Mga Taga-Efeso
Kabanata 6
Mga anak, magsitalima kayo sa inyong mga magulang sa Panginoon: sapagka't ito'y matuwid.
2 Igalang mo ang iyong ama at ina (na siyang unang utos na may pangako),
3 Upang yumaon kang mabuti, at ikaw ay mabuhay na malaon sa lupa.
4 At, kayong mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak: kundi inyong turuan sila ayon sa saway at aral ng Panginoon.
5 Mga alipin, magsitalima kayo sa mga yaong ayon sa laman ay inyong mga panginoon, na may takot at panginginig, sa katapatan ng inyong puso, na gaya ng kay Cristo;
6 Hindi ang paglilingkod sa paningin, na gaya ng pagbibigay lugod sa mga tao; kundi bagkus gaya ng mga alipin ni Cristo, na ginagawa mula sa puso ang kalooban ng Dios;
7 Maglingkod na may mabuting kalooban, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao:
8 Yamang napagaalaman na anomang mabuting bagay na gawin ng bawa't isa, ay gayon din ang muling tatanggapin niya sa Panginoon, maging alipin o laya.
9 At kayong mga panginoon, gayon din ang inyong gawin sa kanila, at iwan ninyo ang mga pagbabala: yamang napagaalaman na ang Panginoon nila at ninyo ay nasa langit, at sa kaniya'y walang itinatanging tao.
10 Sa katapustapusa'y magpakalakas kayo sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan.
11 Mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y magsitibay laban sa mga lalang ng diablo.
12 Sapagka't ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.
13 Dahil dito magsikuha kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y mangakatagal sa araw na masama, at kung magawa ang lahat, ay magsitibay.
14 Magsitibay nga kayo, na ang inyong mga baywang ay may bigkis na katotohanan, na may sakbat na baluti ng katuwiran,
15 At ang inyong mga paa ay may panyapak na paghahanda ng evangelio ng kapayapaan;
16 Bukod dito ay taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na siyang ipapatay ninyo sa lahat ng nangagniningas na suligi ng masama.
17 At magsikuha rin naman kayo ng turbante ng kaligtasan, at ng tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Dios:
18 Na magsipanalangin kayo sa Espiritu ng lahat ng panalangin at daing sa buong panahon, at mangagpuyat sa buong katiyagaan at daing na patungkol sa lahat ng mga banal,
19 At sa akin, upang ako'y pagkalooban ng pananalita sa pagbubuka ng aking bibig, upang ipakilalang may katapangan ang hiwaga ng evangelio,
20 Na dahil dito ako'y isang sugong natatanikalaan; upang sa ganito ako'y magsalita na may katapangan gaya ng nararapat na aking salitain.
21 Datapuwa't upang mangaalaman ninyo naman ang mga bagay na ukol sa akin, at ang kalagayan ko, si Tiquico na aking minamahal na kapatid at tapat na ministro sa Panginoon, ay siyang magpapakilala sa inyo ng lahat ng mga bagay:
22 Na siyang aking sinugo sa inyo sa bagay na ito, upang makilala ninyo ang aming kalagayan, at upang kaniyang aliwin ang inyong mga puso.
23 Kapayapaan nawa sa mga kapatid, at pagibig na may pananampalataya, mula sa Dios Ama at sa Panginoong Jesucristo.
24 Ang biyaya nawa'y sumalahat ng mga nagsisiibig sa ating Panginoong Jesucristo ng pagibig na walang pagkasira. Siya nawa.