Mga Taga-Roma
Kabanata 5
Yaman nga na mga inaaring-ganap sa pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo;
2 Sa pamamagitan din naman niya'y nangagkaroon tayo ng ating pagpasok sa pamamagitan ng pananampalataya sa biyayang ito na diyan ay nagsisilagi tayo; at nangagagalak tayo sa pagasa ng kaluwalhatian ng Dios.
3 At hindi lamang gayon, kundi naman nangagagalak tayo sa ating mga kapighatian na nalalamang ang kapighatian ay gumagawa ng katiyagaan;
4 At ang katiyagaan, ng pagpapatunay; at ang pagpapatunay, ng pagasa:
5 At ang pagasa ay hindi humihiya; sapagka't ang pagibig ng Dios ay nabubuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin.
6 Sapagka't nang tayo ay mahihina pa ay namatay si Cristo sa kapanahunan dahil sa mga masama.
7 Sapagka't ang isang tao'y bahagya nang mamatay dahil sa isang taong matuwid: bagama't dahil sa isang taong mabuti marahil ay may mangangahas mamatay.
8 Datapuwa't ipinagtatagubilin ng Dios ang kaniyang pagibig sa atin, na nang tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin.
9 Lubha pa nga ngayong inaaring-ganap sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ay mangaliligtas tayo sa galit ng Dios sa pamamagitan niya.
10 Sapagka't kung, noong tayo'y mga kaaway ay pinakipagkasundo tayo sa Dios sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, lubha pa, ngayong nangagkakasundo na, ay mangaliligtas tayo sa kaniyang buhay;
11 At hindi lamang gayon, kundi tayo'y nangagagalak naman sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo, na sa pamamagitan niya'y tinamo natin ngayon ang pagkakasundo.
12 Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala:
13 Sapagka't ang kasalanan ay nasa sanglibutan hanggang sa dumating ang kautusan: nguni't hindi ibinibilang ang kasalanan kung walang kautusan.
14 Bagaman ang kamatayan ay naghari mula kay Adam hanggang kay Moises, kahit doon sa hindi nangagkasala man ng tulad sa pagsalangsang ni Adam, na siyang anyo niyaong darating.
15 Datapuwa't gayon din ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng pagsuway. Sapagka't kung sa pagsuway ng isa ay nangamatay ang marami, lubha pang sumagana sa marami ang biyaya ng Dios, at ang kaloob dahil sa biyaya ng isang lalaking si Jesucristo.
16 At ang kaloob ay hindi gaya ng nangyari sa pamamagitan ng isang nagkasala: sapagka't ang kahatulan ay dumating sa isa sa ipagdurusa, datapuwa't ang kaloob na walang bayad ay dumating sa maraming pagsuway sa ikaaaring ganap.
17 Sapagka't kung, sa pagsuway ng isa, ay naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng isa; lubha pang magsisipaghari sa buhay ang nagsisitanggap ng kasaganaan ng biyaya at kaloob ng katuwiran sa pamamagitan ng isa, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.
18 Kaya kung paanong sa pamamagitan ng isang pagsuway ay dumating ang hatol sa lahat ng mga tao sa ipagdurusa; gayon din naman sa pamamagitan ng isang gawa ng katuwiran, ang kaloob na walang bayad ay dumating sa lahat ng mga tao sa ikaaaring-ganap ng buhay.
19 Sapagka't kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay naging mga makasalanan, gayon din sa pamamagitan ng pagtalima ng isa ang marami ay magiging mga matuwid.
20 At bukod sa rito ay pumasok ang kautusan, upang ang pagsuway ay makapanagana; datapuwa't kung saan nanagana ang kasalanan, ay nanaganang lubha ang biyaya:
21 Upang, kung paanong ang kasalanan ay naghari sa ikamamatay, ay gayon din naman ang biyaya ay makapaghahari sa pamamagitan ng katuwiran sa ikabubuhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesucristo na Panginoon natin.