang banal ang sa inyo'y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay;
16 Sapagka't nasusulat, Kayo'y mangagpakabanal; sapagka't ako'y banal.
17 At kung inyong tinatawagan, na Ama, siyang walang itinatanging tao, na humahatol ayon sa gawa ng bawa't isa, ay gugulin ninyo sa takot ang panahon ng inyong pangingibang bayan:
18 Na inyong nalalamang kayo'y tinubos hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak o ginto, mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay, na ipinamana sa inyo ng inyong mga magulang;
19 Kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis, sa makatuwid baga'y ang dugo ni Cristo:
20 Na nakilala nga nang una bago itinatag ang sanglibutan, nguni't inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo,
21 Na sa pamamagitan niya ay nanganampalataya kayo sa Dios, na sa kaniya'y bumuhay na maguli sa mga patay, at sa kaniya'y nagbigay ng kaluwalhatian; upang ang inyong pananampalataya at pagasa ay mapasa Dios.
22 Yamang nilinis ninyo ang mga kaluluwa sa inyong pagtalima sa katotohanan, sa pagibig na hindi pakunwari sa mga kapatid, ay mangagibigan kayo ng buong ningas ng inyong puso sa isa't isa:
23 Yamang ipinanganak kayong muli, hindi sa binhing nasisira, kundi sa walang kasiraan, sa pamamagitan ng salita ng Dios na nabubuhay at namamalagi.
24 Sapagka't, Ang lahat ng laman ay gaya ng damo, At ang lahat ng kaniyang karangalan ay gaya ng bulaklak ng damo. Ang damo'y natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta:
25 Datapuwa't ang salita ng Panginoon ay namamalagi magpakailan man. At ito ang salita ng mabubuting balita na ipinangaral sa inyo.