Lucas

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24

0:00
0:00

Kabanata 13

Nang panahon ding ngang yaon ay nangaroon ang ilan, na nagsipagsabi sa kaniya tungkol sa mga Galileo, na ang dugo ng mga ito'y inihalo ni Pilato sa mga hain nila.
2 At siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Inaakala baga ninyo na ang mga Galileong ito ay higit ang pagkamakasalanan kay sa lahat ng mga Galileo, dahil sa sila'y nangagbata ng mga bagay na ito?
3 Sinasabi ko sa inyo, Hindi: datapuwa't, malibang kayo'y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan.
4 O yaong labingwalo, na nalagpakan ng moog sa Siloe, at nangamatay, ay inaakala baga ninyo na sila'y lalong salarin kay sa lahat ng taong nangananahan sa Jerusalem?
5 Sinasabi ko sa inyo, Hindi: datapuwa't, malibang kayo'y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan.
6 At sinalita niya ang talinghagang ito, Isang tao ay may isang puno ng igos na natatanim sa kaniyang ubasan; at siya'y naparoong humahanap ng bunga niyaon, at walang nasumpungan.
7 At sinabi niya sa nagaalaga ng ubasan, Narito, tatlong taon nang pumaparito akong humahanap ng bunga sa puno ng igos na ito, at wala akong masumpungan: putulin mo; bakit pa makasisikip sa lupa?
8 At pagsagot niya'y sinabi sa kaniya, Panginoon, pabayaan mo muna sa taong ito, hanggang sa aking mahukayan sa palibot, at malagyan ng pataba:
9 At kung pagkatapos ay magbunga, ay mabuti; datapuwa't kung hindi, ay puputulin mo.
10 At siya'y nagtuturo sa mga sinagoga nang araw ng sabbath.
11 At narito, ang isang babae na may espiritu ng sakit na may labingwalong taon na; at totoong baluktot at hindi makaunat sa anomang paraan.
12 At nang siya'y makita ni Jesus, ay kaniyang tinawag siya, at sinabi niya sa kaniya, Babae, kalag ka na sa iyong sakit.
13 At ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kaniya: at pagdaka siya'y naunat, at niluwalhati niya ang Dios.
14 At ang pinuno sa sinagoga, dala ng kagalitan, sapagka't si Jesus ay nagpagaling nang sabbath, ay sumagot at sinabi sa karamihan, May anim na araw na ang mga tao'y dapat na magsigawa: kaya sa mga araw na iyan ay magsiparito kayo, at kayo'y pagagalingin, at huwag sa araw ng sabbath.
15 Datapuwa't sinagot siya ng Panginoon, at sinabi, Kayong mga mapagpaimbabaw, hindi baga kinakalagan ng bawa't isa sa inyo sa sabbath ang kaniyang bakang lalake o ang kaniyang asno sa sabsaban, at ito'y inilalabas upang painumin?
16 At ang babaing itong anak ni Abraham, na tinalian ni Satanas, narito, sa loob ng labingwalong taon, hindi baga dapat kalagan ng taling ito sa araw ng sabbath?
17 At samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito, ay nangapahiya ang lahat ng kaniyang mga kaalit: at nangagagalak ang buong karamihan dahil sa lahat ng maluwalhating bagay na kaniyang ginawa.
18 Sinabi nga niya, Sa ano tulad ang kaharian ng Dios? at sa ano ko itutulad?
19 Tulad sa isang butil ng mostasa na kinuha ng isang tao, at inihagis sa kaniyang sariling halamanan; at ito'y sumibol, at naging isang punong kahoy; at humapon sa mga sanga nito ang mga ibon sa langit.
20 At muling sinabi niya, Sa ano ko itutulad ang kaharian ng Dios?
21 Tulad sa lebadura na kinuha ng isang babae, at itinago sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito'y nalebadurahang lahat.
22 At siya'y yumaon sa kaniyang lakad sa mga bayan at mga nayon, na nagtuturo, at naglalakbay na tungo sa Jerusalem.
23 At may isang nagsabi sa kaniya, Panginoon, kakaunti baga ang mangaliligtas? At sinabi niya sa kanila,
24 Magpilit kayong magsipasok sa pintuang makipot: sapagka't sinasabi ko sa inyo na marami ang mangagsisikap na pumasok, at hindi mangyayari.
25 Kung makatindig na ang puno ng sangbahayan, at mailapat na ang pinto, at magpasimula kayong mangagsitayo sa labas, at mangagsituktok sa pintuan, na mangagsasabi, Panginoon, buksan mo kami; at siya'y sasagot at sasabihin sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala kung kayo'y taga saan;
26 Kung magkagayo'y pasisimulan ninyong sabihin, Nagsikain kami at nagsiinom sa harap mo, at nagturo ka sa aming mga lansangan;
27 At sasabihin niya, Sinasabi ko sa inyo na hindi ko kayo nangakikilala kung kayo'y taga saan; magsilayo kayo sa akin, kayong lahat na manggagawa ng kalikuan.
28 Diyan na nga ang pagtangis, at ang pagngangalit ng mga ngipin, kung mangakita ninyo si Abraham, at si Isaac, at si Jacob, at ang lahat ng mga propeta sa kaharian ng Dios, at kayo'y palabasin.
29 At sila'y magsisipanggaling sa silanganan at sa kalunuran, at sa timugan at sa hilagaan, at magsisiupo sa kaharian ng Dios.
30 At narito, may mga huling magiging una at may mga unang magiging huli.
31 Nagsidating nang oras ding yaon ang ilang Fariseo, na nangagsasabi sa kaniya, Lumabas ka, at humayo ka rito: sapagka't ibig kang patayin ni Herodes.
32 At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon kayo, at inyong sabihin sa sorrang yaon, Narito, nagpapalabas ako ng mga demonio at nagpapagaling ngayon at bukas, at ako'y magiging sakdal sa ikatlong araw.
33 Gayon ma'y kailangang ako'y yumaon sa aking lakad ngayon at bukas at sa makalawa: sapagka't hindi mangyayari na ang isang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem.
34 Oh Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta, at bumabato sa mga sinugo sa kaniya! Makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang sariling mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, at ayaw kayo!
35 Narito, sa inyo'y iniwang walang anoman ang inyong bahay: at sinasabi ko sa inyo, Hindi ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.