Zacarias
Kabanata 9
Ang hula na salita ng Panginoon laban sa lupain ng Hadrach, at Damasco ang magiging pahingahang dako niyaon, (sapagka't ang mata ng tao at ang lahat ng mga lipi ng Israel ay nasa Panginoon);
2 At gayon din sa Hamath, na kahangganan nito; sa Tiro at Sidon, sapagka't sila'y totoong pantas.
3 At ang Tiro ay nagtayo ng katibayan, at nagbunton ng pilak na parang alabok, at ng mainam na ginto na parang putik sa mga lansangan.
4 Narito, aalisan siya ng Panginoon, at kaniyang sisirain sa dagat ang kapangyarihan niya; at siya'y lalamunin ng apoy.
5 Makikita ng Ascalon, at matatakot; ng Gaza rin, at mamamanglaw na mainam, at ng Ecron, sapagka't ang kaniyang pagasa ay mapapahiya; at ang hari ay mamamatay sa Gaza, at ang Ascalon ay hindi tatahanan.
6 At isang anak sa ligaw ay tatahan sa Asdod, at aking puputulin ang kapalaluan ng mga Filisteo.
7 At aking aalisin ang kaniyang dugo sa kaniyang bibig, at ang kaniyang mga kasuklamsuklam sa pagitan ng kaniyang mga ngipin; at siya nama'y maiiwan para sa ating Dios: at siya'y magiging gaya ng pangulo sa Juda, at ang Ecron ay gaya ng Jebuseo.
8 At ako'y magtitirik ng kampamento sa palibot ng aking bahay laban sa hukbo, na walang makadadaan ni makababalik; at walang mamimighati na daraan pa sa mga yaon: sapagka't ngayo'y tumingin ako ng aking mga mata.
9 Magalak kang mainam, Oh anak na babae ng Sion; humiyaw ka, Oh anak na babae ng Jerusalem: narito, ang iyong hari ay naparirito sa iyo; siya'y ganap at may pagliligtas; mapagmababa, at nakasakay sa isang asno, sa isang batang asno na anak ng asnong babae.
10 At aking ihihiwalay ang karo mula sa Ephraim, at ang kabayo'y mula sa Jerusalem; at ang mga busog na pangbaka ay mapuputol; at siya'y magsasalita ng kapayapaan sa mga bansa: at ang kaniyang kapangyarihan ay magiging sa dagat at dagat, at mula sa ilog hanggang sa mga wakas ng lupa.
11 Tungkol sa iyo naman, dahil sa dugo ng iyong tipan ay aking pinalabas ang iyong mga bilanggo sa hukay na walang tubig.
12 Mangagbalik kayo sa katibayan, kayong mga bilanggo na may pag-asa, ngayo'y aking inihahayag na aking igagawad sa inyo na makalawa.
13 Sapagka't aking binaluktot ang Juda para sa akin, aking inakmaan ang Ephraim ng busog; at aking gigisingin ang iyong mga anak, Oh Sion, laban sa iyong mga anak, Oh Grecia, at gagawin kitang parang tabak ng makapangyarihang lalake.
14 At ang Panginoo'y makikita sa itaas nila; at lalabas ang kaniyang pana na parang kidlat; at ang Panginoong Dios ay hihihip ng pakakak, at yayaon na kasama ng mga ipoipo sa timugan.
15 Ipagsasanggalang sila ng Panginoon ng mga hukbo; at sila'y mangananakmal, at kanilang yayapakan ang mga batong panghilagpos; at sila'y magsisiinom, at mangagiingay na gaya ng sa alak; at sila'y mangapupunong parang mga taza, parang mga sulok ng dambana.
16 At ililigtas sila ng Panginoon nilang Dios sa araw na yaon na gaya ng kawan ng kaniyang bayan; sapagka't magiging gaya ng mga bato ng isang putong na nataas sa mataas sa kaniyang lupain.
17 Sapagka't pagkalaki ng kaniyang kabutihan, at pagkalaki ng kaniyang kagandahan! pagiginhawahin ng trigo ang mga binata, at ng bagong alak ang mga dalaga;