Mateo
Kabanata 7
Huwag kayong magsihatol, upang huwag kayong hatulan.
2 Sapagka't sa hatol na inyong ihahatol, ay hahatulan kayo: at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo.
3 At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng inyong kapatid, nguni't hindi mo pinapansin ang tahilan na nasa iyong sariling mata?
4 O paanong sasabihin mo sa iyong kapatid, Pabayaan mong alisin ko ang puwing sa mata mo; at narito, ang tahilan sa iyong sariling mata?
5 Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang tahilan sa iyong sariling mata; at kung magkagayo'y makikita mong malinaw ang pag-aalis mo ng puwing sa mata ng iyong kapatid.
6 Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anomang banal, ni ihagis man ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy, baka yurakan ng kanilang mga paa, at mangagbalik at kayo'y lapain.
7 Magsihingi kayo, at kayo'y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo'y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo'y bubuksan:
8 Sapagka't ang bawa't humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan.
9 O anong tao sa inyo, ang kung siya'y hingan ng tinapay ng kaniyang anak, ay bato ang ibibigay;
10 O kung hingan siya ng isda, ay bibigyan niya ng ahas?
11 Kung kayo nga, bagaman masasama ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa nagsisihingi sa kaniya?
12 Kaya nga lahat ng mga bagay na ibig ninyong sa inyo'y gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila: sapagka't ito ang sa kautusan at ang mga propeta.
13 Kayo'y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka't maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo'y nagsisipasok.
14 Sapagka't makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon.
15 Mangagingat kayo sa mga bulaang propeta, na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa't sa loob ay mga lobong maninila.
16 Sa kanilang mga bunga ay inyong mangakikilala sila. Nakapuputi baga ng mga ubas sa mga tinikan, o ng mga igos sa mga dawagan?
17 Gayon din naman ang bawa't mabuting punong kahoy ay nagbubunga ng mabuti; datapuwa't ang masamang punong kahoy ay nagbubunga ng masama.
18 Hindi maaari na ang mabuting punong kahoy ay magbunga ng masama, at ang masamang punong kahoy ay magbunga ng mabuti.
19 Bawa't punong kahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol, at inihahagis sa apoy.
20 Kaya't sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila.
21 Hindi ang bawa't nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.
22 Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo'y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo'y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?
23 At kung magkagayo'y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma'y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.
24 Kaya't ang bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato:
25 At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at hindi nabagsak: sapagka't natatayo sa ibabaw ng bato.
26 At ang bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at hindi ginaganap, ay matutulad sa isang taong mangmang, na itinayo ang kaniyang bahay sa buhanginan:
27 At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at nabagsak: at kakilakilabot ang kaniyang pagkabagsak.
28 At nangyari, na nang matapos na ni Jesus ang mga salitang ito, ay nangatilihan ang mga karamihan sa kaniyang aral:
29 Sapagka't sila'y kaniyang tinuturuang tulad sa may kapamahalaan, at hindi gaya ng kanilang mga eskriba.