Ang Awit ni Solomon
Kabanata 4
Narito, ikaw ay maganda, sinta ko; narito, ikaw ay maganda; ang iyong mga mata ay gaya ng mga kalapati sa likod ng iyong lambong: ang iyong buhok ay gaya ng kawan ng mga kambing, na nagpapahinga sa gulod ng bundok ng Galaad.
2 Ang iyong mga ngipin ay gaya ng mga kawan ng mga tupa na bagong gupit, na nagsiahong mula sa pagpaligo, na bawa't isa'y may anak na kambal, at walang baog sa kanila.
3 Ang iyong mga labi ay gaya ng pising mapula, at ang iyong bibig ay kahalihalina: ang iyong mga pisngi ay gaya ng putol ng granada. Sa likod ng iyong lambong.
4 Ang iyong leeg ay gaya ng moog ni David na itinayo na pinaka sakbatan, na kinabibitinan ng libong kalasag, ng lahat na kalasag ng mga makapangyarihang lalake.
5 Ang iyong dalawang suso ay gaya ng dalawang batang usa na mga kambal ng isang inahin, na nagsisisabsab sa gitna ng mga lila.
6 Hanggang sa ang araw ay lumamig at ang mga lilim ay tumakas, ako'y paroroon sa bundok ng mira, at sa burol ng kamangyan.
7 Ikaw ay totoong maganda, sinta ko; at walang kapintasan sa iyo.
8 Sumama ka sa akin mula sa Libano, kasintahan ko, na kasama ko mula sa Libano: tumanaw ka mula sa taluktok ng Amana, mula sa taluktok ng Senir at ng Hermon, mula sa mga yungib ng mga leon, mula sa mga bundok ng mga leopardo.
9 Inagaw mo ang aking puso, kapatid ko, kasintahan ko, iyong inagaw ang aking puso ng isang sulyap ng iyong mga mata, ng isang kuwintas ng iyong leeg.
10 Pagkaganda ng iyong pagsinta, kapatid ko, kasintahan ko! Pagkaigi ng iyong pagsinta kay sa alak! At ang amoy ng iyong mga langis kay sa lahat na sari-saring pabango!
11 Ang iyong mga labi, Oh kasintahan ko, na nagsisitulo na gaya ng pulot-pukyutan: pulot at gatas ay nasa ilalim ng iyong dila; at ang amoy ng iyong mga suot ay gaya ng amoy ng Libano.
12 Halamanang nababakuran ang kapatid ko, ang kasintahan ko; bukal na nababakuran, balon na natatakpan.
13 Ang iyong mga pananim ay halamanan ng mga granada, na may mahalagang mga bunga; albena sangpu ng mga pananim na nardo,
14 Nardo at azafran, calamo at kanela, sangpu ng lahat na punong kahoy na kamangyan; mira at mga eloe, sangpu ng lahat na pinakamainam na especia.
15 Ikaw ay bukal ng mga halamanan, balon ng mga buhay na tubig, at mga balong na tubig na mula sa Libano.
16 Gumising ka, Oh hilagaang hangin; at parito ka, ikaw na timugan; humihip ka sa aking halamanan, upang ang mga bango niya'y sumalimuoy. Masok ang aking sinta sa kaniyang halamanan, at kumain siya ng kaniyang mahalagang mga bunga.