Marcos
Kabanata 2
At nang siya'y pumasok uli sa Capernaum pagkaraan ng ilang araw, ay nahayag na siya'y nasa bahay.
2 At maraming nagkatipon, ano pa't hindi na magkasiya, kahit sa pintuan man: at sa kanila'y sinaysay niya ang salita.
3 At sila'y nagsidating, na may dalang isang lalaking lumpo sa kaniya, na usong ng apat.
4 At nang hindi sila mangakalapit sa kaniya dahil sa karamihan, ay kanilang binakbak ang bubungan ng kaniyang kinaroroonan: at nang yao'y kanilang masira, ay inihugos nila ang higaang kinahihigan ng lumpo.
5 At pagkakita ni Jesus sa kanilang pananampalataya ay sinabi sa lumpo, Anak, ipinatatawad ang iyong mga kasalanan.
6 Nguni't mayroon doong nangakaupong ilan sa mga eskriba, at nangagbubulaybulay sa kanilang mga puso,
7 Bakit nagsasalita ang taong ito ng ganito? siya'y namumusong: sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan kundi isa, ang Dios lamang?
8 At pagkaunawa ni Jesus, sa kaniyang espiritu na sila'y nangagbubulaybulay sa kanilang sarili, pagdaka'y sinabi sa kanila, Bakit binubulaybulay ninyo ang mga bagay na ito sa inyong mga puso?
9 Alin baga ang lalong magaang sabihin sa lumpo, Ipinatatawad ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka, at buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?
10 Datapuwa't upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi niya sa lumpo),
11 Sa iyo ko sinasabi, Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.
12 At nagtindig siya, at pagdaka'y binuhat ang higaan, at yumaon sa harap nilang lahat; ano pa't nangagtaka silang lahat, at niluwalhati nila ang Dios, na nangagsabi, Kailan ma'y hindi tayo nakakita ng ganito.
13 At muling lumabas at naparoon siya sa tabi ng dagat; at lumapit sa kaniya ang buong karamihan, at sila'y kaniyang tinuruan.
14 At sa kaniyang pagdaraan, ay nakita niya si Levi na anak ni Alfeo na nakaupo sa paningilan ng buwis, at sinabi niya sa kaniya, Sumunod ka sa akin. At nagtindig siya at sumunod sa kaniya.
15 At nangyari, na siya'y nakaupo sa pagkain sa kaniyang bahay, at maraming maniningil ng buwis at mga makasalanang nagsiupong kasalo ni Jesus at ng kaniyang mga alagad: sapagka't sila'y marami, at sila'y nagsisunod sa kaniya.
16 At nang makita ng mga eskriba at mga Fariseo, na siya'y kumakaing kasalo ng mga makasalanan at ng mga maniningil ng buwis, ay nagsipagsabi sa kaniyang mga alagad, Ano ito na siya'y kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?
17 At nang ito'y marinig ni Jesus, ay sinabi niya sa kanila, Hindi nangangailangan ng manggagamot ang mga walang sakit, kundi ang mga maysakit: hindi ako naparito upang tumawag ng mga matuwid, kundi ng mga makasalanan.
18 At nangagaayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Fariseo: at sila'y nagsilapit at sinabi sa kaniya, Bakit nangagaayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Fariseo, datapuwa't hindi nangagaayuno ang iyong mga alagad?
19 At sinabi sa kanila ni Jesus, Mangyayari bagang mangagayuno ang mga abay sa kasalan, samantalang ang kasintahang-lalake ay sumasa kanila? samantalang ang kasintahang-lalake ay sumasa kanila, ay hindi sila mangakapagaayuno.
20 Datapuwa't darating ang mga araw, na aalisin sa kanila ang kasintahang-lalake, at kung magkagayo'y mangagaayuno sila sa araw na yaon.
21 Walang taong nagtatagpi ng matibay na kayo sa damit na luma: sa ibang paraan ang itinagpi ay binabatak ang tinagpian, sa makatuwid baga'y ang bago sa luma, at lalong lumalala ang punit.
22 At walang taong nagsisilid ng bagong alak sa mga balat na luma; sa ibang paraan ay pinupunit ng alak ang mga balat at nabububo ang alak at nasisira ang mga balat: kundi ang alak na bago ay isinisilid sa mga bagong balat.
23 At nangyari, na nagdaraan siya sa mga bukiran ng trigo nang araw ng sabbath; at ang mga alagad niya, samantalang nagsisilakad, ay nagpasimulang nagsikitil ng mga uhay.
24 At sinabi sa kaniya ng mga Fariseo, Narito, bakit ginagawa nila sa araw ng sabbath ang hindi matuwid?
25 At sinabi niya sa kanila, Kailan man baga'y hindi ninyo nabasa ang ginawa ni David, nang siya'y mangailangan, at magutom, siya, at ang kaniyang mga kasamahan?
26 Kung paanong pumasok siya sa bahay ng Dios nang panahon ng dakilang saserdoteng si Abiatar, at kumain siya ng tinapay na itinalaga, na hindi matuwid kanin maliban na sa mga saserdote lamang, at binigyan pa rin niya ang kaniyang mga kasamahan?
27 At sinabi niya sa kanila, Ginawa ang sabbath ng dahil sa tao, at di ang tao ng dahil sa sabbath:
28 Kaya't ang Anak ng tao ay panginoon din naman ng sabbath.