Zefanias
Kabanata 2
Kayo'y magpipisan, oo, magpipisan, Oh bansang walang kahihiyan;
2 Bago ang pasiya'y lumabas, bago dumaang parang dayami ang kaarawan, bago dumating sa inyo ang mabangis na galit ng Panginoon, bago dumating sa inyo ang kaarawan ng galit ng Panginoon.
3 Hanapin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na maamo sa lupa, na nagsigawa ng ayon sa kaniyang kahatulan; hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan: kaypala ay malilingid kayo sa kaarawan ng galit ng Panginoon.
4 Sapagka't ang Gaza ay pababayaan, at ang Ascalon ay sa kasiraan; kanilang palalayasin ang Asdod sa katanghaliang tapat, at ang Ecron ay mabubunot.
5 Sa aba ng mga nananahanan sa baybayin ng dagat, bansa ng mga Chereteo! Ang salita ng Panginoon ay laban sa iyo, Oh Canaan, na lupain ng mga Filisteo; aking gigibain ka, upang mawalan ng mga mananahan.
6 At ang baybayin ng dagat ay magiging pastulan, na may mga dampa para sa mga pastor, at mga kulungan para sa mga kawan.
7 At ang baybayin ay mapapasa nalabi sa sangbahayan ni Juda; sila'y mangagpapastol ng kanilang mga kawan doon; sa mga bahay sa Ascalon ay mangahihiga sila sa gabi; sapagka't dadalawin sila ng Panginoon nilang Dios, at ibabalik sila na mula sa kanilang pagkabihag.
8 Aking narinig ang panunungayaw ng Moab, at ang pagapi ng mga anak ni Ammon, na kanilang ipinanungayaw sa aking bayan, at nagmalaki sila ng kanilang sarili laban sa kanilang hangganan.
9 Buhay nga ako, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Walang pagsalang ang Moab ay magiging parang Sodoma, at ang mga anak ni Ammon ay parang Gomorra, pag-aari na mga dawag, at lubak na asin, at isang pagkasira sa tanang panahon: sila'y sasamsamin ng nalabi sa aking bayan, at sila'y mamanahin ng nalabi sa aking bansa.
10 Ito ang kanilang mapapala dahil sa kanilang pagpapalalo, sapagka't sila'y nanungayaw at nagmalaki ng kanilang sarili laban sa bayan ng Panginoon ng mga hukbo.
11 Ang Panginoo'y magiging kakilakilabot sa kanila; sapagka't kaniyang gugutumin ang lahat ng dios sa lupa; at sasambahin siya ng mga tao; ng bawa't isa mula sa kanikaniyang dako, ng lahat na pulo ng mga bansa.
12 Kayong mga taga Etiopia naman, kayo'y papatayin sa pamamagitan ng aking tabak.
13 At kaniyang iuunat ang kaniyang kamay laban sa hilagaan, at gigibain ang Asiria, at ang Nineve ay sisirain, at tutuyuing gaya ng ilang.
14 At mga bakaha'y hihiga sa gitna niyaon, lahat ng hayop ng mga bansa: ang pelikano at gayon din ang erizo ay tatahan sa mga kapitel niyaon; kanilang tinig ay huhuni sa mga dungawan; kasiraa'y sasapit sa mga pasukan; sapagka't kaniyang sinira ang mga yaring kahoy na cedro.
15 Ito ang masayang bayan na tumahang walang bahala, na nagsasabi sa sarili, Ako nga, at walang iba liban sa akin: ano't siya'y naging sira, naging dakong higaan para sa mga hayop! lahat na daraan sa kaniya ay magsisisutsot, at ikukumpas ang kaniyang kamay.