2 Mga Taga-Corinto

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13


Kabanata 12

Kinakailangang ako'y magmapuri, bagaman ito'y hindi nararapat; nguni't aking sasaysayin ang mga pangitain ko at mga pahayag ng Panginoon.
2 Nakikilala ko ang isang lalake kay Cristo, na mayroong nang labingapat na taon (maging sa katawan, aywan ko; o maging sa labas ng katawan, aywan ko; Dios ang nakaaalam) na inagaw hanggang sa ikatlong langit.
3 At nakikilala ko ang taong iyan (maging sa katawan, o sa labas ng katawan, aywan ko; Dios ang nakaaalam),
4 Na kung paanong siya'y inagaw sa Paraiso, at nakarinig ng mga salitang di masayod na hindi nararapat salitain ng tao.
5 Tungkol sa taong yaon ako'y magmamapuri: nguni't tungkol sa aking sarili ay hindi ako magmamapuri, maliban na sa aking mga kahinaan.
6 Sapagka't kung ibigin kong ako'y magmapuri, ay hindi ako magiging mangmang; sapagka't sasalitain ko ang katotohanan: nguni't nagpipigil ako, baka ang sinoman ay magakalang ako'y mataas sa nakikita niya sa akin, o naririnig sa akin.
7 At nang ako'y huwag magpalalo ng labis dahil sa kadakilaan ng mga pahayag, ay binigyan ako ng isang tinik sa laman, ng isang sugo ni Satanas, upang ako'y tampalin, nang ako'y huwag magpalalo ng labis.
8 Tungkol dito'y makaitlo akong nanalangin sa Panginoon, upang ilayo ito sa akin.
9 At siya'y nagsabi sa akin, Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo: sapagka't ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan. Kaya't bagkus akong magmamapuri na may malaking galak sa aking kahinaan upang manahan nawa sa akin ang kapangyarihan ni Cristo.
10 Kaya nga ako'y nagagalak sa mga kahinaan, sa mga pagkaapi, sa mga pangangailangan, sa mga pagkakausig, sa mga paghihinagpis, dahil kay Cristo: sapagka't pagka ako'y mahina, ako nga'y malakas.
11 Ako'y naging mangmang: pinilit ninyo ako; ako sana'y dapat ninyong purihin: sapagka't sa anoman ay hindi ako naging huli sa lubhang mga dakilang apostol, bagaman ako'y walang kabuluhan.
12 Tunay na ang mga tanda ng apostol ay pawang nangyari sa inyo sa buong pagtitiis, sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan at ng mga gawang makapangyarihan.
13 Sapagka't ano nga ang inyong ikinahuli sa ibang mga iglesia, kundi ang ako'y hindi naging pasanin ninyo? ipatawad ninyo sa akin ang kamaliang ito.
14 Narito, ito ang ikatlo na ako'y handang pumariyan sa inyo; at ako'y hindi magiging pasanin ninyo: sapagka't hindi ko hinahanap ang inyo, kundi kayo: sapagka't hindi nararapat ipagtipon ng mga anak ang mga magulang, kundi ng mga magulang ang mga anak.
15 At ako'y gugugol ng may malaking kagalakan at pagugugol dahil sa inyong mga kaluluwa. Kung kayo'y iniibig ko ng lalong higit, ako baga'y iniibig ng kaunti?
16 Datapuwa't magkagayon man, ako'y hindi naging pasan sa inyo; kundi dahil sa pagkatuso ko, kayo'y hinuli ko sa daya.
17 Kayo baga'y aking dinaya sa pamamagitan ng sinoman sa mga sinugo sa inyo?
18 Pinamanhikan ko si Tito, at sinugo kong kasama niya ang kapatid. Kayo baga'y dinaya ni Tito? hindi baga kami ay nagsilakad sa isang Espiritu? hindi baga kami ay nagsisunod sa gayon ding mga hakbang?
19 Iniisip ninyo na sa buong panahong ito'y kami ay nangagdadahilan sa inyo. Sa paningin ng Dios ay nangagsasalita kami sa pangalan ni Cristo. Datapuwa't ang lahat ng mga bagay, mga minamahal, ay sa inyong mga ikatitibay.
20 Natatakot nga ako na baka sa anomang paraan, kung ako'y dumating ay kayo'y masumpungan kong hindi gaya ng ibig ko, at ako ay inyong masumpungang hindi gaya ng ibig ninyo; baka sa anomang paraan ay magkaroon ng pagtatalo, mga paninibugho, mga kagalitan, mga pagkakampikampi, mga pagsirang-puri, mga paghatid-dumapit, mga kapalaluan, mga pagkakagulo;
21 Baka pagka ako'y dumating na muli ay ako'y pababain ng Dios ko sa harapan ninyo, at ako'y malumbay dahil sa marami sa nangagkasalang una, at hindi nangagsisi sa karumihan at sa pakikiapid at sa kalibugan na ginawa nila.