Malakias
Kabanata 3
Narito, aking sinusugo ang aking sugo, at siya'y maghahanda, ng daan sa harap ko: at ang Panginoon na inyong hinahanap, ay biglang paroroon sa kaniyang templo; at ang sugo ng tipan na inyong kinaliligayahan, narito, siya'y dumarating, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
2 Nguni't sino ang makatatahan sa araw ng kaniyang pagparito? at sino ang tatayo pagka siya'y pakikita? sapagka't siya'y parang apoy ng mangdadalisay, at parang sabon ng mga tagapagpaputi:
3 At siya'y mauupong gaya ng mangingintab at mangdadalisay ng pilak, at kaniyang dadalisayin ang mga anak ni Levi, at kaniyang pakikinising parang ginto at pilak; at sila'y mangaghahandog sa Panginoon ng mga handog sa katuwiran.
4 Kung magkagayo'y ang handog ng Juda at ng Jerusalem ay magiging kalugodlugod sa Panginoon, gaya ng mga araw nang una, at gaya ng mga taon nang una.
5 At aking lalapitan kayo sa kahatulan; at ako'y magiging maliksing saksi laban sa mga manghuhula, at laban sa mga mangangalunya, at laban sa mga sinungaling na manunumpa, at laban doon sa nagsisipighati sa mangaaraw sa kaniyang mga kaupahan, sa babaing bao, at sa ulila, at sa nagliligaw sa taga ibang lupa mula sa kaniyang matuwid, at hindi natatakot sa akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
6 Sapagka't ako, ang Panginoon, ay hindi nababago, kaya't kayo, Oh mga anak na lalake ni Jacob ay hindi nangauubos.
7 Mula nang mga kaarawan ng inyong mga magulang kayo'y nangagpakaligaw sa aking mga tuntunin, at hindi ninyo tinalima. Manumbalik kayo sa akin, at ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Nguni't inyong sinasabi, Sa ano kami manunumbalik?
8 Nanakawan baga ng tao ang Dios? gayon ma'y ninanakaw ninyo ako. Nguni't inyong sinasabi, Sa ano ka namin ninakawan? Sa mga ikasangpung bahagi at sa mga handog.
9 Kayo'y nangagsumpa ng sumpa sapagka't inyo akong ninakawan, sa makatuwid baga'y nitong buong bansa.
10 Dalhin ninyo ang buong ikasangpung bahagi sa kamalig, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan.
11 At aking sasawayin ang mananakmal dahil sa inyo, at hindi niya sisirain ang mga bunga sa inyong lupa; ni malalagasan man ng bunga sa di panahon ang inyong puno ng ubas sa parang, sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
12 At tatawagin kayo ng lahat na bansa na mapalad: sapagka't kayo'y magiging maligayang lupain, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
13 Ang inyong mga salita ay naging lapastangan laban sa akin, sabi ng Panginoon. Gayon ma'y inyong sinasabi, Sa ano kami nangagsalita ng laban sa iyo?
14 Inyong sinabi, Walang kabuluhan ang maglingkod sa Dios; at anong kapakinabangan nito na ating iningatan ang kanyang bilin, at tayo'y nagsilakad na may pananangis sa harap ng Panginoon ng mga hukbo?
15 At ngayo'y ating tinatawag ang palalo na mapalad, oo, silang nagsisigawa ng kasamaan ay nangagtayo; oo, kanilang tinutukso ang Dios, at tumatakas.
16 Nang magkagayo'y silang nangatatakot sa Panginoon ay nagsangusapan: at pinakinggan ng Panginoon, at dininig, at isang aklat ng alaala ay nasulat sa harap niya, para sa kanila na nangatakot sa Panginoon, at gumunita ng kaniyang pangalan.
17 At sila'y magiging akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, sa araw na aking gawin, sa makatuwid baga'y isang tanging kayamanan; at akin silang kaaawaan, na gaya ng isang tao na naaawa sa kaniyang anak na naglilingkod sa kaniya.
18 Kung magkagayo'y manunumbalik kayo at makikilala ninyo ang matuwid at ang masama, yaong naglilingkod sa Dios at yaong hindi naglilingkod sa kaniya.