Mga Kawikaan
Kabanata 13
Dinidinig ng pantas na anak ang turo ng kaniyang ama: nguni't hindi dinidinig ng mangduduwahagi ang saway.
2 Ang tao ay kakain ng mabuti ayon sa bunga ng kaniyang bibig: nguni't ang magdaraya ay kakain ng karahasan,
3 Siyang nagiingat ng kaniyang bibig, nagiingat ng kaniyang buhay: nguni't siyang nagbubukang maluwang ng kaniyang mga labi ay magkakaroon ng kapahamakan.
4 Ang tamad ay nagnanasa, at walang anoman: nguni't ang kaluluwa ng masipag ay tataba.
5 Ang matuwid ay nagtatanim sa pagsisinungaling: nguni't ang masama ay kasuklamsuklam, at napapahiya.
6 Bumabantay ang katuwiran sa matuwid na lakad; nguni't inilulugmok ng kasamaan ang makasalanan.
7 May nagpapakayaman, gayon ma'y walang anoman: may nagpapakadukha, gayon ma'y may malaking kayamanan.
8 Ang katubusan sa buhay ng tao ay siyang kaniyang mga kayamanan: nguni't ang dukha ay hindi nakikinig sa banta.
9 Ang ilaw ng matuwid ay nagagalak: nguni't ang ilawan ng masama ay papatayin.
10 Sa kapalaluan, ang dumarating ay pagtatalo lamang: nguni't ang karunungan ay nangasa nangaturuang maigi.
11 Ang kayamanang tinangkilik sa walang kabuluhan ay huhupa: nguni't siyang nagpipisan sa paggawa ay mararagdagan.
12 Ang pagasa na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso: nguni't pagka ang nasa ay dumarating ay punong kahoy ng buhay.
13 Sinomang humamak sa salita ay nagdadala ng kapahamakan sa sarili: nguni't siyang natatakot sa utos ay gagantihin.
14 Ang kautusan ng pantas ay bukal ng buhay, upang lumayo sa mga silo ng kamatayan.
15 Ang mabuting kaunawaan ay nagbibigay lingap: nguni't ang lakad ng mananalangsang ay mahirap.
16 Bawa't mabait na tao ay gumagawang may kaalaman: nguni't ang mangmang ay nagkakalat ng kamangmangan.
17 Ang masamang sugo ay nahuhulog sa kasamaan: nguni't ang tapat na sugo ay kagalingan.
18 Karalitaan at kahihiyan ang tatamuhin ng nagtatakuwil ng saway: nguni't siyang nakikinig ng saway ay magkakapuri.
19 Ang nasa na natupad ay matamis sa kaluluwa: nguni't kasuklamsuklam sa mga mangmang na humiwalay sa kasamaan.
20 Lumalakad ka na kasama ng mga pantas na tao, at ikaw ay magiging pantas; nguni't ang kasama ng mga mangmang ay mapapariwara.
21 Ang kasamaan ay humahabol sa mga makasalanan; nguni't ang matuwid ay gagantihan ng mabuti.
22 Ang mabuti ay nagiiwan ng mana sa mga anak ng kaniyang mga anak; at ang kayamanan ng makasalanan ay nalalagay na ukol sa matuwid.
23 Maraming pagkain ang nasa pagsasaka ng dukha: nguni't may napapahamak dahil sa kawalan ng kaganapan.
24 Siyang naguurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak: nguni't siyang umiibig ay nagpaparusang maminsan-minsan.
25 Ang matuwid ay kumakain hanggang sa kabusugan ng kaniyang kaluluwa; nguni't ang tiyan ng masama ay mangangailangan.